ni Samantha Roaguerra ng Makibaka-NDF-Ilocos Kina Marlon at Christopher na aking Kababata

 

Sa tag-ulan, masaya tayong nagsasayawan
Nagtatakbuhan, nagtatalunan, naghihiyawan
Nagkakatuwaang isulat ang mga letra sa putikan
Sa gitna ng inosenteng halakhakan

Sa Disyembreng mahangin, nagsasalubong tayo upang tipunin
mga balisang bugso ng hangin sa bukirin
Mga saranggola’y pailanlangin, pabulusukin
sa dulo ng pisi nakasingkaw matatayog na mithiin

Sa tag-araw, naghahagikhikan, nagpapatulinan
sa kumikislap, puti-abong dalampasigan
Sinasabuyan ng alon ang pangitain ng kinabukasan
winawalis ng hangin ang hinahon ng karagatan

Naalala ko ang mga gabing maliwanag ang buwan
naglalaro tayo ng taguan, nagpapaligsahan
Mumunting talampakan tumatalilis sa kadiliman
mga paslit na palad nagkakadaupan

Marami nang dumaang tag-araw at tag-ulan
kadiliman at kabilugan ng buwan sa mga pagitan
Mga kamay nagbitawan sa tunguhing nagsalungatan
kayo sa kanluran, ako sa silangan

Ngayon, tuwing yumayapos ang dilim sa liwanag
naririnig ko ang yabag ng lumaki nang talampakan
Na tumatapak sa palad ng masang mahihirap
sa gitna ng nagkagulang nang mga halakhak

At sa paghigop ng dagat sa buwan
sa silangan tumalilis ang aking talampakan
Pumasok sa yungib ng naidlip na kagubatan
habang sumasaboy ang pumupusok na digmaan

Hindi na natin mapagdadaop ang ating mga palad
matipon ang hanging sa kapalara’y nagpapadpad
Dahil pinagbangga ng bugso nakasingkaw na mga pangarap
na nagtakda kanino maninilbihan

kayo sa mayayaman
ako sa mahihirap


Kina Marlon at Christopher na aking Kababata