ni Ka Lino GM, Kasal, TO

“Ingat sa lakad, mga kasama! Kitakits sa susunod na linggo. Babay!” dala tukso ni Ka Day sa mga nagdadalamhating myembro ng isang iskwad.

“Dugang kadasig sa lahat at mag-ingat tayo palagi!” pampalakas ng loob ni Ka Emm sa mga kasama habang nagkakamayan.

Agosto 2020, natapos na ang pulong ng komite ng seksyon na namamahala sa isang platun ng BHB sa lalawigan ng Surigao del Sur. Naibahagi na rin sa platun ang pangkalahatang programa sa loob ng isang buwang gawain. Ayon sa panawagan, kailangang makapaglunsad ng BTO (batayang taktikal na opensiba) ang platun at makakasa ng sariling TO (taktikal na opensiba) ang mga iskwad. Ang platun ay hinati sa dalawang relatibong malakas na iskwad upang isagawa ang pangunahing gawain at tugon sa paraan ng dispersal. Sakop ng kanilang gawain ang tag-iisang magkalapit na bayan, sa kahabaan ng haywey at baybayin, at ekspansyon na erya. Sa lunsod ng B* natalaga ang Iskwad Uno na pinamumunuan ni Ka Day, katimbang si Ka Man bilang VSL-1 (vice squad leader), Ka Yer bilang VSL-2 at si Ka Wena bilang PI (pulitikal na instruktor). Habang nasa bayan naman ng L* kumikilos ang Iskwad Dos na pinamumunuan ni Ka Jems at kanyang PG (pulitikal na giya) na si Ka Rose. Dito rin nakalubog ang platun lider na si Ka Emm at ang upisyal paniktik ng platun na si Ka Len.

Sa unang linggo pa lamang ng buwan, pareho nang nadugtungan sa dalawang iskwad ang masang makatutulong sa kanila para sa dagdag na pagpamilyarisa sa lugar at pagkilala sa iba pang mapagkakatiwalaang residente. Nakakuka na rin ang Iskwad Dos ng mga pasiunang datos sa mga target-militar na kanilang pinag-aaralan. Samantala, tuluy-tuloy na naglulunsad ang Iskwad Uno ng pampulitikang pagsisiyasat sa lugar. Diin nito ang pagkilala sa mga armadong grupo at indibidwal na nakatira sa lugar.

Sa pangalawang linggo, nag-updeyt si Ka Day sa mga pagsusuri na kanilang nakuha. Hindi na pinaluwagan ni Ka Emm ang pagpalow-ap at paggabay sa grupo ni Ka Day matapos matanggap ang ulat. Pinayuhan niya ito kung ano ang mainam na gawain para maging kongkreto ang porma ng mga plano.

“Ako ang bibisita diyan, kas,” pagboluntaryo ni Ka Yer matapos ipinaabot ni Ka Day sa kumand ang utos. “Madali lang yan! Magdadamit lang ako ng seksi, may kasamang meyk-ap at dalang kembot. Oh di ba, di na mahahalata,” pabaklang sabi nito. Dahil mapagkakatiwalaan naman siya sa ganitong mga gawain, pinayagan si Ka Yer ng grupo.

Sa kabilang banda, nabuo na rin sa Iskwad Dos ang pangkalahatang datos sa galaw ng kanilang pinag-aaralang target. Siniguro na ng masa ang kanilang papel sa pagmonitor ng mga kilos nito. Nasarbey na rin ang paborableng pusisyon para sa operasyon. Sa pangatlong linggo ng buwan, binalangkas na ang mga plano sa operasyon at pinorma na ang 12-operatibang yunit para sa pagkasa nito. Ilang beses silang naglunsad ng dry-ran alinsunod sa senaryo A, B, at C. Handa at determinado ang Pulang hukbo na maparusahan ang target na matagal nang kahilingan ng masa. Ang iskedyul na lamang sa kilos sa target ang hinihintay sa linggong iyon.

Isang hapon, sinalubong ng dalawang kasama ang masang bumili ng ulam para sa kanila. Gusto sana nitong sumama sa posting (temporaryong kampo) pero hindi na ito pinayagan ng kumand para hindi na nito makita kung saan at kung sino ang mga kasama. Pagsisiguro ito ng seguridad sa paparating na operasyon. Matapos tumawag ang mga kasama sa kanilang kasalubong, nakatawag din agad ang isa pang masa.

“Dalawang motor, apat na tao ang sakay, walang uniporme pero siguradong taga-brigeyd, at ngayo’y papunta sa ating pinagsalubungan,” balita ng masa na tumawag sa mga kasama.

