ni Kasamang Ju Semana Santa

Ito ay kwento ng mga kasamang napasuong sa isang depensibang aksyon sa kalagitnaan ng semana santa, at kung paano pumapel ang mga bagong saltang medical surgeon para gamutin at alagaan ang isang kasamang kritikal na nasugatan. Makikita rin dito ang mainit na pagtanggap ng masang matagal nang naghintay sa muling pagbalik ng hukbo.

Semana santa 2022. Araw ng Lunes. Malapit nang magtakipsilim.

“Kas (kasama), hinto muna kasi may masa. Ipasa sa mga kas na pahinga muna at kakausapin ang masa,” pasa ng kasamang nasa harapan ko. Agad ko namang ipinasa sa mga nakasunod na mga kasamang pasan-pasan ang isang kasamang sugatan. Umatras sila at tumabi nang hindi makita ng masa.

Ang iskwad na nakaabante pa lamang ang nakita ng masang mag-asawa na nagpapastol ng kalabaw nang nadaanan nila kami. Plano naming tumawid sa kalsada para marating ang kabilang baryo, gamit ang mapa na nadownload namin sa selpon.

“Sana’y mapagkakatiwalaan ang nakasalubong nating masa, nang hindi tayo mabisto ng kaaway,” hiling ko sa aking sarili habang nakaupo at nagpapaypay.

“Kas, ayos lang pala ‘yang masang nakakita sa atin. Dito tayo magpapagabi at magsaing ng hapunan. Hindi na kasali ang agahan kasi ang masa na ang bahala,” pasa ni Ka Emm, ang aming platun lider na nakalubog sa aming iskwad.

Nawala ang aking pangamba at ipinasa agad ang mensahe sa natitirang kasama sa iskwad. Naglibot si Ka Emm para ipaalam sa iba pang iskwad. Naghanda na ako para magsaing.

Habang nakaupo sa harapan ng sinasaing na kanin, binalikan ko ang ala-ala ng mga pangyayari.

“Ang bango naman ng inihaw,” sabi ko sa mga kasamang nag-iihaw ng karne sa bandang ibaba ng tereyn na aming tinigilan. Napadaan ako sa kanila bitbit ang kalderong kakukuskos ko lang sa ilog.

“Akin na yang kaldero kas, magsasaing na ako,” sinalubong ako ni Ka Jiro sabay kuha ng kaldero.

“Ay oo, alas-10 na nga pala. Nandyan na ba yung hati naming karne? Ilan ba ang kada hiwa?” tanong ko kay Ka Jiro na aming MO.

“Oo, kas, nandyan na, tig-aapat tayo.”

Kakabalik lang sa lugar ng isang platung pang-gawaing masa sa erya na naiwanan nang halos dalawang taon. Para makatulong sa pagrekober, naatasan ang aming platun na samahan sila. Nagsilbi ang grupo namin bilang Platun Dos.

Naabutan namin ang masa na kamag-anak ng dating kasama at pumayag itong bumili ng suplay. Binili na rin namin ang kanilang baboy para pang-ulam. Noong umagang iyon, lumipat kami galing sa posting (temporaryong kampo) palapit sa bahay ng masa pararhindi na malayo ang mga kasama na kumuha ng suplay at nag-ihaw ng baboy. Kung merong biglaang atake ng kaaway, hindi rin kami mahihiwalay ang ibang mga kasama. Napag-usapan ito sa kumand sa dalawang platun dahil may kilos ng kaaway sa kabilang baryo matapos mabisto sa pagdaan namin doon.

Nakuha na ang suplay sa bahay ng masa, halos 100 metros ang layo galing sa aming tinitigilang mga puno ng falcatta. Hindi gaanong madalisdis ang tereyn at maiiksi pa ang mga damo na pantakip sana sa kaharap na tereyn. Kaya naman, nagtayo kami ng matataas na kahoy at nagtakip ng makakapal na damo pang-kamoplahe. Ito ang ginawa ng mga kasamang nagpulong para i-ases ang dalawang iskwad lider habang nakatigil.

