ni Yang Nakpil Dagli

 

Maalinsangan ang panahon noong tanghaling iyon.
Tumatagaktak ang aking pawis. Kay sarap lumangoy
sa ilog sa ganitong oras! Kaso, naglalakbay kami
para sa pinaplano naming TO (taktikal na opensiba).

Nasanay na ako sa pagiging vanguard sa paglalakad-
-nagmamasid, alerto at matalas ang pandama,
tinitiyak ang paroroonan para sa buong yunit.
Handang unang mapalaban, handang makauna sa
paglaban.

Regular na daan ang aming binabagtas. Sa kanan
ko, tanaw ko ang ilog. Sa kaliwa, may daan na
tatagpo sa binabagtas namin. Dahan-dahan akong
umaabante dahil natatagalan ang kasunod ko.
Sumulyap muli ako sa kanan. Natakpan na ng
mga bato ang tanaw sanang ilog. Tumingin ako sa
kaliwa. Biglang nakuha ng pansin ko ang mga taong
papalapit.

Chino ang suot nila, mga naka-kawa at naka-bota.
Inuusisa ko ang mga mukhang nagmimistulang
mga kasama, ngunit wala akong makilala. Hinanda
ko ang daliri ko sa gatilyo. Isa, dalawa, tatlo–bilang
ko sa mga nagpapanggap na didire-diretsong
dumadaan sa kalsada. Walang muwang sa aking
presensya. Sumunod ang ikaapat na elemento nila
at saka lamang ako napansin.

“Ngeeh, kalaban!” nanginginig niyang sinabi.
Daglian niyang yinapos ang malaking bato sa tabi
ng daan, tarantang kumubli habang nakalitaw ang
mga brasong tangan ang kanyang baril. Naglingunan
ang tatlong naunang elemento sa kanya.

PANG! PANG! PANG!
Nagtakbuhan sila sa magkabilang direksyon nang
mamutok ako.

“Kaaway!” pasa ko sa mga kasama sa likod.
Tssss… BOOM!

Mabilis na nakatugon ang mga kasama para
labanan ang kaaway.

Kinse minutos bago sumagot ng putok ang kaaway.
Nakalayo na kami sa panahon iyon, mabilis pero
maingat na nagmamaniobra sa palayan ng kalapit
na masa, ligtas at walang ni anumang pinsala.

Hingal na hingal kami mula sa engkwentro, pero
sa wakas, nakarating din kami sa mayor na gulod.
Umupo kami upang magpahinga.

Pinakatitingnan ko ang katapat naming pastuhan.
Tila may gumagalaw sa kugunan. Makalipas ang
ilang saglit, naglitawan ang mga ulong pangit!
Nagtipon sila kadikit ng isang malaking puno,
wari’y sinasaayos ang kanilang briefing.
Pinarating ko sa aming iskwad lider ang nakita ko. ‘Di
namin pinalagpas ang pagkakataon–pagkatapos
ng ilang palitan at sa kumand ng aming iskwad
lider, walang pag-aatubili kaming pumusisyon sa
gulod.

RATATATAT!

Nagulantang ang kaaway nang paulanan namin sila
ng bala. Nagsitakbuhan sila, nagkalat! Hindi na sila
makaganti ng putok. Sa sobrang pagkakataranta
pa’y parang mga bolang naggulungan ang kaaway
pababa ng burol at patungo sa sapa!

“Atras na!” kumand ng aming iskwad lider.
Sunud-sunod nang bumaba ang mga kasama ko
mula sa aming kinatatayuan. ‘Di ko na napigilang
humalakhak nang sumulyap ako sa huling sandali
at nakita ang kaguluhan ng reaksyunaryong
sandatahang pwersa.

Sa pagsagpang namin sa gintong pagkakataong
iyon, matagumpay naming nasindak ang pasistang
80th IB na mahigit isang taon nang naninibasib sa
Rizal. Nagtamo ang mga ito ng kaswalti, habang
ligtas na nakaatras ang aming yunit.

Sadyang ang tapang ng kaaway ay kaya lang nitong
ipakita sa mamamayang walang kalaban-laban,
ngunit tigreng papel itong tumitiklop sa harap ng
Bagong Hukbong Bayan.


Dagli