Nagmadaling pinaalam sa mga kasamang sumalubong na nandoon pa noong oras na iyon at mabilisan na itong bumalik sa posting. Sa normal na lakad, 30 minuto lamang ang kanilang layo sa kinaroroonan ng sasakyan papunta sa kanilang posting. Bilang pagsiguro, nagdesisyon ang kumand na lumipat ng lugar na matutulugan at magmasid.

Maaliwalas ang panahon sa araw at gabi. Hindi umulan. Tahimig ang mga kasama sa pusisyon. Pansin kahit maliit na kilos sa palibot. Walang pwersa ng kaaway ang pumasok ayon sa halos tatlong araw ng pagmonitor ng masa kaya nagdesisyon ang kumand na magpa-recon ng isang tim sa paligid ng kanilang pusisyon.

“Ay! ang lapit lang pala ng pinagkampuhan ng kaaway. Nasa likod lang pala nila tayo nitong damuhan. Halos 25 metros lang ang layo nila sa pusisyon ng Alpa tim. Parang dalawang araw na nakakampo,” humihingal na pagreport ni Ka RJ sa kumand nang matapos ang pagrekon.

Nagpatawag ng pulong ang kumand habang tinatasa ang rekon tim. Nakita nilang hindi paborableng ikasa ang trabaho dahil sa pagbago ng sitwasyon. Hindi pa nila batid kung ano ang disenyo ng kilos ng kaaway sa lugar, at manipis pa ang mga masa na makakatulong sa pagmonitor nito. Kaya, nagdesisyon sila na mag-shift ng gawain habang magmasid sa galaw ng kaaway sa lugar na kinapapalooban.

“Ay salamat, nagkita uli tayo mga kasama. Kamusta naman? Dugang kadasig!” ang mapagkumbaba ngunit masiglang salubong ng isang kasama sa mga kasamang paakyat.

“Kunin ko na yang medikal pak na suot mo sa harap, para di ka mahirapan paakyat. Nariyan na ang poste sa ibabaw, dugang kadasig mga kasama!” tulong ng isa pang kasama sa mga kasamang medikal.

“Maraming salamat mga kasama,” hinihingal na sagot sa mga kasama sa Iskwad Dos na paakyat papunta sa kampo ng Iskwad Uno.

Tatlong araw na naglakad ang Iskwad Dos para mabuo muli ang platun. Masaya ang mga kasama sa muling pagkikita. Halos hindi maputol ang usapan at pagbahagi ng mga karanasan sa pagdispers. “Malaking digmaan talaga ang mangyayari nito ngayong buo na uli tayo, hahaha,” patawa ng isang kasama sa Iskwad Uno.

“Aw, parang pahinga lang ‘ata ito kas,” sagot ng taga Iskwad Dos.

Matapos ang dalawang araw na nilaan para sa pahinga, paglalaba, pagligo, at asesment sa lakaran, nagpatawag ng pulong ang yunit kumand. Panghuling linggo na ito ng buwan ng Agosto.

********

Kinumpleto sa yunit kumand ang mga kinakailangan para sa TO at ginawa na ang mga replika ng target. Inatupag naman ng iba pang myembro ng KTSP, na pinadaloy ni Ka Wena, ang paghahanda sa mga kinakailangan para sa kasal ng magkarelasyong kasama sa hanay ng komite.

Sinamantala nila na wala pang galaw ang kaaway sa lugar at meron pang mga masang handang kumilos sa seguridad at suplay para sa darating na kasal. Abala ang lahat ng kasama, lahat ay may gawain. Limitado lang ang imbitasyon sa mga myembro ng pamilya at iilang masang kumilos para sa kasal. Kaya napagkasunduang kaunti at simple lang ang kailangang handa o suplay, para na rin maiwasang mabisto.

Napagkasunduan sa komite na pagkatapos ng araw ng kasal, magpupulong ulit ang yunit kumand para sa pagpinalisa ng TO. Matagumpay na nakasa at natapos ang kasal sa araw na itinakda sa unang linggo ng Setyembre. Kahit simple, maganda naman ang dekorasyon ng benyu. Halos maluha sa tuwa ang mga kasamang kinasal, matapos ang kanilang panumpa sa gitna ng seremonya. Kahit kontrolado ang ingay at boses, nakuha pa rin ng mga kasamang bigkasin ang “mabuhay ang bagong kasal!”

Nagtanghal rin ng ilang mga kanta at “koryo” (sayaw) ang mga kasama at iilang mga masa.