Matapos ang 30 minuto, naluto na ang kanin at ang karne para tanghalian.

“Ano yon?” nakatingin ang lahat sa itaas sa pag-aakalang sanga ng palkata ang nahulog.

“BLANNNNGGGG!” Isang malakas na putok ang bumagsak sa patag sa likod namin.

“Kanyon!” sigaw ng isang kasama. Sinundan ito ng volume fire ng kaaway at ang sagot na putok ng mga kasama na nakapwesto sa kanilang sektor.

Nakayukong tumakbo ang mga kasama galing sa kanilang pinagpulungan papunta sa kanya-kanyang iskwad. Gumapang ako papunta sa aking bag na nasa isang puno ng palkata pero hindi pa ako nakarating, naabutan ko nang nakahapa ang aming iskwad lider na si Ka Jems. Hindi na ito gumagalaw. May tama ito sa likod. Nasa tabi na niya si Ka Bunsay, ang bagong sanay na medik sa aming iskwad.

“Relaks lang, relaks lang! Maliit lang yan. Sige, dalhin na yan sa ibaba!” sabi ko kay Ka Bunsay. Napaloob kami sa medyo patag na bahagi kung saan kitang-kita ang nakatapat na pwesto ng kaaway.

Nagpatuloy ako sa unahan. Mabuti na lang at suot ko ang aking vest at baril. Nakita ko ang aming MO na nakadapa at siya na ang may hawak ng M203 ni Kas Jems. Nahiwalay ang vest at bala nito. Kinuha ko ito at ipinasuot sa kanya. Nagdalawang-isip akong magpatuloy papunta sa aking bag dahil mahawan ang daanan.

Tumingin ako sa bandang pinagpulungan nila Ka Emm. Siya na lang mag-isa doon. Sinasaksak ang mga balang binilad niya sa araw sa kanyang magasin. Nakasilong siya sa isang puno ng saging na sakto lang para takpan ang kanyang manipis na katawan. Hindi pa niya naisuot ng kanyang t-shirt.

“BLANNNNGGGG!” Isa pang putok ng kanyon sa likod namin.

Napatingin ako sa mga kasama, nakapusisyon na sila at nagpapaputok patungo sa tapat ng tereyn. Nagpaputok na rin ako kung saan ako nakahapa.

“Kunin na ang mga gamit! Kunin ang mga bag!” sigaw ng PL (lider sa pulitika) ng Platun Uno.

“Hala! Ang gas stove ko!” Tiningnan ko ang kalan na pinaglutuan ng karne. Hindi ito na-paano at patuloy pa rin ang pag-apoy. Kukunin ko sana ito pero natakot na ako’t masyado itong kita sa tapat. Hindi ko pa kabisado kung may mamumutok ba ng kaaway na malapit sa akin o hinid. Abala na ang mga kasamang magligpit ng gamit at wala pa akong mapagsabihan sa malapit.

“Kas, ang bag ko! Di ko na makuha kasi nasa tapat, masyadong hawan,” sabi ko kay Ka Emm na lumapit sa aming iskwad. Determinado akong kunin ang gamit ko pero baka mabagal akong gumapang at madadagdagan lamang ang mga sugatan kung hindi man lubos na matamaan.

“Sige lang, ipapakuha ko lang yan sa kasama ngayon,” sagot niya sa akin. Alam na niya na natamaan at sugatan na ang aming SL (lider ng iskwad).

“Kas, palit tayo ng baril, nakabara yung sa’kin,” sabi ni Kas Rose sa ‘kin na galing Iskwad Uno. Binigay ko agad ang baril sabay sabi sa kanya kung kaya niya bang kunin ang aking bag. Iniwan muna niya ang kanyang baril sa aking pusisyon at mabilisang ginapang ang bag ko. Saktong pagkakuha niya sa aking bag, umulan na ng bala sa malapit sa kanya. Kinabahan ako sa kanya, pero mabilis siyang nakaalis, dala-dala ang bag ko.

