Ni Ka Dika Para kay Ka Denver

 

Hindi na maikakaila ang kanyang edad
Sa kanyang kumulubot ng mga balat
Na sinunog na ng deka-dekadang pakikipagbuno para mabuhay
Hindi na maikakaila ng kanyang bukong-bukong at tuhod
Na sa mga lusungin ay lintik kung kumirot
Hindi na maitatanggi ng kanyang pagtawa at pagnguya
Na ang kanyang mga ngipin ay nagretiro na

Siya’y hindi na nga maibibilang sa hanay ng sumisibol na kabataan
Pagkat ang kanyang kabataa’y malaon nang inilaan
Sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan
Siya’y hindi na nga bata
Subalit kanyang pagtanda
kailanma’y hindi niya inalintana
Pagreretiro’y wala sa kanyang hinuha
Tanging hangad nya
Inaaping uri ay lumaya
Karangalan para sa kanya
Ang mabuhay sa pagmamahal ng masa
Kapalit man nito’y araw-araw na pangungulila
Sa pinakamamahal na mga anak at sinta

Kaya naman nadadaig nya ang mas nakababata
Sapagkat,
Buhok man nya ay nalagas
Ngipin man nya ay nagwakas
Nabawasan man ang lakas
Kanyang paninindiga’y nananatiling matikas

Kaya’t, kahit nangangatog na ang tuhod
Walang nakaliligtas sa kanyang mga ubod
Inisyatiba’y laging nariyan
Basta hindi masama ang pakiramdam
Umasa kang gatong sa kusina’y hindi mawawalan
Laging nakatakyad ang hinasa pa nyang sundang
Singtalas nito ang kanyang memorya
Ipakwento mo na lahat ng eksena
Tiyak na daig mo pang nakapanuod ng pelikula
Sa nakakaaliw nyang pagkukwento na may aksyon pa!
Singtalim ng kanyang itak
Ang kanyang propaganda sa hanay ng masa at kasama
Na halaw mismo sa kanyang sariling karanasan.
Kaya naman, sa minsang pagdaraop
Siya’y tumatatak sa bawat kamalayan.

Sa ika-63 taon ng kanyang kaarawan
Tanging hiling nya’y simpleng pagdiriwang
Kaunting pansit puti na pagsasaluhan
At mainit na pagbati at mga awitan
Sa pusod ng Sierra Madre
Kung saan pinili nyang mamuhay ng payak
Kasama ang kauri at pulang mandirigmang
Inilaan na ang buhay para sa kalayaan!

Marso 27, 2023


Para kay Ka Denver