El Niño, nanalanta sa MIMAROPA

Dagok sa kabuhayan ng mamamayan ng MIMAROPA ang pangunahing epekto ng matagal na tagtuyot at grabeng init ng El Niño. Iniinda ng mga magsasaka ang pagkasira ng mga pananim pangunahin ng palay.

Halos 400,000 indibidwal mula sa higit 81,000 pamilya sa 553 barangay sa MIMAROPA ang itinala ng GRP na biktima ng kalamidad na hatid ng El Niño. Mayorya sa mga ito ay mula sa Palawan (34,6660) at isla ng Mindoro (39,362).

Higit bilyong piso ang pinsala sa agrikultura sa MIMAROPA. Nitong Mayo, tinayang higit P934 milyon ang halaga ng palay na nasira at higit P21 milyon ang sa ibang pananim sa Palawan. Sa sobrang init ay nagkaroon ng bushfire o mabilis na kumalat na sunog sa Puerto Princesa City at mga bayan ng Coron at Aborlan noong Abril 16.

Sa isla ng Mindoro, pinapasan ng mga magsasaka ang epekto ng tagtuyot sa kanilang pananim at pagkain. Umagaw ng pambansang atensyon ang tama ng El Niño sa dulong bahagi ng isla tulad ng Bulalacao na nagtala ng P87 milyong halaga ng pinagsamang pinsala ng palay at sibuyas sing-aga pa lang ng Marso.

Ayon naman sa mga katutubong Mangyan, hirap sila sa pagkain dahil mistulang “tinunaw” ng init ang kanilang mga tanim na kamoteng kahoy, saging at iba pang lamang ugat. Nanuyo rin ang mga sapa at bukal kaya kailangang lumayo upang mag-igib. Sa karaniwan, inaabot ng kalahating oras ang paglalakad papunta sa igiban ng tubig.

Sa buong bansa, pumalo na ng P9.5 bilyon ang halagang nawala sa agrikultura, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Mayo. Halos kalahati nito (48.47%) o P4.6 bilyon ay pinsala sa palay.

“Hindi sinsero ang reaksyunaryong gubyerno ni Marcos II na harapin at lutasin ang mga problemang dulot ng El Niño. Nagkukumahog itong punan ang pangangailangan para sa tubig ngunit huling-huli na. Natuyo na ang 64.4% ng kabuuang tanim na palay sa bansa,” pahayag ng NDFP-Southern Tagalog noong Abril.

Kulang na ayuda

Ipinagmamalaki ng gubyernong Marcos II at ng DA ang mga ipinatupad nitong interbensyon sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño na halagang P5,000 na ayuda at mga tulong sa produksyon at patubig. Sa ulat nito para sa Mayo, nagkakahalaga na ng P2.37 bilyon ang mga interbensyon. Mayroon ding halagang P20,000 na insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corp. na makukuha lamang kung mapatunayan ng magsasaka o mangingisda ang pinsala sa kanyang kabuhayan.

Kung mamamayan ang tatanungin, palpak ang tugon ng DA sa El Niño. Kakaunti ang nakakakuha ng ayuda o insurance dahil marami sa mga maralitang magsasaka ang hindi rehistrado sa DA at mahihirapan sa rekisitong paglalahad ng katibayan ng tinamong pinsala. Ang mas malaking halaga ng “tulong” na inaalok ng DA na P25,000 ay pautang sa ilalim ng Programang Sure Aid Loan ng DA.

Ayon sa isang maralitang magsasaka mula sa Oriental Mindoro, anim na kilong bigas, asukal at ilang grocery lamang ang ipinamigay na tulong sa kanilang baryo. Hindi umano siya kwalipikado na tumanggap ng cash dahil masyadong maliit ang kanyang lupang sagingan.

May kaso ring hindi tugma ang mga alok na tulong sa kalagayan ng lugar. Halimbawa sa Bulalacao, namigay ng fuel subsidy para sa mga water pump ngunit hindi rin napakinangan ng mga residente dahil wala nang mahigop na tubig ang mga makina.

El Niño, nanalanta sa MIMAROPA