“BLANNNNGGGG!” Isa na namang putok ng kanyon. Tiningnan ko ang kumand, walang pang utos na umatras. Sunud-sunod na ang putok ng kanyon at nag-aalala ako na baka babagsak na amin.

“Regroup! Regroup!” utos ng PL namin at agad na ipinasa sa iskwad. Hindi ko na kinuha ang gas stove, umatras ako patungo sa mga kasama ko na inasikaso ang mga sugatan. Sa utos ng kumand, nauna ang aming iskwad, na sinamahan ng nakapamilyar sa lugar, at dinala ang aming mga sugatan. Dumaan kami sa isang patag na lugar. Buti na lang hindi gumamit ng pwersang panghangin ang kaaway. Pero problema pa rin dahil dahil lagpas-tao ang lalim ng tubig kailangan naming tawirin.

“BLANNNNGGGG!” Isa pang putok ng kanyon. Hindi gaanong malayo ang bagsak ng bola ng kanyon. Medyo kinakabahan ako dahil nagdatingan na lahat ng kasama at nagkukumpulan na kami hindi masyadong kalayuan sa nilisan naming tereyn at patuloy na ang putok ng kanyon na papalapag na sa lawa. Buti na lang may “gakit” na nahanap ang adbans (advance tim) at ‘yun ang ginamit sa pagtawid.

“Kas oh,” inilapit sa akin ni Kas Emm ang kaldero. “Nasa bag na yung gas stove,” dagdag niya.

Agad kong kinuha ang kaldero. May laman pa sa loob. Sininyasan ko si Ka Jiro na ipasok ang kaldero sa bag niya. Inilagay ko ang karne sa isang ecobag at itinali sa aking bag. Dahan-dahan kaming tumawid dahil iisa lang ang gakit. Ngunit sa tulong ng mga kasama, gamit ang lubid, medyo mas napabilis ang paghakot nga mga gamit at sa mga kasama na hindi marunong lumangoy. Ang mga kapwa manlalangoy tulad ni Kas Man ay tumulong sa pagdala ng mga bag.

Naghanap din ako ng kahoy na lumulutang, may isang dipa ang haba na nakita ko. Kinuha ko ito kasama si Ka Jen, itinali namin ang baril namin dito at ipinahila kay Kas Making na marunong lumangoy. Hindi na namin tinatanggal ang aming botas at bag sa suot. May mga nagtangkang tumawid pero muntik nang malunod pero natulungan agad. May mga kagamitan din na lumubog kabilang ang ilang bota at isang full vest sa unang pagtawid dahil sa pagtaob ng bangka.

Buti na lang at hindi lalagpas ng 10 dipa ang layo ng pangalawa naming tinawid na ilog, gamit rin ang bangka. Mabilis na lumangoy ang kasama dala ang lubid ng duyan patawid. Tinali agad niya ito sa bangka at itinapon ang isang dulo nito sa mga kasamang patawid. Hawak ang lubid sa bawat dulo, mabilis nilang hinila ang bangka patawid at pabalik kaya mas mabilis ang aming pagtawid. Pinakahuling tumawid ang mga rear-guard kasama sila Ka Niko, Ka Ann, Ka Len, at Ka Rose. Ligtas na nakatawid ang lahat ng kasama sa pangalawang pagtawid. Halos wala nang malay ang aming kasamang sugatan sa mga sandaling ito. Nabasa na rin ng tubig ang kaniyang sugat.

“Kas Emm, pwede ba tayong makahinto sa unahan? Kailangan na talaga ng pansin ang pasyente,” tanong ng mga kasamang medik.

“Oo, pero distansya lang tayo kaunti kasi masyado pa tayong malapit,” sagot ni Ka Emm.