“Kas, ipaabot mo sa mga kasamang magligpit at uurong tayo. May nakitang mga kaaway sa ibabaw ng komunidad na malapit sa atin,” pasa ni Ka Emm sa isang kasama sa kanyang tabi. Mabilis na nagligpit ang mga kasama sa mga gamit at pagkain habang mayroon namang tim na look-out. Dali-dali rin nilang binaklas ang mga dekorasyon sa benyu ng kasal. Wala pang 30 minutos, nakatiklop na ang mga gamit ng kasama at agaran nang nakaalis. Ang masang dumalo sa kasal ang siyang nakakita sa mga kaaway habang pauwi.

Sa simula ng pangalawang linggo ng Setyembre, walang tigil na ang labas-pasok ng tig-aapat na undersized platoon ng kaaway ang palitang kumikilos sa erya na lagpas o halos 20 araw. Sa tulong ng masa at mga kasamang pamilyar sa lugar, nakaiwas ang mga Pulang mandirigma na mapadepensiba. Naging bulag at bingi ang kaaway at napigilian itong matukoy ang kinaroroonan ng mga kasama. Mataas ang diwa ng Pulang hukbo sa pagharap ng mga paghihirap at sakripisyo. Tumaas rin ang antas ng kanilang disiplinang militar. Hinawakan nila ang pagiging makilos sa sikretong paraan. Ginamit ang araw at gabi sa kanilang paglipat para makalabas sa kahon ng kaaway.

Sa pagtatasang hindi magtatagal ang operasyon ng kaaway, nagdesisyon ang mga kasama na huwag nang maglunsad ng kontra-atake dahil maari itong makaapekto sa plano sa TO na halos handa nang ikasa. Ngunit, nang lumagpas na ito ng halos dalawang linggo, nagdesisyon na ang kumand na tutukan na lamang ang plano sa BTO. Ayon sa kanilang obserbasyon sa kilos ng kaaway, kaya nilang maglunsad ng ambus. Kaya inihanda agad nila ang mga kinakailangan at sikretong pumasok sa eryang ginagalawan ng kaaway, at saka pumusisyon. Pero hindi dumaan ang kaaway sa kanilang inasahang daraanan ng kaaway kaya walang nangyaring sagupaan.

Malapit nang matapos ang buwan nang nagsilabasan sa erya ang laha ng pwersa ng kaaway na pumasok. Kaya, nagdesisyon ang mga kasamang magtungo na sa lugar na malapit sa prinsipal na target.

Sa paglipat, dama ng mga kasama ang grabeng pag-init ng paligid at pagbago nito. Halos kalbo na ang dating mga kakahuyan na ngayo’y dinaanan ng mga “farm-to-market road.” Ang mga dating gubat at sakaha’y napalitan na ng mga punong palkata. Naranas man sila ng lamig at lilim, pero sa mga puno ng goma naman ang kanilang sinilungan. Tumawid sila mga grabadong daan patungong komunidad, at nakadaan tabi mismo ng komunidad. May mga masang papunta sa kanilang mga sakahan na nakasalubong ang hukbo, na pinagsabihan naman ng mga kasama na ipaglihim kung ano man ang kanilang nakita. Alas kwatro na ng hapon nang nakarating sila sa kanilang pinag-postingan.

Kinabukasan ng umaga, iniulat ng masa na may tatlong grupo ng kaaway ang pumasok sa baryo. Ang isang grupo nito ay nakita malapit sa komunidad na dinaanan, at siyang medyo napalapit sa mga kasama. Nagpulong ang yunit komand para tasahin ang update ng masa at ang mga posibleng implikasyon nito sa planong aksyong militar. Sa kanilang suri, posibleng may lumabas na istorya tungkol sa presensya ng mga kasama at posibleng aabot pa ng iilang araw ang operasyon ng kaaway. Nagbigay ng dalawang pagpipilian ang kumand: tamaan ang kaaway o hindi? Nagpatuloy ang bawat isa sa pag-iisip. “Malapit na tayo sa target. Kung walang putok na mangyayari, hindi ito mag-aalerto at mas malaking porsyento na mananalo tayo.” Mas marami ang pabor sa hindi pagtira sa pumasok na kaaway.

Dahil dito, napagkasunduan ng buong platun ang dobleng paghihigpit sa disiplinang militar para hindi matukoy ng kaaway ang kanilang kinaroroonan. Nakaposisyong pang-ambus ang moda ng platun para aktibo silang makadepensa at maagaw ang inisyatiba kung lumapit ang kaaway.

