Bagong Pilipinas: ilusyon at pambabaluktot sa papalubhang malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino

Pagbungad pa lang ng taon, ipinagyayabang na ng rehimeng US-Marcos II ang diumano’y pagdating ng “Bagong Pilipinas” sa bansa. Sinundan ito ng mga binaluktot at dinoktor na mga datos ng umano’y pag-unlad ng ekonomya sa anyo ng paglago ng mga negosyo, pagbagal ng implasyon, pag-aayos ng pinansya ng gubyerno para paypayan ang kuno’y wastong estratehiya ng rehimen. Ngunit sa likod ng mga mabulaklak na salita at dinoktor na datos ang nagdudumilat na katotohanang higit na mayorya ng sambayanang Pilipino ang lugmok sa kahirapan dulot ng di malutas-lutas na kronikong krisis ng lipunang Pilipino. Ilusyon lamang din ang sinasabing industriyalisasyon. Ang kasalukuyang pagdagsa ng populasyong paggawa sa mga sentrong lungsod ay hindi resulta ng industriyalisasyon, kundi ng di-sustenableng “paglago” ng malapyudal na ekonomyang Pilipino.

Itinali ng malakolonyal na kaayusan ng Pilipinas sa US ang pagiging malapyudal ng lipunang Pilipino. Kinubabawan ng monopolyo kapitalismo ang lumang pyudal na kaayusan ng ekonomya sa anyo ng kolonyal na sistema ng kalakalan kung saan ang mga kalakal na binibili mula sa masang magsasaka at manggagawa ay pawang mga hilaw na materyales at mala-manupakturang produkto para sa industriya ng mga kapitalistang bansa. Sa kabilang banda, lubusan itong nakasandig sa pag-iimport ng produktong pangkonsumo at mga kagamitan sa produksyon. Ito ang dahilan kung bakit pamalagian ang krisis ng lipunan at ibayong nababaon sa kumunoy ng kahirapan ang pinakabatayang mga uri, ang Pilipinong anakpawis.

Kawalan ng mabibigat at batayang industriya

Walang pundasyong industriyal ang Pilipinas at lubhang malayo sa sinasabing “bagong nag-iindustriyalisang bansa”. Ang mayamang rekursong mineral ay limitado sa ekstraktibong operasyon lamang hanggang panimulang pagpoproseso para sa eksport. Wala itong kapasidad na lumikha ng bakal at iba pang batayang metal, mga makina, precision instrument at iba pang kinakailangan sa produksyong industriyal.

Ang sinasabing industriya ng bansang nakakonsentra sa aabot ng 395 economic zones ay kalakha’y pinatatakbo ng mga kumpanyang dayuhan. Sa tala ng PEZA nitong 2018, 60 sa economic zones sa buong bansa ay matatagpuan sa TK na may 2,075 empresa, pinakamalaking bilang sa lahat ng rehiyon, pumapangalawa lamang ang NCR at pangatlo ang Region VII.

Ang mga ito ay nahihiwalay at hindi nagsisilbi sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomyang Pilipino kundi sa supertubo ng dayuhang monopolyo kapitalista. Katunayan, 519, 246 lamang ang naibibigay nitong trabaho na lubhang maliit kumpara sa 13.9 milyong populasyon sa paggawa, tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula 15 taong gulang pataas. Noong 2018, naitala nito ang $447 bilyong export sales na tiyak na napasakamay lamang ng mga dayuhang kapitalistang may-ari ng mga empresa. Ang mga empresang ito, na kalakha’y mala-manupaktura at assembly ay pawang mga karugtong/bahagi (appendages) ng pandaigdigang assembly line ng mga multinasyunal na empresa. Hindi na nga nag-aambag para sa industriyalisasyon, nagtatamasa pa ang mga ito ng maraming pabor mula sa estado kapalit ng di-makataong pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.

