“Libreng” wifi sa Rodriguez, Rizal, para sa sarbeylans, hindi serbisyong publiko

Nangangamba ang mga residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal sa ikinabit ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na “libreng wifi”. Nalantad ang nagbabalat-kayong serbisyo bilang sarbeylans sa mismong patawag ng NCIP sa mga residente ng Barangay San Rafael noong Mayo 24.

Sa talumpati ng tauhan ng NCIP, inengganyo nito ang mga residente na gamitin ang wifi “para mag-contact sa NTF-ELCAC at mag-ulat ng mga bali-balita upang panatilihin ang kapayapaan ng barangay.” Upang magamit ang wifi, kailangang mag-log-in sa isang page at ilagay ang pangalan, edad at kasarian.

Ayon sa Protect Sierra Madre Network, “Nakababahala ang pagpapatuloy ng notoryus na whole-of-nation approach ng EO 70 kung saan piyesa ng NTF-ELCAC ang anumang sangay at programa ng [gubyerno] para itulak lamang ang madugo nitong gyera kontra-‘insurhensya’ [laban sa mamamayan]. Nagdulot na ito ng patung-patong na kaso ng iligal na pag-aresto, pagdukot, at pamamaslang sa pangunguna ng mga militar lalo sa mga interyor na komunidad na tulad ng sa Barangay San Rafael.”

Dagdag ng grupo, ang militarisasyon sa lugar ay may kaugnayan sa konstruksyon ng Wawa Violago Dam sa Rodriguez. Ang Barangay San Rafael ay kabilang sa mga baryong maaapektuhan ng iniraratsadang konstruksyon ng Wawa Violago Dam ng Prime Metro Power Holdings Corportation at San Lorenzo Ruiz Builders & Developers Group, Inc. na pagmamay-ari ng mga kroning Enrique Razon at Oscar Violago. Pinopondohan ito ng mga utang mula sa China kung saan kabilang sa nakakontrata sa disenyo, suplay ng materyal at konstruksyon ng dam ang PowerChina.

“Libreng” wifi sa Rodriguez, Rizal, para sa sarbeylans, hindi serbisyong publiko