‘Palayain ang Romblon 4!’

Muling ipinanawagan ng mga kaanak, kaibigan at demokratikong organisasyon ang kagyat na pagpapalaya kina Marlon Torres, Maria Teresa Dioquino, Benny Hilamon at Nolan Ramos o mas kilala bilang Romblon 4 sa isang press conference sa Commission on Human Rights sa Quezon City noong Mayo 27. Pinangunahan ito ng Free Romblon 4 Network, kalahok ang mga samahang Kilusang Mayo Uno, Center of Trade Union for Human Rights, Defend Workers Southern Tagalog, Tambisan sa Sining at Southern Tagalog Cultural Alliance.

Ang Romblon 4 ay dinakip sa isla ng Sibuyan, Romblon noong Hunyo 3, 2021. Sina Torres at Dioquino ay mga aktibistang pangkalikasan habang sina Hilamon at Ramos ay mga mangingisda. Patungo sila sa Sibuyan upang magsaliksik sa epekto ng open pit mining sa isla. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal fishing at paglabag sa health protocols ng pandemyang Covid-19 bago pinatungan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Matapos ang press conference, inilunsad ang isang benefit gig upang makalikom ng ₱1.6 milyon o katumbas ng ₱400,000 pampyansa ng bawat isa.

‘Palayain ang Romblon 4!’