Ni Alon Aurora Babaeng Gerilya

 

AMAZONA:
Sila ang tinaguriang babae
Sa mitolohiya ng griyego
O ang ibong kulay berde
Ang pakpak sa bayan ng kano

Subalit dito sa bayang sinilangan ko
Sila ang babaeng rebolusyonaryo
Kumawala at bumabasag sa mitolohiyang dayo –
Na ang babae ay bagay lamang sa kwarto
Katambal ng inuming kwatro-kantos
Na ilaw ng tahanan, nagbibigay liwanag
Subalit walang tinig na maaninag
Na lampa at walang alam gawin sa mundo
Kundi ang sumaklolo sa magiting na sundalo
Gaya ng inilalarawan sa mga palabas at libro

Sila ang babaeng rebolusyonaryo
Hindi sila ang ibong kulay berde
Sila’y kulay lupang nag-aanyong berde
Pagkat higit pa sila sa ibon
Walang pakpak pero kayang lumipad
Anumang pilit ay di kayang ipiit
Ang kanilang mapagpalayang isipan
Armado ng Marxismo-Leninismo-Maoismo
Na syang gugupo sa agilang dayo.

Pagkat sa bayang sinilangan ko
Sila ang tinaguriang babaylan –
Makapangyarihan!
Di lang bumabasa ng kapalaran
Bagkus iginuguhit ng sariling dugo ang kasaysayan ng bayan

Gamit ang sariling talino’t lakas
Bitbit ang di maaagaw na armas
Kasama sa sandatahang lakas
Kaisa ang masang dinadahas
Tinatalunton ang landas
Sa estratehikong pagkapatas
Hanggang makamit ang maaliwalas na bukas.

Pagkat sa bayang sinilangan ko,
Sila ang mga BABAENG GERILYA.

June 10, 2018
Para kay Ka Tim na aming pinunong amazona at sa lahat ng matitikas at magigiting rebolusyonaryong babae!


Babaeng Gerilya