Indikasyon rin ng kawalan ng sariling industriyalisasyon ng Pilipinas ang malawakang kawalan at kakulangan sa trabaho sa buong bansa. Lubhang maliit ang lokal na manupaktura at nakaasa sa imported na mga makinarya at input. Ayon sa IBON, nitong Nobyember 2023 aabot sa 8% o higit apat na milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa, malayo sa ipinagmamalaking 4% unemployment rate ng bansa ngayong Abril 2024 ng PSA. Bukod pa rito ang 35-40 milyong Pilipinong kulang o impormal ang hanapbuhay at mababa ang tinatanggap na sahod. Iniresulta nito ang halos 12 milyong manggagawang Pilipino na piniling malayo sa kani-kanilang pamilya para mangibang bansa at doon humanap ng trabaho.

Pamamayani ng komersyanteng kapital (merchant capital) at uring malaking burgesya kumprador

Dominado ng uring malalaking burgesya kumprador (MBK) at hindi na ng mga panginoong maylupa (PML) ang baseng pang-ekonomya ng bansa. Gumagampan sila bilang pangunahing ahenteng pangkalakalan at pampinansya ng dayuhang monopolyo kapitalista, pangunahin ng US. Ang katangian ng kapital na hawak nila at siyang namamayani sa ekonomya ng bansa ay komersyanteng kapital (merchant capital) na lumago mula sa tagibang na kolonyal na kalakalan ng pagluluwas ng mga hilaw na materyales at pag-import ng mga yaring produkto. Tinatawag rin silang pinakamalalaking MBK-PML dahil pag-aari rin nila ang mga asyenda at kaugnay na agribusiness kabilang ang mga livestock at poultry farm, barkong pangisda, at sapi sa mga kumpanyang mina. Kabilang sa kanila si Manny Villar na may pag-aaring malalawak na lupain sa halos lahat ng probinsya sa CALABARZON, Prime Holdings, mga real estate, atbp; si Enrique Razon na may sosyo sa proyektong Wawa-Violago Dam sa Rizal; at Ramon Ang na may-ari ng San Miguel Foods, Inc., Asturias Mining sa Calatagan, Batangas atbp. May malalim na kapit rin sila sa reaksyunaryong pulitika sa bansa sa pagkontrol sa pinakamamalaking burgis na partido pulitikal— ang Nacionalista Party ni Villar, National Unity Party ni Razon at Nationalist People’s Coalition ni Ang.

Kontrolado at pagmamay-ari ng uring MBK-PML ang pinakamalalaking bangko, empresang pangkalakalan, plantasyong pang-eksport, mina, mala-manupaktura at pagpoproseso ng pagkain at inumin, konstruksyong publiko & pribado, real estate, at empresang turismo. Kaya lamang, ang mga ito’y nananatiling nakasandig sa eksport ng mga hilaw na materyales at mala-manupakturang produkto at pag-iimport ng mga kagamitan sa produksyon at manupakturang pangkonsumo.

Agrikultura pa rin ang pangunahing kabuhayan ng mayorya ng mga Pilipino

Sa kabila ng pandodoktor sa mga datos ng gubyerno, nananatiling 60% ng mga Pilipino ay magsasaka sa kanayunan at pangunahing umaasa sa agrikultura. Nagagawang manipulahin ng gubyerno ang kanilang datos dahil tanging ang mga padre de pamilya lamang ang ibinibilang sa uring magsasaka gayong ang kabuhayan ng buong pamilya ng mayorya ng mga Pilipino ay nakaasa sa pagtatrabaho sa bukid. Kasabay nito, ang lumalaking bulto ng mga manggagawang nasa sektor ng serbisyo (61% ng kabuuang pwersang paggawa ayon sa datos ng PSA) ay pawang suplementaryo lamang ng operasyon ng MBK at nakaugnay pa rin sa agrikultura.

Samantala, ang lumalalang penomenon ng mala-proletaryanisasyon sa kanayunan ay hindi iniresulta ng industriyalisasyon kundi salaminan ng paglala ng malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Ang mga magsasaka at manggagawang-bukid na nawawalan ng lupa at hanapbuhay sa bukid ay hindi naman nahigop sa sektor ng industriya at dumadagdag lamang sa papalaking bilang ng mga impormal na hanapbuhay, ang ila’y napupunta sa sektor ng serbisyo o walang trabaho.

