Editoryal Ipaglaban ang kalayaan, sahod, trabaho at karapatan!

Ang imperyalismong US ang ugat ng kahirapan ng manggagawang Pilipino. Hangga’t nakakubabaw ang imperyalismong US sa bansa kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, patuloy na magdarahop ang buong bayan. Kailangang pangunahan ng uring manggagawa ang paglaban sa imperyalismo at palayain ang lahat ng aping uri sa pang-aalipin at pagsasamantala.

Higit isang siglo nang kontrolado ng imperyalismong US ang ekonomya ng Pilipinas. Ipinataw ng US sa Pilipinas ang ekonomyang nakasalig sa pag-iimport ng mga yaring produkto at nakatuon sa pag-eeksport ng mga murang hilaw na materyales. Kasabay nito, ipinasok ang dayuhang kapital at inilubog ang bayan sa utang. Pinagsamantalahan nito ang murang lakas paggawa ng mga manggagawa habang dinadambong ang likas na yaman ng bansa.

Makatarungan lamang na tumindig ang manggagawa sa unahan ng pakikibaka laban sa imperyalismo dahil ito ang pangunahing pinagsasamantalahan at pinipigaan ng yaman ng mga kapitalista. Imperyalismo ang nagpapataw ng mga neoliberal na patakarang lalong nagpapahirap sa manggagawa at iba pang uri sa daigdig.

Noong dekada 1980, sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., sinimulang ipatupad ang neoliberalismo sa Pilipinas sa kumpas ng imperyalismong US. Higit nitong binigyan ng kapangyarihan ang mga kapitalista na makapanghuthot ng tubo at ganansya at ipinagpatuloy ang pagsasamantala sa murang lakas paggawa ng manggagawa. Isinabatas ng mga sumunod na rehimen ang iskemang wage rationalization, national labor relations, two tiered at mga katulad na nagpabarat sa sahod ng manggagawa; kontraktwalisasyon; at ang iba’t ibang anyo ng flexible labor kagaya ng compressed work week, sistemang on-the-job training at iba pa na nagkait ng seguridad sa trabaho at kaligtasan sa pook-paggawa. Ipinako ng mga iskemang ito ang sahod ng manggagawa sa napakababang halaga.

Sa ilalim ni Marcos Jr., lalong lumubog ang manggagawa sa kumunoy ng kahirapan. Hindi na kayang tustusan ng sahod ang arawang pangangailangan ng manggagawa at kanyang pamilya. Sa Calabarzon, nasa ₱520 ang pinakamataas na sahod ng manggagawa, habang ₱395 sa Mimaropa. Malayong malayo ito sa kinakailangang ₱1,123 family living wage (FLW) sa Calabarzon at ₱1,213 sa Mimaropa (Marso 2024). Nagbibingi-bingihan ang estado sa hinaing ng manggagawa na ₱750 taas-sahod upang maabot ang FLW. Pampalubag-loob lang sa manggagawa ang isinusulong ng mga kongresista na ₱100-150 taas-sahod na 13-20% lamang ng ₱750.

Taliwas dito, limpak-limpak na salapi ang kinakamal ng mga kapitalista. Umaabot sa ₱1.3 trilyon ang kita ng 3,985 malalaking empresa. Tumubo ng 31% ang yaman ng 50 pinamakamayayamang pamilya sa Pilipinas.

Samantala, kapos ang rehimeng Marcos II sa paglikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino. Pinagdudusahan ng kabataan ang mababang bilang ng nalikhang trabaho kung saan bumaba ang bilang ng mga kabataang may trabaho (edad 15-24) mula 6.3 milyon tungong 5.9 milyon o katumbas ng 10.5% unemployment rate sa kanilang hanay (Abril 2024).

Parang produktong inilalako ng estado ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa upang isalba ang bangkaroteng ekonomya. Mayroong higit 12 milyong dokumentadong migranteng Pilipino. Matinding diskriminasyon, pang-aapi at pang-aalipusta ang sinasapit nila sa kamay ng kanilang dayuhang amo o kumpanya habang tinitiis ang sakit at kalungkutang mapawalay sa pamilya. Samantala, pinakikinabangan ng reaksyunaryong gubyerno ang kita ng mga migranteng manggagawa sa anyo ng mga kaltas at buwis sa ipinapadalang OFW remittances sa loob ng bansa.

Patuloy pang inilalako ni Marcos Jr. ang likas na yaman at murang lakas paggawa ng Pilipinas sa bawat byahe niya sa ibayong dagat. Iniraratsada niya ang charter change na lalong magbubuyangyang sa bansa sa imperyalistang pandarambong at higit na magpapalugmok sa kalagayan ng manggagawa at iba pang uri.

