Ni Summir Ilmagri Landas

 

hindi lahat ng panahon
tuwid ang daan
mas madalas taliwas
sa inaashan
madulas… maputik
malimatik… matinik
paikut-ikot
paminsan-minsan
naliligaw

may mga pagkakataong
tuluy-tuloy ang lakad
tumatakbo pa nga
hinahabol ang hininga
sasalampak sa Lupa
para magpahinga

may makakasalubong
na masa na makikipagbatian muna
makikipagkwentuhan
at makikipagdaup-palad muli
sa paghihiwalay
kakaway hanggang mapawi
ang binitiwang ngiti

tuloy lang sa pakay
malayo pa ang pupuntahan
pansamantalang itatago ng gabi
ang hilatsa sa mukha
ng pag-aalala
ng pagdududa
ng problema
at muling babangon
sa madaling araw
na tiyak ang pag-asa

tuloy ang lakad
paahon sa matarik na bundok
para makarating sa patag at dalampasigan
hindi lamang pataas ang daan
sagabal din ang ulan
dumudulas ang daan
naoobligang huminto
para magpahinga
para magtasa
mag-obserba

mahigit limampung oras na
sa paglalakad at di
tiyak kung ilang oras pa bago
marating ang patutunguhan

pero ilang oras pa lamang ito
balewala ito sa
siglo siglo nang pinapasan
ng mga manggagawa at magsasaka
at iba pang mamamayan
na pang-aapi at pagsasamantala

kaya tuloy lang ang lakad
taglay ang kapasyahang
marating ang hinahangad na lugar
na nasa tamang oras
at mga tiyak na hakbang
habang paulit-ulit na
lilingunin kung gaano kahirap
ang landas na pinili
at saka buong giting na titindig
na handa sa bukas na
para sa lahat

21 Nobyembre 2022


Landas