Bahay ni Lyka

 

Di mabilang ang pagkakataong palipat-lipat ng matitirhan si Ka Lyka noong bata pa siya. Natagpuan lamang niya ang kanyang tunay na tahanan sa bisig ng rebolusyon. Dito niya nakilala ang matuturing niyang kapamilya, kapatid at kasama na gumagabay at katuwang niya sa pagbabagong-hubog at pagharap sa mga hamon ng buhay.

Sinagip si Ka Lyka ng mga kasamang kumikilos sa Lanao del Sur noong Abril 2019. Suot niya’y masikip na pantalon, hugis bilog na mga salamin at sweater na simbulaw* ng kanyang kinulayang buhok. Agad siyang napalapit sa mga kasama dahil sa katangian niyang masayahin at magaling makisalamuha, malambing at madaldal. Madali rin niyang naintindahan ang kahalagahan ng armadong rebolusyon at hindi nagtagal ay nagpasyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan.

Sa likod ng kanyang masasayang ngiti ay may madilim na kahapong bumabagabag kay Ka Lyka. Ginahasa siya ng kanyang amain noong siya’y pitong taong gulang pa lamang. Ngunit sa halip na tulungan at protektahan ay napabayaan lamang siyang masadlak sa matinding inhustisya. Sa murang edad ay napilitan siyang gumala-gala at maghanap ng mga paraan kung paano bubuhayin ang sarili.

Sa edad na 10, namasukan siya bilang katulong sa isang maykayang pamilya. Ngunit ang kanyang among inaasahan niyang tutulong sa kanya ang siyang tumulak sa kanya sa higit pang kasamaan. Ginawa siyang kuryer ng shabu, pinilit na gumamit ng droga, at ginawang parausan o sex slave nito.

May mga pagkakataong naisip niyang maglayas at magpatiwakal para tapusin na ang kanyang paghihirap. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, matagal nang nag-aalala at naghahanap ang kanyang mapagmahal na kuya na isang Pulang mandirigma.

Sa tulong ng isang kamag-anak, nakausap niya ang kapatid na si Kasamang Ikaw. Ikinuwento niya sa kapatid ang kanyang kalagayan sa kamay ng amo.

Labis mang nasaktan, batid ni Ka Ikaw na biktima ng mapagsamantala at mapang-aping lipunan ang kanyang nakababatang kapatid. At isa lamang siya sa napakaraming babaeng biktima ng mga karahasan at kawalang-hustisya. Buo ang kanyang pananalig na maliligtas ang kapatid sa tulong ng mga kasama.

Umayon si Ka Lyka sa plano ng mga kasamang sasagipin siya sa tamang pagkakataon. Naisakatuparan ito nang sa isang madaling araw ng Sabado, pinayagan siyang sumama sa pamamalengke sa bayan. Nagpaalam siyang pumunta ng kubeta para lihim na kontakin ang naatasang sumagip sa kanya. Huli na nang namalayan ng amo ang kanyang pagtakas. Naglalakad na siya patungo sa bundok kung saan naghihintay ang mga kasama at ang kanyang kuyang sabik na makita siya.

Tatlong taon nang kumikilos sa Hukbo si Ka Lyka noong Abril 2022. Nahanap na niya dito ang tunay na kaligayahang mabuhay ng may dangal at respeto. Gumampan siya ng gawaing medikal at nagpapakita ng kasipagan sa pagsasanay sa panggagamot. Naging malapit siya sa mga masang Moro at Lumad dahil sa kanyang kabatiran sa mga wika nila. Kinagiliwan din ng mga kasama ang kanyang mabilis na pagsasalita.

Tuwing magkamali at napupuna, napapaluha si Ka Lyka. Subalit aniya, ito ay luha ng kasiyahan dahil sa mga kasama lamang niya naranasang may pumapayo at gumagabay sa kanya. Sabik siya sa mga pagpapaintindi at sa loob lamang ng organisasyon na kanyang nararamdaman ang kabuluhan ng mga pangangaral. Naintindihan din niya ang kahalagahan ng pagpanibagong-hubog at walang katapusang pagwawasto sa mga pagkakamali.

Napakasakit para kay Ka Lyka ang pagkamartir ng kanyang kapatid na si Ka Ikaw sa isang insidenteng pambobomba noong Pebrero 2020. Ngunit kailanma’y hindi niya inisip na umalis sa paglilingkod. Ang kanyang rebolusyonaryong determinasyon ang pumawi sa mga luha at kalungkutan, at tumulak sa kanyang mas pagbutihin pa ang pagkilos.

Abril 18, 2022, pinaslang ng begdugong 1st SF Bn si Ka Lyka sa Imbayao, Malaybalay City. Dalawampung taong gulang lamang siya.

____
*kulay ginto


Bahay ni Lyka