“Tatlong grupo na ang nakitang naglakad pababa malapit sa baryo, ulat ng masa ngayong hapon,” sabi na Ka Emm sa yunit kumand.

“Pangatlong araw na nila ngayon. Posibleng lalabas na yan at wala naman silang namatyagang kapansin-pansin sa paggala nila,” dagdag ni Ka Day.

“Dagdag na ipa-monitor lang natin sa masa ngayong gabi hanggang bukas kung lalabas nga ba talaga at kung wala nang kapalit na pumasok,” dagdag ni Ka Wena.

“Ano na ba ang posible nating gawin bukas kung mangyaring wala nang kaaway sa loob?” tanong ni Ka Emm.

“Aw, ‘wag na tayong mag-alangan pa, go with the plan na tayo,” sagot ni Ka Len.

“Pwede naman sigurong magpulong ulit tayo bukas para sa pinalisasyon ng plano sa operasyon. Hindi pa naman natin natukoy kung sino-sino ang kasama sa operatiba,” mungkahi ni Ka Rose.

“Syempre kasama talaga ako dyan,” halos sabay-sabay na nagpresenta ang mga iskwad lider ng kanilang sarili. Pinaabot sa mga buong platun ang panghuling updeyt sa kilos ng kaaway matapos ang pulong. Nanatili silang tahimik at mapagmatyag sa pagsunod ng mga oryentasyong militar. Kinabukasan, Oktubre na.

*******

Habang naghihintay ng update mula sa masa na inikot ang paligid, nag-ulat sa kasalukuyang sitwayson ng pinag-aralang mga target. Unang nagbahagi si Ka Day. Positibo, hindi nag-alerto ang target at walang nadagdag na mga personel o armas. “Surf” ang binigay nilang koda para dito. Sa kabilang banda, iniulat rin ni Ka Emm ang sitwasyon ng kanilang napag-iwanang target. “FM” ang binigay nilang koda para dito.

“Ayon sa masa, hindi na pumunta si FM sa lugar na regular niyang pinupuntahan kada linggo. Baka kasi nakahalata sa presensya natin doon. Pero atin pa ring bantayan ngayong linggo kung dadalaw ulit,” update ni Ka Emm.

Natapos ang kanilang pulong bago pa man nagtanghalian. Napagdesisyunan nilang ikasa ang pagtira sa “Surf” sa linggong iyon. Natakda na nila ang taktikal na grupong may 16 personel pang-operatiba, mga pangangailangan para sa operasyon, at ang araw na paglalakad tungo sa target. Matapos ang tanghalian, nalaman na ng mga kasama ang tuluyang paglabas ng kaaway at natiyak na walang pumalit dito. Kaya, naghanda na agad ang mga napiling operatib sa Surf. Iniwan nila ang iilan sa mga personal na gamit, at dinala lamang ang pangunahin pangangailangan sa operasyon. Handa na sila umalis kinaumagahan.

“Kasamang Emm, may update sa Surf,” sampit ni Ka Day. Malapit na ang alas syete ng gabi. Matutulog na si Ka Emm nang lumapit si Ka Day.

“Oh, ano bang bagong update?” Tanong ni Ka Emm sabay bangon sa kanyang duyan.

“May dumating raw ngayong gabi. Kinse na dagdag personel at may dalang isang 30 na machinegun. Ayon sa masa, regular daw nila ito na augment,” sagot ni Ka Day.

“Mga ilang araw kaya yan sila diyan?” dagdag na tanong ni Ka Emm.

“Pinakamataas na raw ang isang linggo, pinakamababa ang limang araw,” sagot ni Ka Day.

“Sige, dagdag monitor nalang tayo kung ano ang kilos nila para matantya natin kung may tagas ba tayo o wala. Bukas na lang siguro natin ipaabot sa mga kasama ano? Gabi na at tulog na rin ang karamihan,” kalmadong sagot ni Ka Emm.

“Sige kas, yan nalang muna.” Umalis na agad si Ka Day.

Kinabukasan, Oktubre 2, muling nagpulong ang yunit kumand. Matapos ang pulong, pinatawag nila ang mga operatiba sa Surf. Ipinaabot sa kanila ang napag-usapan ng kumand base sa bagong sitwasyon. Hindi matutuloy ang kanilang pag-alis.

Naintindihan naman ng lahat. Hindi maaring banggain ang kaaway kung ito’y malaki at malakas, at walang kasiguraduhang tayo’y mananalo. Matapos ang pulong, kinuha nila ang mga itinagong personal na gamit, at muling nilagay sa kanilang mga bag.

