ni Ka Yuhim Isog Daang hanter 2

 

I. Babala! May daang hanter na di dapat taluntunin
Sa wari’y maiksing ruta, mas madaling bagtasin
Matubig ang daan, maraming amukaw na makakain
May wild strawberries pang mapipitas
Mayayabong punong nagbibigay lilim

Mag-ingat! Umalerto!
Sa daang sumisiko, may panganib na nagbabadya
Makipot, malalim, nakakakulong na kalupaan
Sa makapal na sukal, may berdugong nagkukubli
Demonyo! Hukbo ng masa ay ipinagkanulo!
Ito ang daang hanter, piniling landas ni Gabot de la Cruz
Taksil sa lahing Ayta! Taksil sa uring magsasaka!

II. Ang paghahanting ay maringal na tradisyon ng pambansang minoryang Ayta
Katutubong hanapbuhay na sumasanib at sumasalig sa kalikasan
Katibayan ng angking talino at tyaga ang bawat mailap na hayop na nasisilo
Patotoo sa taglay nilang lakas at liksi ang mababangis na hayop na nagugupo ng kanilang umbento.
Kalikasang sa kanila’y nagbigay buhay
Teritoryong kanilang ipinagtatanggol sa dayong mangangamkam
Subalit may lumabusaw sa tradisyon, winawasak ang kultura
Mga para-militar, CAFGU, SCAA, mga lokal na ahente ng estado!
Sina Gabot de la Cruz, Loreto Manalaysay, Inad Manalaysay, Puyon Dasca—iilan lamang sila
Kakarampot na elementong taksil sa interes ng sambayanang Pilipino
Dumudungis sa pangalan ng magigiting na hanter
Itakwil sila! Palayasin sa lupang ninuno!
III. Ang pagpili ng tataluntuning daan ay isang pagpapasya…
Piliin ang daang hanter ng masang nakikibaka para sa kalayaan at demokrasya
Batbat man ng kahirapan, ng mga liko’t sikot
Nakakatiyak namang tagumpay ang kapupuntahan.
Piliin ang daang hanter ng iilang taksil at tampalasan
Sugsugin, upang sila’y usigin
Pagbayarin ang mga taksil at salarin!

2019 Marso 30
Habang umuulan at si ka misa’y naglilista ng pakturang wala pang katiyakang mabibili


Daang hanter 2