Kung sakali

 

kung sakali muli tayong magtagpo
sa pagitan ng mga abakaha’t butungan
masaya pa rin kitang kwekwentuhan
ng samo’t saring karanasan

kung sakali muli tayong magtagpo
sa pagitan ng mga ngiti ng masa at hukbo
muli pa rin kitang kakamayan
kahit pa sa dulo nito’y pamamaalam

kung sakali muli tayong magtagpo
sa pagitan ng mga salita ng tula
makikinig pa rin ako, sa istorya mong masaya
at mga karanasan mo sa piling ng masa

kung sakali muli tayong magtagpo
sa pagitan ng mga baril at punglo
magkatuwang pa rin tayo sa pagluluto
at pagtataguyod sa mga pulong ng hukbo

kung sakali muli tayong magtagpo
sa pagitan ng mga inukit na larawan
muli kitang sasaluduhan
sa pagiging mahusay na hukbo ng mamamayan

Kung sakali