Tumunog ang cell phone ni Ka Emm. May dumating na text.

“Pupunta si FM ngayong petsa kwatro. Mainam na makuha na talaga natin ngayon kasi baka di na ito pupunta sa susunod na linggo. Tataas na nga pala ang posisyon niya’t mapupunta na siya sa malayong lugar. Kung sa gayo’y mahihirapan na tayong makuha siya,” teks ng masa na nagmamatyag kay FM.

Malapit na ang alas-2 ng hapon nang natanggap ang teks. Napaisip ng malalim si Ka Emm matapos mabasa ang mensahe. Matapos ang ilang segundo, tumayo ito mula sa kanyang poste, at ipinatawag ang kumand.

“Ikasa na natin ‘to. Sayang at baka huling beses na ‘to na dalaw ni FM doon,” pabatid na suporta ni Ka Len, na sinuportahan naman ng iba pang kasama.

“Medyo malayo nga pala ang ating pinanggalingan. Kakayanin ba natin hanggang petsa kwatro? Kung sa susunod na araw ay aalis na ang mga nadagdag sa Surf? Sasamantalahin ba natin ang pagkakataon, kasi baka kikilos na naman ang kaaway. Alin ba?” tanong ni ka Emm.

“Parang kaya naman ang kay FM, kasi medyo kabisado na natin ang daanan. Kahit pa gabi tayo maglakad, obertaym kumbaga, makakarating siguro tayo doon,” sagot ni Ka Shed.

“Mabilisang lakaran talaga ‘to. Mga kabataang edad namang itong sasama. Si Ka Emm lang naman ang medyo…bata pa rin,” natatawang biro ni Ka Len. “Babalik lang agad kami para makaalis ang para sa Surf.”

Napag-isahang ituloy ang pagtira kay FM. Madaling ipinatawag ang 12 na operatiba para sa gawain. Dahil sa limitasyon ni Ka Emm sa mabilisang paglalakad, gustuhin man niyang sumama, ngunit pinili na lamang niyang magpaiwan kaysa maging bagahe sa grupo. Alas-4 ng hapon, umalis na ang mga operatiba at lumipat din sa kabilang tereyn ang mga kasamang naiwan.

Wala pang tanghali sa itinakdang petsa ay nakarating na ang operatiba sa pusisyon para sa pag-ambus ng target. Nakapusisyon na sa kani-kanilang sektor ang tatlong tim na pinanguluhan ni Ka Shed katimbang si Ka Len bilang PG at sentro ng komunikasyon. Dumaan na sa kanilang pusisyon ang target papasok sa lugar.

Pinagsikapan nilang hindi makatulog sa pusisyon kahit pa man kulang sila sa tulog buhat ng dalawang araw at gabi nilang paglalakad.

“Kailangang kayanin natin itong sakripisyo. Matagal na itong hiling ng masa at kailangan matagumpayan natin ang ating misyon. Dugang kadasig mga kasama!” paghihikayat ng PG sa mga kasama.

“Ok na, maghanda na kayo diyan at aalis na sila palabas. Dalawang motor pa rin ang buddy, sa unahan at huli. Nasa gitna siya, dalawa lang sila sa motor, at siya ang backride,” teks ng masa kay Ka Len.

Kasama sa inilarawan ng masa ang kulay ng damit ng target.

Mabilis na pumusisyon ang mga kasama. Hindi nagtagal at narinig na nila ang ingay ng motor at una nilang nakita ang target. Nauna na ito at siya mismo ang nagmaneho. “Iyan siya, ayan na siya!” sigaw ni Ka Len sabay putok ng kanyang armas tungo sa target.

Sumunod na ring nagpaputok ang mga kasama. Habang mabilis na iniharang ng “charlie tim” ang mga pinutol na puno ng saging sa kalsada, at itinali ang lubid na siyang magpapatumba sa motor kung sakaling makadaan ito. Sinalubong na rin nila ng kanilang mga bala ang paparating na target. Dalawang motor lang ang nakapasok sa kanilang posisyon habang ang panghuling motor ay bumalik agad sa dinaanan at hindi na tinamaan.

Matagumpay ang operasyon! Patay sa pananambang ang pangunahing target na walang iba kundi si Jomar “Marcos” Bocales. Patay rin ang isa pa niyang kasama, habang sugatan ang isa. Lahat sila ay myembro ng paramilitar na grupong Magahat. Nakumpiska sa kanila ang dalawang pistolang .45 at isang .357.