Palitan ang mga kasama sa pagbubuhat kay Ka Jems, pero dahil malaki ang katawan nito, iilan lang rin ang may kakayahang magbuhat sa kanya.

“Kasama, halos mag-iiilang oras na. Baka pwedeng huminto na at baka hindi na maisalba ang pasyente,” hiling ng mga medikal sa kumand.

Huminto kami sa kakahuyan na medyo makapal ang kamoplahe. Dito na inatupag ng mga medikal ang sugatan. Sumasagot pa siya sa mga tanong per dahan-dahan nang nanlalamig ang kanyang katawan. Nagpulong agad ang mga medikal, sa pangunguna ni Ka Iya at Ka Nane. Pinag-usapan nila ang mga kailangan gawin, mga kinakailangang gamitin, at ang pagbabahagi ng gawain.

Nakapusisyon din ang mga kasama sa paligid. Nang napwesto na ang pasyente at nahanda na ang mga aparato, sinimulan na ng mga medikal ang paggamot.

“Nan, kaya ko ba ang mag-chest tube? Ni kailanman ay di ko pa ito nasubukan gawa ng lagi lang akong alalay sa ganitong mga kaso. Alam mo naman ang aking limitasyon kapag nakakakita ng dugo,” narinig ko na sabi ni Ka Iya na halos mangiyak-iyak na sa harap ni Ka Nani.

“Relaks lang, kaya natin to. Pareho lang tayo. Hindi pa talaga natin nasubukang tayo mismo ang gumawa, pero dahil tayo lang ang nandito, kailangan talaga natin itong gawin. Kaya lang ito. Ikaw na ang manguna, suporta ako,” kalmado ngunit pursigidong sagot ni Ka Nani.

Tinurukan na ng pampatulog ang pasyente pero nagsasalita pa rin ito nang sinimulan ng hiwain ang kanyang tagiliran. Malakas pa naman ang boses ni Ka Jems. Pinagsabihan na ng mga kasamang nakapalibot. Kaya lumapit ako at tumulong na magpahinahon sa pasyente. Mabuti na lang at nakinig rin nang ako na ang nagsalita.

Nakapalibot ang mga medikal na nagturok ng anestisya at nagmonitor ng vital signs ng pasyente. Inuulat nila ito kada minuto kay Ka Iya at Ka Nani na siyang humihiwa ng kaliwang banda para ipasok ang chest tube.

Nagsimula nang matulog ang pasyente kasabay ng pag-bagsak ng kanyang vital signs, nanlamig na ang kanyang buong katawan. Pumalit na si Ka Nani dahil dahan-dahan nang nahihilo si Ka Iya sa harap ng maraming dugo. Mabilis na hiniwa ni Ka Nani ang sinimulan ni Ka iya at nang nabutasan na ito, tinulungan na agad nilang ipasok ang tubo. Masikip pa itong ipasok, pero nakuha lang nilang gawin at mapasok ang tubo. Mabilis agad na dumaloy ang dugo galing sa baga ng pasyente, na umabot na agad ng halos 1 litro matapos lamang ang ilang segundo.

Napaluha ang dalawa habang nagpapasalamat sa matagumpay nilang pagpasok ng chest tube. Dito dahan-dahan na bumalik ang init ng katawan ng pasyente. Tinapik ko ang balikat ng mga medik at muli silang sumigla dahit sa ipinakitang determinasyon na iligtas ang kasama. Hindi lumagpas ng 30 minuto mula nang aming paghinto, naalis na sa kritikal na kondisyon ni Ka Jems.

“Kas, eto na yung punong pinadala mo. Kumukuha pa sila ng sanga,” sabi ng kasamang naghatid ng kahoy.

Iniwan ko sila at kinuha ang kahoy na inihatid ng mga kasama. Pagkatapos ay sinimulan kong itali ang duyan para sakyan ng pasyente. Unang beses ko itong gawin. Tinandaan ko lang ang itsura ng pagkatali mula mga dating karanasan. Hindi na ako humingi ng tulong sa mga kasamang nakabantay sa seguridad.

Nang matapos nang atupagin ang pasyente, inilipat na ito sa duyan. Naglakad na agad kami matapos ang isang oras na paghinto. Unang nagbuhat ang magpinsan na sina Ka Char at Ka Mak.

“Laban lang Jems, ‘wag kang palamya-lamya,” pabirong sabi ni Ka Chard sa pasyente.
“Chard, ikaw ba yan?” tanong ni Ka Jems

“Oo, ako to. Magpursige ka kasama, pa’no nalang…”

“Saan nga pala si Ka Jen, kamusta siya? Ok lang ba siya?” tanong ni Ka Jems. Kahit pala may anestisya at pampatulog ang kasama, madaldal pa rin kung tinatanong. Ang lakas pa naman ng boses. Kaya nama’y tawa nang tawa ang mga kasamang nakakarinig sa kanya.

Nasa unahan ni Ka Chard si Ka Jen at nakarinig rin sa pinag-uusapan, pero pinatahimik na ito ng mga kasama. Isang bagong sanay na medik si Kas Jen sa Platun Uno. Hindi lang alam ni Ka Jems na buong panahong hawak ni Ka Jen ang kamay niya para hindi mahirapan ang mga medik sa operasyon.

“Kas kain muna tayo,” sabi ko sa mga kasamang nagbuhat sa pasyente nang kami ay huminto at nagpahinga. “Eto na yung lutong karne, kain na kayo para may lakas kayong magbuhat. Mag-aalas tres na’t wala pa tayong tanghalian.”

“Salamat kas, parang gutom na nga,” sagot ni Kas Jiro at sa mga kasamang tumulong.

Kinuha ko agad ang ecobag na pinaglagyan ng karne mula sa aking bag. Nababad ito sa tubig nang kami ay tumawid pero balewala lang ito sa mga kasama. Iyon lang talaga ang aming naisalba. Matapos kong mabigyan ang mga nagbuhat, ibinahagi ko na ito sa buong iskwad. Magaan sa dibdib na makita ang mga kasama habang kumakain. Patuloy kaming naglakad matapos ang ilang minutong pahinga. Sa gitna ng init sa paglalakad, mapagmatyag ang mga medik na laging tinitingnan ang sitwasyon ng pasyente, lalo na ang tubo sa gilid nito.

“Kas, hapunan na, pakipasa nalang,” sabi ko sa mga kasama. Luto na ang sinaing na kanin.

“May selopeyn dito para doon sa mga walang lunchbox. Magdala na rin kayo ng baon pang almusal, nandyan na rin ang kanin na niluto ng masa.” Tahimik at walang ilaw na kumakain ang mga kasama. May kaunting ilaw na sumisilip galing sa mga tala mula sa langit.

Alas-7 ng gabi ang tinakdang oras patawid ng kalsada. Ginarantiya ng masa na siya na ang magbubura ng mga bakas sa aming hinintuan at pinagkainan.

“Ipasa na magdikit-dikit. Patayin ang ilaw.” Dinig na namin ang tahol ng mga aso sa mga malapit na kabahayang nakapatay na rin ang mga ilaw.

“Kas, bilisan ang pagtawid, iwasang ingayan ang paghakbang sa kalsada,” pasa ng kasama galing adbans. Matagumpay kaming nakatawid sa kalsada na hindi nadatnan ng mga sasakyan. Hinatid kami ng isang residente doon sa isang mapagkakatiwalaang masa sa kabilang baryo. Palaging may medik na nakatutok sa pasyente, lalo na nung gusto nitong umihi. Agad itong kinabitan ng kateter. Alas-10 na sa gabi nang nakarating kami sa aming posting (temporaryong kampo.)

