Ang litnum at ang gera

 

Kagaya ng litnum ang pakikigera
Hindi ang mga mamahaling kagamitan ang nagtatakda sa tagumpay
Kundi ang kapasyahan ng mag-aaral.

Minsan naisip kong mas gusto ko na lang makigera kaysa mag-aral ng literasiya
Di hamak naman kasing mas madaling makilala ang kaaway kaysa sa napakaraming letra
Mas madaling kalabitin ang baril kaysa hawakan ang bolpen.
Pinupulikat ang aking mga daliri.
Nandyan naman ang mga kasama, kayang kaya nila.
Kahit paano marunong na kong magbasa at sumulat ng mga salita

Nguniy minsa’y napagtanto ko ring …
Magkapareho pala ang pag-aaral ng literasiya at pakikigera
Hindi sapat ang masapatan sa kung ano ang alam na
Pagkat araw-araw umuunlad ang gera
Hindi tayo minamaliit ng kaaway
Kaya dapat higit na magpakahusay
Kapwa sa teorya at praktika
Pagkat ang gera, hindi naipagtatagumpay ng himala o ala tsamba
O sa simpleng husay sa pamamaril
Ito’y isang syensya, isang sining
Na kailangan ng pagkukunot ng noo at malalim na debosyon
Pagkat sa bawat pagkwenta at pagpapasya, buhay ng mga kasama at masa ang nakataya.
Sa bawat pananamlay, lumalayo ang tagumpay.

Kaya naman, hamon sa aking sarili at mga kamag-aral,
Bihasa man sa pagbabasa o nakikigera pa sa mga letra
Matiyagang mag-aral, huwag magsawa
Mangahas matuto kahit nabubulol pa
Huwag mainip, huwag mahiya kung ang sulat ay tumatabingi pa
Ang pag-aaral ng literasiya ay parang matagalang digmang bayan
May katagalan pero tiyak ang tagumpay
At higit sa lahat, kapasyahang matuto ng kolektibo ang mahalaga
Maging guro at mag-aaral ng isa’t isa at ng masa.

Kaya’t tayo nang mag-aral at makibaka!


Ang litnum at ang gera