Upang patahimikin ang manggagawa at iba pang nakikibakang mamamayan, nananalasa ang pasismo at terorismo ng estado. Nariyan ang NTF-ELCAC at ang Anti-terror Law upang pigilan at supilin ang makatarungang pakikibaka ng manggagawa. Tinatatakang terorismo ang gawaing pag-uunyon at sama-samang pakikibaka para sa pakikipagtawaran sa kapitalista. Tinatapatan ang mga militanteng unyon ng mga huwad na unyon upang hatiin ang mga manggagawa at ihiwalay sila sa paglaban para sa kanilang karapatan. Sa Timog Katagalugan, serye na ng pandarahas, paniniktik at pagsasampa ng gawa-gawang kaso ang ginagawa ng estado sa mga kasapi ng nakikibakang unyon at kanilang lider. Pinakamalala ang mga kaso ng pamamaslang sa mga kilalang lider-unyonista kagaya nina Diosdado “Ka Fort” Fortuna at Dandy Miguel. Ang retiradong lider-unyonista na si Reynaldo Malaborbor at Manny Asuncion na nagsulong ng karapatan ng mga manggagawa ay pinaslang ng estado para lumikha ng takot at banta. Dahil dito, hindi kataka-taka na mapabilang ang Pilipinas sa 10 bansang pinakadelikado para sa manggagawa ayon sa International Trade Union Confederation.

Sa harap ng pag-igting ng pagsasamantala at pang-aatake sa manggagawang Pilipino at iba pang uri, naiipit ang Pilipinas sa tunggalian ng dalawang imperyalistang kapangyarihang US at China. Ang tumitinding girian sa pagitan ng US at China ay katangian ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at nabubulok nitong yugtong imperyalismo. Resulta ng walang hanggang pagkaganid ng kapitalista sa tubo at agawan sa pinagkukunan ng murang hilaw na materyales at bagsakan ng sarplas na produkto, napipinto ang pagsiklab ng gera sa pagitan ng US at China na posibleng pumutok sa Asia Pacific, alinman sa mga bansang itinakda ng US sa first island chain na Japan, South Korea, Taiwan o Pilipinas.

Hamon sa mga manggagawang Pilipino na tupdin ang istorikal nitong misyong pangunahan ang pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo. Mayaman ang kasaysayan ng pakikibaka ng manggagawang Pilipino laban sa pananakop ng imperyalismo na mauugat noon pang kolonyal na paghahari ng US. Sing-aga ng 1903, sa unang pagkilos ng Mayo Uno sa bansa, ipinanawagan ng manggagawa sa pangunguna ng Union Obrero Democratico Federacion ang “Ibagsak ang Imperyalismong US!” kasabay ng sigaw para sa taas-sahod at karapatan sa paggawa. Mayor na pwersa ang mga manggagawa sa pagtatatag ng unang Partido Komunista ng Pilipinas at naging signipikanteng bahagi sa muling pagtatayo ng Partido sa balangkas ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM).

Kinakailangang yakapin ng manggagawa ang landas ng rebolusyon at pamunuan hindi lamang ang kanilang hanay, kundi ang laksa-laksang abang mamamayan sa pakikibaka para sa tunay na kalayaan, demokrasya at hustisya. Dapat ilunsad ng manggagawa ang malawakang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanilang hanay at umanib sa Revolutionary Council of Trade Unions. Ang pinakaabante sa kanilang hanay ay maaaring sumapi sa PKP (MLM).

Ilunsad ang malawakang kampanyang pag-aaral sa teorya ng MLM, ang teorya ng proletaryado. Ipalaganap ang kaisipang ito sa hanay ng mga manggagawa hanggang sa abutin nila ang kaisipang rebolusyonaryo at ganap na pagpapanibagong-hubog tungong proletaryong rebolusyonaryo.

Iputok ang iba’t ibang laban para sa kabuhayan at karapatan ng manggagawa. Pasikarin ang kilusang welga. Kaalinsabay nito, isulong ang pambansang pagkilos sa taas-sahod, regularisasyon sa paggawa, ligtas na kalagayan sa paggawa at karapatan sa asosasyon at asembliya.

Gawing inspirasyon ang mga manggagawang nag-alay ng kanilang buong buhay sa pakikibaka—yaong mga pinaslang ng estado at mga namartir sa armadong pakikibaka. Bigyang-pugay sila bilang mga bayani mula sa uring manggagawa na nagsulong ng interes ng kanilang uri hanggang sa inilaan ang buhay tungo sa pagpapalaya ng buong sambayanan. Sa kanilang kadakilaan, dapat ibayong pahigpitin ang pagkakaisa ng buong kilusang paggawa para labanan at biguin ang pakana ng estado na buwagin ang mga militanteng unyon at patuloy na pagkaitan ng karapatan ang manggagawa.

Nananawagan ang Partido sa mga manggagawa na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan upang tanganan ang pamumuno ng proletaryado sa armadong rebolusyon. Maging mga instrumento sila sa pagpapahina at pagwasak sa reaksyunaryong armadong pwersa hanggang sa pagdurog sa bulok na estado. Magsilbi rin silang binhi sa pagtatayo, pagpaparami at pagpapatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at kabayanan.

Ang pagsulong at pagtatagumpay ng pakikibaka ng rebolusyonaryong proletaryong Pilipino ay dakilang ambag sa pagpapahina ng imperyalismo sa buong daigdig. Sa paglahok sa rebolusyon, walang ibang mawawala sa manggagawa kundi ang kanilang mga tanikala ng pagkaalipin.###

Ipaglaban ang kalayaan, sahod, trabaho at karapatan!