Personal na sangkot si Bocales sa pagpatay sa dalawang lider Lumad at direktor ng isang eskwelahang Lumad noong Setyembre 1, 2015. Tinaguriang “Lianga Masaker” ang pagpatay nina Bocales sa dalawang lider-lumad na si Datu Jovelio “Belyo” Sinso at Dionel “Onel” Campus at sa direktor ng eskwelahan na si Emerito “Emok” Samarca. Dahil sa Lianga Masaker, natulak na magbakwit ang hindi bababa sa 3,000 tungo sa syudad. Labis silang nagdusa sa matinding hirap at sa walang habas na paniniil gawa ng AFP sa loob ng isang taon doon sa pinagbakwitan.

Kinabukasan, kahit pagod pa, maagang nilakad ng tim ang daan pabalik sa mga kasama. Mataas ang kanilang moral dahil sa tagumpay ng operasyon. Matapos ang isang araw na pagpahinga, nagpatawag agad ng pulong ang kumand.

Oktubre 7 na.

“Nag-update na ang masa na umalis na ang 15 na personahe na dumating sa Surf at iniwan ang 30 kaliber na machinegun,” report ni Ka Day.

“Napaka-ayos!” halos sabay-sabay na banggit ng mga kasama. Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga kasama sa araw na iyon. Naplano na ang lahat. Dahit sa nadagdag na mga datos, nag-adyast ng bilang ang mga operatiba. Galing sa dating tatlong tim na may 16 na personel, ginawa itong apat na tim na may 21 personel kasama na ang medik at camera man.

Matapos ang pulong, sa pangulo ni Ka Emm, agarang nag-orentasyon gamit ang dating gawang replika. Kinabukasan, pinasadahan agad ng mga senaryo sa mga operatiba sa kabilang tereyn para hindi ito makita ng mga kasamang hindi kasali sa operasyon. Sa gayon, hanggang hindi maikasa ang trabaho, mananatili itong sikreto.

Petsa 9, nang madaling araw, tumungo na sa Surf ang mga mandirigma. Dala ang limitadong personal na gamit at piniling gamit militar, mabilis at sikretong nilakad ng mga kasama ang matataas na bundok na mabangin at walang tubig. Tanging tubig-ulan lamang na isinalok sa malalaking balde/drum ang ginagamit ng masa sa lugar. Dito na rin humingi ang mga kasama ng tubig para sa pagluluto at pang-inom. Nang sumapit ang dilim, nilakad ng mga Pulang mandirigma ang mahabang kalsada papuntang staging point.

“Dugang kadasig mga kasama! Para sa masa!” sabi ng kasamang medikal na si Ka Gong sa mga kasama sa lakaran. Hatinggabi na nang nakarating sila sa staging point.

Sa susunod na araw, kahit dama pa nilang matulog, maagang gumising at nagtrabaho sa kusina at nagluto ng almusal. May tubig sa drum sa bahay malapit sa kanilang posting at nagsusi ng daanan ang may-ari na maaring gamitin ng mga kasama kung sakaling wala ang maybahay.

Ang buong araw ay itinalaga sa pagpapahinga at pagluto ng mga baong pagkain habang nakarelyebo ang paggwardya kada oras para sa seguridad. Pinakilos rin nila ang ibang masa sa pagbili ng mga suplay na dadalhin nila pauwi matapos ang trabaho. Pagdating nito, agad itong ng mga MO sa kada tim at itinabi agad ito ng mga kasama sa kani-kanilang bag.

Alas singko na sa hapon. Malinaw ang panahon, at walang ulan. Umalis na si Ka Mike, ang pinakamaliit sa grupo, kasama ang tatlo pang kasama na nakasibiliyan ang porma. Pupunta sila sa lungsod para kumuha ng mga bao-bao (traysikel) na masakyan papunta sa target. Nang magdilim, nakarating na rin ang mga operatiba sa lugar na daratnan ng kanilang masasakyan. Eksaktong alas-6 ng gabi, nakumpleto na ang apat na bao-bao.

“Akala ko kopras ang ikakarga ma’am, hindi pala,” sabi ng isang drayber na nanginginig ang boses nang kausapin si Ka Gong. Binigyang panahon ng mga Pulang mandirigma na makausap at mapaintindi sa mga drayber para maikalma ang kanilang dinaramang takot at pangamba. Matapos nito, bumyahe na sila patungo sa target.

