Mga Inapo ng Araw
Kasal sa Partido si Ka Tiga, isang Pulang kumander, at si Ka Lj, upisyal medikal sa parehong yunit. Kasama si Ka Wong, tumulak sila sa isang sityo noong Abril 2021 para dinggin at asikasuhin ang problema sa lupa ng mga Lumad sa lugar. Doon nila sinapit ang mapait na katapusan sa brutal na kamay ng kaaway. Dalawang buwang buntis si LJ. Pang-apat sana ang bata sa naiwan nilang tatlong maliliit na anak.
Isa si kasamang Tiga sa mga katangi-tanging Pulang kumander na handang ibuwis ang sarili para bayan. Kalahati ng kanyang buhay ay inialay niya sa paglilingkod sa rebolusyonaryong kilusan. Sa mga prenteng gerilya sa Bukidnon, kilala rin siya bilang CJ, Marvin at Man-man. Namartir siya sa edad na 30.
Gumampan siya ng susing papel sa pagpapalawak sa Mt. Katinglad at Kalatungan. Noong 2013, naipatupad ng kanyang yunit ang serye ng mga aksyong pagpaparusa laban sa mapanira sa kalikasang operasyon ng mga multinasyunal na Del Monte at Dole.
Ilan pa sa mga tagumpay na aksyon na kanyang pinanguluhan ang mga ambus laban sa yunit ng 1st SFB sa Invatas, La Fortuna, Bukidnon noong 2017 at laban sa mga elemento ng PNP sa Sityo Mapait, New Eden, Pangantucan, Bukidnon noong 2016. Pinamunuan din niya ang pagdidisarma sa bandidong grupo ni Dato Zulieta sa Kambangon, Lilingayon, Valencia City noong 2012, reyd laban sa mga pwersa ng 1st SFB sa Green Valley, Dalwangan, Malaybalay City noong 2019, at serye ng mga aksyong disarma sa mga armadong tauhan ng isang pulitiko, isang malaking usurero at isang drug lord sa Valencia City.
Samantala, isang rebolusyonaryo at mapagmahal na ina si Jelly Sugnot na kilala bilang Ka LJ, Hazel, Yaya, Kian at Asi. Pinanindigan niya ang paglilingkod sa rebolusyon kung saan hindi niya hinayaang maging hadlang ang pagkakaroon niya ng tatlong anak.
Kabaliktaran ang kanyang paninindigan sa itinuturo ng lipunang pyudal-patriarkal na ang isang ina ay nararapat lamang sa pamamahay, mag-alaga ng mga bata at walang karapatang makialam sa usaping panlipunan.
Matatag ang kanyang paninindigan na ang kanyang pagrerebolusyon ang pinakamahalagang paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal sa kanyang mga anak at sa milyun-milyong mga anak ng mga manggagawa at magsasakang pinagkaitan at inaapi sa umiiral na lipunan.
“Inahan” (inay) ang tawag sa kanya ng ilang mga kasama dahil sa kanyang seryoso at mahusay na pagpapayo sa mga dumaranas ng krisis. Siya rin ang itinuturing na ina ng mga kasamahang medik ng subrehiyong kinabilangan niya.
Bilang upisyal medikal, tumatak sa mga kasama ang kanyang kasigasigan at pagpupunyagi sa gawain lalo na sa paggagamot ng ilang kritikal na mga kaso. Walang pag-aatubiling ginawa niya ang makakaya para iligtas ang buhay ng mga kasama na malubhang nasugatan sa isang reyd noong 2016. Kalmado at metikuloso na isinagawa niya sa pagkakataong ito ang maseselang proseso ng paggamot. Noong 2020, matagumpay ding natulungan nila ang dalawang naghihingalong kasama na nasugatan sa engkwentro. Dahil sa mapanganib na kalagayan ng mga pasyente ay nakapagbreyktru ang mga medik sa kinakailangan at angkop na pagsagawa ng operasyong “chest tube.”
Ang mga nakamit ni Ka LJ at mga kasamahan niyang medik ay may ipinangangakong kumpiyansa na mas lalawak pa ang maaabot ng pagtututo at pagpapakahusay nila sa gawain. Subalit ang pagkakataon ni Ka LJ na mag-ambag sa pagsulong ay tinapos ng mga berdugong militar na kumitil sa kanyang buhay.