Kinabukasan, buong araw umulan. Habang nakatambay ang mga kasama, may isang tim na naatasang dumugtong sa masa. Dito, sinamantala ng mga kasamang medik ang pagpulong at pagpwesto sa mga kailangan gawin para alagaan ang pasyente. Agaran silang nag-uulat sa sitwasyon at pangangailangan ng pasyente.

Matagumpay na nakadugtong ang tim sa masa sa kabilang baryo na aming patututunguhan.

“Day, alis na kayo diyan, may dumaan na kaaway dito sa amin ngayon,” updeyt ng masa na naghatid sa amin. Alas-7 na sa gabi. Dahil dito, umalis na agad kami nang madaling araw. Buong araw kaming naglakad.

Sinalubong kami ng masa at hinatid sa ligtas na lugar na pwedeng magkampo. Nakapahinga kami ng dalawang araw doon. Napakilos din ang masa na bumili ng pagkain para sa pasyente. Malapit lang ang kanilang gulayan, pero di na kami pinayagan lumabas para wala nang malikhang mga bakas. Ang masa na ang kumuha para sa amin.

“Day, nandito na ang gulay, pero hintay lang dahil may kailangan pang tingnan,” teks ng masa sa aming PO. Matapos mapag-usapan ng Kumand ang bagong updeyt, nagligpit na kami ng gamit habang hindi pa natino ang updeyt ng masa. Umabot na ng alas-5 ng hapon pero hindi na nakontak uli ang masa at hindi na ito matawagan. Nagdesisyon ang kumand na papuntahan ng dalawang kasamang nakasibilyan para siyasatin kung ang nangyari.

“Day, wag na kayong pumunta dito kasi nandito ang kaaway. Naka-hold kami dito at ako lang ang pinalabas kaya ako ang ang pwedeng tumawag. Si Tito niyo hawak rin nila,” ito ang sabi nang masa nang muli ito makatawag. Matapos ang ilang minuto, nakabalik na rin ang dalawang kasamang inutusang puntahan siya. Malapit na sila sa bahay nang natanggap nila ang tawag ni Kas Emm. Nagmamadali silang makabalik. Simula nang magtakipsilim nang umalis kami sa aming posting. Hindi na kami gumamit ng ilaw dahil nasa tapat lang ng sakahan ng masa ang aming daanan.

“Kas, may butas sa kaliwa. Matinik sa kanan.” Dahil nasa likod ko ang mga kasamang pasan-pasan ang pasyente, sinisiguro kong mapasa sa kanila ang mga dinadaanan para maiwasang madisgrasya ang pasyente. Medyo mabilis ang lakad namin noon, kasi sobrang lapit lang namin sa kinaroroonan ng kaaway. Kahit hinihingal paakyat na walang ilaw, walang imik ang mga kasamang pumasan ang pasyente.

“Hala!” sabay-sabay ang gulat ng mga kasamang pasan ang pasyente. “Wala namang nagsabing may isa pa palang butas dito,” sabi ni Ka Real. Halos hanggang tuhod na nabaon sa butas ang isa niyang paa.

“Pasensya na kas, isa lang rin ang ipinasa sa akin. Hano, ok lang ba kayo? Hindi lang ba napano ang ‘yong paa? Si Ka Jems?” tanong ko sa kasama.

“Ok lang naman ako. Ang likod lang ang tumama,” sagot ni Ka Jems.

Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Walang tila ang ulan at may kalat-kalat na kidlat. Kinakailangan naming huminto para magsurbey ang adbans ng daanan. Dama na namin ang lamig.

“Kas, ok lang kayo diyan?” tanong ni Ka Jems sa mga kasamang nagbuhat sa kanya.

“O, ok lang,” sagot ng dalawang kasama.

“Ka Real, tingin mo, pwede na ba akong makalakad bukas? Naaawa na ako sa mga kasamang pumapasan sa’kin lalo na kapag gabi,” tanong ni Ka Jems kay Ka Real na isa rin medik ng platun uno.