Halos kinse minutos nilang nilakbay ang kalsada papunta sa target. Pinatay nila ang ilaw sa loob nang hindi mapansin ang mga sakay. Kasama sa Bravo tim, maya’t maya’y kinakamusta ni Ka Emm ang sitwasyon ng target. Nag-inuman at mga lasing na ang mga membro sa Surf nitong mga oras. Si Ka Yer na bitbit ang gasolina kasama ang masa, ang nagsilbing mata ng mga pulang manggugubat na papunta na.

Malapit na sila sa target. Ang “charlie tim” ang nagsilbing advance sa byahe na sinamahan ni Ka Day na siyang pamilyar sa lugar. Alinsunod sa plan, huminto agad ang grupo at nagpaiwan sa krosing, si gilid ng pambansang haywey, na 50 metros ang layo sa pusisyon ng target. Labas sa ilang mga masa na look out sa haywey, nagsilbi ang “charlie tim” na panlabas na armadong look out kung sakaling mayroong reinforcement ang kaaway o armadong indibidwal. Habang ang sasakyan ng Alpa, Bravo, at Delta tim na magkadikit na naka-komboy ay dahan-dahan nang pumasok sa kalsada papunta sa fishport na kinaroroonan ng Surf.

“Eto na ba? Eto na?” tanong ni Ka Man na lider ng Alpha tim. Katabi niya si Ka Len, na may action cam na nakakabit sa kanyang vest.

“Oo, iyan blue sa unahan, yan na. Relaks lang ha, relaks lang,” pagpakalma ni Ka Emm gamit ang VHF na radyo. Pinaalala niya ulit na maghintay sa “go signal” bago kumilos.

“Ok, kopya,” kalmadong sagot ni Ka Man at iba pang mga tim lider.

Malapit na sila sa target. Kinakabahan na ang mga drayber. Pinakalma sila ng mga tim lider na katabi nila at tinuruang dumapa kapag may narinig na putok at huwag iwanan ang sasakyan.

“Lumabas ang tatlong tao. Walang dalang gamit. Inabante nila ang kanilang harang. Hindi na kayo makakahinto sa tapat mismo ng kanilang bahay,” mabilis na ulat ni Ka Yer. Saktong dumating na sa harang ang mga motor sa Alpha tim matapos natanggap ni Ka Emm ang tawag ni Ka Yer. Nagtanong si Ka Emm bakit sila huminto.

“Nagharang sila, nagharang,” halos pabulong na sabi ni Ka Man. Sa mismong oras na iyon, tinanong na ng nagharang ang drayber kung saan sila patungo. Kinabahan rin si Ka Len baka napansin na ang blue light sa kanyang kamera.

“Sige, move na! Move! Move!” kumand ni Ka Emm.

“Dapa! Dapa! Dapa!” sigaw ng mga kasama habang patakbo ang istasyon ng target. Mabilis na umakyat sa hagdan ang Alpha tim at nakasalubong nila ang dalawang kaaway na patakbo rin sa kanilang istasyon. Agad na dumapa sa sahig ang mga ito. Ang isa pa ay tumakbo palabas sa krosing at nahalo sa mga tao. Mabilis agad nakapasok sa ibabang bahagi ang Bravo tim na pinanguluhan ni Ka Rose. Nagsimula na ring magtipon ang mga tao nang nakarining nang mga nagsigawan. Dito na pumapel sa pag-obserb ang grupo ni Ka Day. Nariyan lang sila sa loob ng motor, nakaalerto, habang hindi pinapatay ang makina.

“Walang gagalaw! Walang gagalaw! Ang NPA ay sumusunod sa batas ng digmaan!” nag Tagalog ang mga kasama para agad silang maintindihan dahil kadalasa’y mga Moro ang target.

Mabilis na napasok ng dalawang tim ang ibabaw at itaas na bahagi ng istasyon ng Philippine Coast Guard (PCG). Nasurpresa ang kaaway at hindi na nito nakayang manlaban matapos ang kidlat na pagdating ng mga Pulang mandirigma sa kanilang istasyon.

“Hindi kayo gagalawin! NPA ‘to. NPA ‘to. Hindi kayo gagalawin!” paniguro ni Ka Rose na nahihirapang magtagalog para pakalmahin ang pag-iyak ng kaaway.

Sinigurado ng Delta tim ang pagbantay sa mga tao sa paligid ng istasyon. Dumagsa na ang mga tao at nagbidyo. Pinahinto nila ito, ipinulong at pinaintindi ang dahilan sa isinagawang reyd ng BHB. Ang isang kasama sa Delta tim, na isa rin sa nag-hire ng motor, ang siyang pumapel sa pagkalma sa tatlong driver nang lumabas ito sa motor at tatakbo na sana. Binalikan nila ang kanilang motor at pinaandar muli ang makina. Hindi sila iniwanan ng isang kasama habang naghihintay na makabalik muli ang mga kasama.