Higit na pinalala ng neoliberalismo ang malapyudalismo sa Pilipinas

Ang walang-habas na pagpapasok ng dayuhang sarplas na kapital at kalakal ay nagreresulta sa pribatisasyon ng mga publikong empresa at kaakibat nitong deregulasyon ng presyo ng mga bilihin, pagpatay sa lokal na agrikultura at denasyunalisasyon ng pambansang ekonomya at likas na rekurso. Ang sunud-sunod na hakbanging liberalisasyon sa industriya at kalakalan ng iba’t ibang produkto kabilang ang bigas ay pumapatay sa lokal na agrikultura at masaker sa kabuhayan ng milyun-milyong magbubukid. Sa TK, tampok noong nakaraang taon ang masaker sa hanapbuhay ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa tubuhan sa Batangas matapos magsara ang pinakamalaking iluhan ng tubo sa rehiyon, ang Central Azucarera de Don Pedro, Inc. Biktima naman ng pagbagsak ng presyo ng kopra ang mga magsasaka sa niyugan sa Quezon dulot ng pagbaha sa pandaigdigang pamilihan ng palm oil na dikta rin ng neoliberalismo. Ang mga magsasaka sa palayan sa isla ng Mindoro, Palawan at iba pang probinsya sa TK at bansa ay nalulubog sa walang kaparis na kahirapan matapos na isakatuparan ang neo-liberal na patakaran na Rice Tarrification Law.

Inireresulta naman ng pagtindi ng pandaigdigang krisis ng labis na produksyon, istagnasyon at palyatibong mga solusyon ng neoliberalismo, nagaganap ngayon ang penomenon ng pagbagsak ng mala-manupaktura at assembly na bumubuo sa kalakhan ng sektor ng industriya sa Pilipinas, kasama ang pagmimina. Iniulat ng IBON nitong nakaraang taon na inabot ng sektor ng manupaktura sa bansa ang pinakamalaking pagbagsak nito sa saklaw ng 75 taon. Sa unang tatlong kwarto ng 2023 naitala ang 17.6% na parte ng sektor sa gross domestic product (GDP) ng bansa. Naitala rin sa parehong panahon ang pinakamababang empleyo sa nakaraang 20 taon na resulta ng 1.4 milyon o 1/3 pagkabawas sa lakas-paggawa nito. Kasabay nito ang napakakupad na pag-usad ng agrikultura na nagtala ng paglagong 1.1% nitong unang kwarto ng 2023 na hindi man lang maka-kalahati ng istorikal na average na 2.4% sa nakaraang 25 taon. Resulta nito, naitala ang pinakamababang 8.4% parte nito sa GDP at ang 1.2 milyong pagkawala ng trabaho sa agrikultura.

Ang binabanggit na “paglago” ng ekonomya ng bansa ay tulak ng pagsigla ng sektor ng serbisyo— aktibidad sa kalakalan at pinansya, business process outsourcing o BPO, turismo at eksport ng murang paggawa. Ampaw lamang ang kaunlarang ito at hindi nag-aambag para sa tunay na pambansang ekonomyang kaunlaran, di-sustenable at pangunahing pinakikinabangan ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at lokal na MBK. Para sa mayorya ng masang Pilipino, hindi ito mukha ng bagong Pilipinas bagkus ay pagpapatuloy ng ibayong pagsasamantalang kanilang dinaranas. Higit na nakokonsentra sa kamay ng mga MBK at dayuhang kapital ang sinasabing pag-unlad at paglago ng ekonomya ng bansa. Sa unang siyam na buwan ng 2023, naitala ang paglago ng 21.3% o P156.2 bilyon hanggang P888.7 bilyong kita ng 285 malalaking negosyo at empresa sa bansa. Sa kabilang banda, barat ang sahod ng mga manggagawa at bumubulusok ang kita ng mga magsasaka kaya’t labis na napag-iiwanan ng sumisirit na presyo ng bilihin resulta ng implasyon.

Ang tunay na industriyalisasyon ng bansa ay dapat nakatuntong sa tunay na reporma sa lupa. At hangga’t nananatili ang monopolyo sa lupa ng mga MBK-PML at patuloy na nakasandig ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at produkto, walang tunay na kaunlarang makakamit ang mga Pilipino.

Bagong Pilipinas: ilusyon at pambabaluktot sa papalubhang malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino