ni Rome Payapa Sa Dulo ng Baryo
Bundat na bundat ang tropa ng mga sundalo habang nilalantakan ang nakahaing pananghalian sa harap ng bahay ng isang mag-asawang magsasaka sa dulong bahagi ng baryo. Wala namang pyesta ngunit tila may piging sa dami ng pagkaing hiningi sa mag-asawa ng mga pasistang patay-gutom.
“Solb tayo, ser!” walang kahiya-hiyang bulalas ng isang sundalo sa kanilang pinuno.
“Oo nga. Sakto sa kainitan ng panahon! Mas masarap nga sana kung may meryenda rin, ano?” pagpaparinig ng kanilang pinuno habang may mga butil pa ng kanin sa paligid ng kanyang bibig.
Nagkatitigan ang mag-asawang magsasaka, tila ba kinukwenta na ang natitirang bigas sa kanilang balde.
“Naku, wala pong problema mga ser,” tugon ng may-bahay. “Ipagluluto po namin kayo ng minatamis na saging! Tapos kung narito pa naman kayo sa gabi, ipagluluto na rin namin kayo ng espesyal na laing!”
Naghiyawan sa tuwa ang mga sundalo at walang-pakundangang sinaid ang mga nakahain pang pagkain. Samantala, limang daang metro ang layo sa bahay ng mag-asawa, ay nagmamadaling kumakalas ang isang yunit ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Nagpapahinga ang mga Pulang mandirigma sa bahay ng mag-asawa matapos na tumulong sa pag-aararo at pamimitas ng mga gulay sa bukid nang makatanggap sila ng ulat na may mga sundalong binabagtas ang daang papunta sa kanilang tinitigilan. Agad naman silang nag-ayos ng mga pack bago nagpasalamat at nagpaalam sa mag-asawa. Doon na napag-isipan ng mag-asawa na alukin at ipagluto ng pananghalian ang mga sundalo kapag dumaan ito sa harap ng kanilang bahay upang maantala ang mga ito at hindi agad na makadikit sa mga Pulang mandirigma.
“Buti na lang at nariyan sina Tatay Berting at Nanay Lorna. Tunay ngang masa ang ating mga bayani!” pahayag ng isang Pulang mandirigma habang ligtas sila naglalakad patungo sa susunod na baryo ng mga magsasaka.