ni Ka Ragas Todtod: Tatama rin ako!

 

I.

Tod..tod..tod..tod.. (tunog ng ulan)
Maaga ang todo
Di pa ko nag-aalmusal, isang tasang kape
At natuto nang di magreklamo ang sikmura
Pero kailangan ko paring maggayak
At magtudtod sa maputik na gulod
Kakaasi/Kahambal hambal
Gutom na gutom si baket at mga anak ko

Tod.. tod..tod..tod..tod.. (tunog ng pagtataga)
Di pa kami tapos sa paglalamun,
Sa maghapong pagtodtod
Humahapdi ang gulugod
At maga na ang tuhod
Apat na kilo lang ang maiuuwi ko
Walang luyang masuyod
Kalamna’y kumakalam
bagnas ng ling-et
At ulan sa buong katawan
Kakaasi/Kahambal hambal
Patay gutom akong tumatalunton sa ublag

Di pa makapagluto ang pamilya’t
Wala nang tutong na makudkod
Dala dala ko palang kasi
Ang utang na
isang salop at Tatlong pares
Sa aming pitong mag-anak sa pitong araw
Pitong araw, pitong araw ring walang almusal

Di pa rin yata kami makakaraos?
Pambayad utang lang din ang aking kikitain.
Ito ang gabi-gabi kong iniisip
Bukas ay magtutodtod akong muli
Gigising ako nang alaskwatro
At di marunong magreklakmo
Ang pagal kong katawan
Nangangatog na tuhod
Isang tasang kape,
Alasdyis pa kakain ang mga anak ko
Asin, betsin at kamote
Di ako mag-aalmusal
At lulusong sa maputik na gulod
Iisang hapag, triple ang kayod
Gutom na gutom,
Gutom at pagod akong magtutudtod
Inaalipunga na ang paa ko’t
Pasmado na ang kamay ko
Inuubo at sinisipon
Akong uuwi sa ublagan
Pero di parin sapat ang maiuuwi ko
Kakaasi/Kahambal hambal
Di na makapagluluto ang pamilya ko
At ilang gatang nalang ang aming bigas
Tirang Kamote’t minsan walang asin
Kakaasi/Kahambal hambal
At kami’y gutom na malulubog sa utang
Kakaasi/Kahambal hambal
Kaming maghuhukay ng pag-asa
At kami’y magtutudtod nang gutom.

Kahit isang beses
Sana “tumama ako”

II.

Humpak palang ang laya
Nagbubundatan na ang mga komersyante
Di pa naglilihi ang palay
Buntis na ang bulsa ng negosyante
Sa surong, barya lang ang hilaw nating kalakal
Sa bayan, mahal itong nailalako
-Patungong malayang palengke
na magkakahalaga ng napakamahal
Dulot ng mga patakaran sa agrikulturang liberal
-at ang iba’y
Pang-eksport sa dayuhang kumpanyang hangal
Na nagpoproseso ng labis na produktong kumersyal
– at ang huli’y bibilhin
Ng burgis/mayayaman para sa diyetang pansosyal

Sa buong bayan, matitira’y gawat!
Itinatago nila
ang malaking deposito ng pagkain
Para sa dambuhalang tubo sa komersyo
Sinasadya nilang mahigpit na
Mangunyapit ang buhay natin sa pera’t
Mamalimos sa pagtaas ng presyo
Ng ating produkto,
Tumanghod sa harap ng kanilang palasyo’t
Makatikim ng pabuyang monay at kape.
Mga kasama! Talagang sadya tayong
Ibinabatad sa pagsasamantala
At nakayungyong
sa kanilang pribadong pag-aari!

Palagi nilang sumbat sa’tin:
Akin ang bundok na inuuma mo!
Akin ang lupang sinasaka mo!
Akin ang patubig sa surong mo!
Akin ang abonong ginagamit mo!
Akin ang pestisidyong sinasaboy mo!
Akin ang pautang na inaasahan mo!
Akin ang binhi ng inaani mo!
Akin ang puhunang bumubuhay sa iyo!
Ako ang pinginoong may lupa mo!,
Kaya..
Akin ang bunga ng lahat iyong paggawa!

Iisa lang din ang ating sigaw:
Kami ang nagpapagod at nagpapakasakit
Kami ang lumilikha ng
pagkain at yaman ng lipunan
Nagpapatakbo dito at bumubuo ng mayorya
Kasama namin ang manggagawa at
Kami’y magbabangon at
Kami ang babawi, di na sa inyong ninakaw
Kundi sa daan taong pagsasamantala’t
Kalayaang dapat naming tinatamasa!

III.

Tod..tod..tod..tod!
Naririnig mo ba?
Tod..tod..tod..tod! (Tunog ng nagmartsa)
Lumalakas at dumaraming
Yabag ng mga taong nakayapak
Yaong mga nagmula sa uma
Yabag na sa imperyalista’y sumisindak
Tod..tod..tod..tod!
Naririnig mo ba?
Ang panginginig ng pitak
Tuwing dinudukal nila ang lupa
May apit para sa digma
Tod..tod..tod..tod!
Naririnig mo ba?
Ang nag-iisang sigaw,
Sigaw na nagpupumiglas
Laban sa panginoong may lupa!
Tod..tod..tod..tod
Naririnig mo ba?
Pumapatak na ang todo
Ngayong gawat ng agosto,
Nakatutok sa mga bayarang sundalo
Ang isyu kong m14
Tiyak tatama rin ako!
Tod…todtod..todtod! (Pagputok ng baril)

Agosto 18, 2019
Taltalon 12:39am


Todtod: Tatama rin ako!