ni Ka Olive Pagkatapos ng Iyong Pulong

 

Hindi gaya ng ibang gabi
mistulang laan ang isang ito
sa paghihintay na walang pagal.
Bilin mo, pagkatapos ng pulong
sabay tayong maghahapunan.
Bukas pa sana itong ulam.
Ang paborito mong
pritong Lapu-lapu at talbos
ng kamoteng sinigang. Mamaya,

sasandukin ko ang mainit na kanin.

May isang kamatis
na hiniwa ko nang maliliit
at inilagay sa toyong
pinatakan ng paminta

At binusang bawang.
Mag-aalas-otso na.
Isang oras ka nang
lumisan sa Punturin.
Pagpatak ng alas-diyes,
hindi lamang kanin at ulam
ang dinapuan ng lamig.
Nakabibingi ang kutob
sa bawat pagsilip ko
sa namamanhid na telepono.

Mag-aalas dose na

at kailangan ko nang itago muna
ang ating hapunan.
Naparam ang gutom
pagkat karera ng balisa
at bagabag ang dumaloy
sa isip ko’t dibdib.
Maliit ang mesang
saksi sa kumpas ng kaba
sa mga ugat ng namumulang
mata at namumutlang palad.

Baliko na ang upuan
sa isip at pananaw kong
nagwawari at nagbubulay
sa iyong lagay. Kinabukasan,

hindi pa rin mababawasan
ang mga inihanda kong ulam.

Isang gabi,
isang linggo,
ilang pagbilog ng buwan.

Hindi pa bumabalik
ang buong huwisyo.
Walang pahintulot
ang pagluha at pagtangis

ngayon at maging

sa maraming bukas.
Sapagkat sa paghihintay

patuloy na isusulong
ang mga gawain
nang walang kapagalan.
Isa lang ang sigurado:

Magbabalik ka
at maghihintay ako
kasama ng libo
at lilang kamao.

18 Hulyo 2022
Para kay Ka R.


Pagkatapos ng Iyong Pulong