“Baka mahihirapan ka pa. Nahilo ka pa kanina nung sinubukan mong maglakad,” sagot ni Ka Real.

Nagpatuloy kami sa paglakad matapos makabalik ang nagsarbey. Alas-10 nang huminto kami at nagposte. Kinabukasan, maaga kaming naghanda at nagsaing para makaalis ng agad. Kahit sabi ng medik na hindi pa sana pwede dahil mahihirapan pang huminga, pinatunayan ni Ka Jems and determinasyong maglakad mag-isa. Pursigido siyang panindigan ito at ngayo’y palakad-lakad para madaig ang kahirapang huminga at panghihilo.

“Kas, suotin mo itong bota ko. Parang tayo lang naman ang magkakasya rito,” sabi ni Ka Reb na aming vice iskwad lider.

“Huwag na, kas. Mas kailangan mo yan dahil bago lang rin inoperahan ang iyong mga daliri sa paa. Hindi mabuti kung mapuputikan iyan,” sagot niya.

Sumang-ayon dito ang mga medik. Mas madali rin para kay Ka Jems kung nakapaang maglakad nang hindi pa gaanong malakas ang kanyang pangagatawan. Medyas lang ang suot ni Ka Jems sa kanyang paa. Palaging nakasabay sa kanya ang isang kasamang nagbuhat noon, bilang alalay sa paglalakad. Nahihirapan siyang huminga paakyat. Pero kahit pa, nagpursige siyang maglakad para mas bumilis ang byahe ng buong platun. Sa mga matataas at matatarik na daan, tinutulungan siya ng mga kasamang humakbang para hindi masugatan ang kanyang paa.

Dahil naparoon sa may signal ang selpon, nabalitaan namin na labis na binugbog ng kaaway ang masa na kanilang hawak. Malaki ang bukol sa ulo ni Angkol at nahihirapan itong huminga matapos itong makuya ng pamilya sa buong gabing pagtatanong ng mga kaaway sa kanya. Paulit-ulit siyang tinatanong kung saan dinala ang suplay na kanyang binili.

“Day, wag kayong mag-alala sa amin. Wala kaming sinabi ni isang bagay tungkol sa inyo. Lumayo na muna kayo at mag-ingat nang mabuti, kami na bahala sa Angkol niyo,” sabi ng asawa ng binugbog na magsasaka nang tinawagan siya ng mga kasama. Pinayuhan siya ng mga kasama na ipagamot ang kanyang asawa sa duktor.

Dahan-dahang nakaramdam ng lakas si Ka Jems sa tatlong araw naming paglalakad at dito na rin tinanggal ang kanyang test tube at kateter. Kinagabihan, kinuha ng mga kasama ang aming suplay. Dito natanggap ng mga kasama ang balita mula sa masang naghatid sa amin na may kaaway na namataan kahapon gn umaga malapit sa aming iniwanang poste. Nagdesisyon ang kumand na mag-alerto habang nililinaw ang sitwasyon at sinamantalang huminto muna para makapahinga ang pwersa.

Red alert ang buong platun.

“Kas, may ingay malapit sa baba. May kasama bang pumunta sa tubigan? Paki-tsek nga sa lahat ng iskwad,” tanong sa mga kasama galing sa platun uno. Alas-11 na ng tanghali at tapos na ang lahat na magluto ng tanghalian.

“Wala nang kasama sa baba, kas,” pasa ni Ka Man na SL ng Iskwad Uno sa aming platun.

“Tingnan at linawin niyong mabuti, baka maisahan tayo,” sagot ni Ka Emm. Nakahanda lang rin ang bawat isa lalo na sa Platun Dos sa mga sandaling iyun liban sa isang tim na nakaluk-awt sa mataas na bahagi ng tereyn.

Dahan-dahan kaming nagligpit ng ibang gamit, liban sa mga sinasampay na basa. Ang iilan ay nagtahi rin ng mga napunit na gamit nila.