Sa loob ng limang minuto, nakuha na agad ng mga Pulang mandirigma ang isang 30 kalibreng machine gun at mga bala nito, apat na mahahabang riple ng M16, mga vest, magasin at bala, dalawang .45 kalibre na pistola, dalawang VHF na radyo, at uniporme ng PCG. Itong mga armos sa PGC ang ginamit sa kanilang operasyong saywar para kutongan ang kuhang isda ang mga maliliit na mandaragat sa lugar. Namimilit rin silang magmulta sa pinakamababang tag-P6,000 sa mga mangingisdang hindi pa rehistrado ang mga maliliit na bangkang gamit nito sa pangisda, kasama ang mga pukot at pana.

“Oo nga! Mabuti na rin, kas, na inyong binawian ng armas dahil mga abusado ang mga iyan!” pagsang-ayon ng masa na pinaintindi ng Delta tim.

“Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!” Mabuhay ang masang nakikibaka!” sigaw ng isa sa mga kasama nang makitang pababa na ng istasyon ang Alpha at Bravo tim.

“Mabuhay!” kasama nang sumagot ang mga masang tinipon ng Delta tim sa labas ng istasyon.

Mabilis na sumakay pabalik sa kanilang motor ang tatlong tim. Agad na humarurot palabas ang mga drayber. Ang tim ni Ka Day ang nagpahuli, sakay na nila si Ka Yer dala ang gasolina. Parang balewala na sa mga drayber ang bikat ng kinakarga, at ang mabato at paakyat na bahagi ng kalsada matapos makalagpas sa haywey.

Sa kabila ng sobrang galak, hindi ibinaba ng mga kasama ang pag-alerto. Halos 30 minutong binaybay ng apat na bao-bao ang kalsada. Pagdating sa kanilang babaan, binigay agad ni Ka Yer ang gasolina kay Ka Emm.

“Mga kas, sanay magkasya itong gasolina para sa inyo,” sabay abot ni Ka Emm ang galon sa isang drayber.

“Maraming salamat, kas, hindi na talaga kami aabot nitong natitirang gas namin kung hindi madadagdagan,” sagot ng isang drayber.

“Maraming salamat talaga dito, kas,” pasalamat ng isa pang drayber na nakahinga na kahit nanginginig pa.

Nagbigay si Ka Emm ng dagdag pondo. Tatanggi sana ang mga driver dahil marami silang natanggap ngunit wala silang nagawa nang pilitin sila ng kasama.

“Maliit na halaga lang ‘yan, mga kasama. Hindi nasusukat ang malaking kontribusyon ninyo sa tagumpay na natamo natin ngayon. Lubos po kaming nagpapasalamat sa inyong pagsisikap na makipagtulungan sa gitna ng inyong takot at pangamba. More encouragement sa inyong mga kaibigan. Hanggang sa susunod. Ingat sa biyahe pauwi,” pampalakas-loob ni Ka Emm sa mga drayber.

Nagpasalamat ang mga drayber at pinasigla sila sa kanilang hindi inaasahang karanasan kasama ang hukbong bayan.

Mabigat man ang dala ng mga kasama pauwi, magaan pa rin ang kanilang mga hakbang matapos ang tagumpay na nakamit. Hindi masukat ang kaligayahan ng masa, lalo na ng mga mangingisda sa apektadong barangay sa matagumpay na pagdis-arma sa abusadbong mga myembro ng PCG.

Sa halos isang buwang pakikibaka sa hirap at sakripisyo, isang platun ng BHB-Surigao del Sur ang nagpasiya at matagumpay na naisagawa ang dalawang magkasunod na aksyong militar. Pinilay nito ang lakas ng mapang-api at mapagsamantalang tropa ng kaaway at tumugon sa kahilingan ng malawak na inaapi at pinagsasamantalahang masa. Ang determinasyon ng masa na lutasin ang kanilang problema sa pamamagitan ng sarili nilang aksyon at partisipasyon, at pagtitiwala sa kanilang pulang hukbo ang susi sa tagumpay ng aksyong militar na iyon.

Pumasok na ang mga pwersa ng kaaway sa lugar bilang reaksyon sa matagumpay na BTO ng mga kasama. Masigasig at palihim, lumipat ang platun sa ibang bayan para maglunsad ng gawaing masa nang walang anumang kilos ng kaaway.


GM, Kasal, TO