Pasintabi sa Milenyal
huwag mong ipagpalagay
na ang iyong henerasyon
ay lubusang mahusay
kung sa kaibuturan
ika’y gutay-gutay
sa kabila ng tila pinabilis
na ikot ng buhay
ay unti-unting tumatamlay
ang pagkilala sa sarili
sa kung anong butil at binhi
o ang pinagmulang uri
binihisan ka ng teknolohiya
na kumakain sa pagkilala
sa halip na matuto
ay inaanod kang papalayo
upang dalhin sa alapaap
at doon mangarap
na pribadong inilalako
sa gabay ng indibidwalismo
Ikinahon ka sa sirkulo
sa basurahang elektroniko
na animo’y pinagmumulan
ng nilalabusaw na kamulatan
sa dami ng bulok na kaalaman
hindi na matanto ang katotohanan
Pinwersa kang magsalita
ng dayong banyagang wika
sa tabing ng paglalako
at paniniwalang pinag-isang mundo
ng produkto ng monopolyo
diumano’y kailangang sumabay
sa nakakahilong paglalakbay
dahil kung mahihiwalay
tutuyain kang walang saysay
Inaaliw ka ng maraming palabas
at hindi na inaalala ang bukas
dahil ang turing sa iyo’y makina
gamit lang sa teknolohiya’t
produksyong pumapagaspas
umiinog sa siklong magulo
na dinodomina ng anarkismo
mga indibidwal na pinaglalabo-labo
pagalingan, pahusayan
tunggalian, matira ang matibay
ang ritmo
sa batas ng komersyalismo
at naghihingalo’t pilit
na sinasalbang merkado
ang mga natatalo
at pabulusok na sumusuko
ay sa isang sulok magtatagpo
litung-lito, umiiyak
at punong-puno ng panibugho
sa ‘di maunawaang pinagmulan
at kalagayan
hahantong sa akalang depresyon
at kalungkutan
‘di na alam ang pupuntahan
kundi sa kangkungan ng kasaysayan
kailangan kang matuto
sa paglulugar at paghanap
sa natatangi mong pwesto
upang maging ganap na makabuluhan
ang hinahanap mong pagbabago
bawiin ang nakatabing na pwersa
at estetikong ipinunla
buksan ang mata
titigan ang manggagawa’t masa
na sa iyo’y naghihintay at umaasa
sa mabilis mong pagbalikwas
at tunay na pagpapasya
pumanig at bumaling sa pakikibaka
dahil mas dito mo
tiyak na masusumpungan
ang tunay na pagpapalaya