“Kas, may armado sa baba, may dalang bag,” dali-daling pasa ng kasama papunta kay Ka Emm.

“Totoo ba?” sagot ni Ka Emm, sabay tayo at kuha ng kanyang baril. Nakita ng mga kasama ang kanyang reaksyon niya. Alerto na rin ang lahat.

“Bang! Bang!” Putok na agad ang sumunod galing sa baba.

“Kaaway sa baba, pusisyon!” sigaw ng aming PL.

Nagpaputok na agad ang mga kasama. Hindi na ako nagpaputok, siniguro ko na naligpit ang kaldero na kinuha naman agad ni Ka Jiro. Binalot ko na agad ang kalan pati na rin ang mga sinampay papasok sa bag.

“Jems! Jems! Asan si Jems?” tanong ni Kas Emm sa mga kasama sa Iskwad Dos.

“Nandito lang ako Ka Emm,” sagot ni Ka Jems. Nagpaputok agad ito sa baba kung saan nakita ang kaaway.

“Ang bala, ‘wag pasobrahan ang bala. Malayo lang ang kaaway!” paalala ni Ka Emm. Papalit-palit lang ang pagpapaputok ng mga kasama. Nahirapang pagpatama ang kaaway sa amin dahil nasa mataas kami na tereyn. Ang nakalapit lang na kaaway ay iyong nakita sa ibaba kung saan kami nakasektor.

“Sila Bunsay na nakaluk-awt, nakabalik na ba?” tanong ni Ka Jems sa mga kasama.

“Kas Jems! Kas Jems! Kas Jems, nasaan siya?”, tanong ni Kas Bunsay habang tumatakbo papunta sa iskwad namin. Nag-aalala siya sa pasyente.

“Dito lang ako, relaks lang, ok lang ako.”

“Relax ka lang Kas Jems, relax ka lang,” tinapik ni Kas Bunsay ang balikat ng squad leader namin.

“Ok lang ako. Relax ka lang, malayo ang kalaban. Sige na kunin mo na ang mga gamit mo,” sabi ni Kas Jems sa kanya.

Pagkatapos magligpit ng mga kasama, agad kaming umatras sa kahabaan ng teryn patungo sa mas mataas pang bahagi. Nagpaputok ng kanyon ang kaaway pero sa di kalayuan lang ito tumama.

Pagkatapos ng insidente, narinig namin na may isa pang residente na binugbog ng kaaway malapit sa pinangyarihan dahil umano’y suportado nila ang NPA sa lugar.

Lumabas kami sa lugar gamit ang palihim na paraan. Bulag ang kaaway kung saan kami pumunta. Sa sunod naming tinigilan, maingat kaming nakipag-ugnayan sa mga lumang kakilala at nakita rin ang mga bagong kakilala.

Tinatasa namin ang dalawang kaso nang depensiba upang matutunan ang mga positibo at negatibong aral. Kabilang sa lumabas sa mga mungkahi ang pagsama sa BKPM o ang plano sa pagsasanay sa paglangoy at pagsagip sa kasamang nalulunod dahil kakaunti lang sa amin ang may kakayahan.

Nagtasa rin ang mga medik, na nakakuha rin ng bagong karanasan at kaalaman. Dahil dito, tumaas ang kumpyansa ng mga Pulang kumander at mandirigma sa mga medik at kanilang kakayahang maglitas ng buhay sa gitna ng labanan.

Sa karanasang iyon, kahit dalawang beses kaming nadepensib sa loob ng isang linggo, napatunayan kong nandyan talaga ang masa, laging handa at naghihintay lamang sa kanilang hukbo. Bagamat may ilang masa na naakit at ginamit ng kaaway, marami pa rin sa kanila ang tunay na nagmamahal at sumusuporta sa BHB kahit pa sa mahihirap na sitwasyon.


Semana Santa