ni Ka Macario Salakay Sinumpaang salaysay para sa hukuman ni Raymond Manalo

 

Nang mabasa ko ang nasabing salaysay;

Nanginig ang buo kong katawan
Wala pang nagpa antig sa akin sa nakaraan
Ni mga trahedhang animo’y kagimbal-gimbal
Sorpresang atake ng kaaway o pagka bihag man.

Buhay na buhay ang mistulang dramang inilalahad
Gumagalaw ang mga anino’t larawan
Sa isang bahagi ng malaking teatro ng maka uring tunggalian
Sa pagitan ng mga mamamaslang at pinapaslang
Sa mga sikretong kulungan

Nakikita ko ang pagpapaahirap sa mga bihag
Pagpatay sa mga walang kalaban laban
Naririnig ko ang mga impit na daing
Pagtangis, pagsigaw sabay ng halakhakan

Naaamoy ko ang lansa ng sariwang dugo
Mapait- pait, mapakla-pakla na lasa ng pulbura
Ramdam ko ang mga suntok, tadyak, sampal, kulata
Daloy ng kuryente at tubig sa lamog nilang mga katawan

Nagngalit ang aking mga bagang
Kumuyom ang aking kamao
Tumatambol ang aking dibdib
Mata’y napatitig sa aking baril!

Ako’y lalong nagngitngit sa mga pasistang kaaway
Mga berdugo ng Imeryong Romano sa kasaysayan
Sa ngayon’y modernong makinang pamuksang ginagatungan
Ng buktot at brutal na pagkamuhi sa bayan

At sino itong si Heneral Jovito Palparan?
Ang tiranong bayani ng imperyalista’t tuta sa Malacañang
Asong ulol na tumutulo ang laway sa kahayukan
Bahag naman ang buntot ng minsang tambangan

Ang terorismo ng estado ay
Ang terorismo ng imperaryalismo
Ang pinaigting na pasistang panlilinlang at pandarahas
Desperadong mga hakbang sa di magaping digmang bayan

Samantala’y kapuri-puri ang kabayanihan
Ang katapangan ng mga bayaning buhay
Walang pagsuko, walang pagsusumamo
Ang huling paglaban hanggang sa huling tibok ng kanilang puso

Higit sa lahat matalas na inilinaw ng salaysay
Ang pangangailangang
Pagbayarin ang mga kriminal mula sa utak hanggang sa mga galamay
Durugin ang mga piitang pader at bakal
Ibagsak ang mapang api at mapagsamantalang lipunan.

Abril 2009


Sinumpaang salaysay para sa hukuman ni Raymond Manalo