Pasismo laban sa isang kabataang lider at mga estudyante, kinundena

Mahigpit na kinukundena ng mamamayan ng TK ang panghaharas at pananakot ng mga pwersa ng reaksyunaryong estado sa isang kabataang aktibista sa Cavite at sa mga estudyante sa mga hayskul sa Rizal nitong Mayo.

Cavite. Pinag-iinitan ng NTF-ELCAC ang aktibistang si Paolo Tarra, isang lider estudyante sa De La Salle University – Dasmarinas (DLSU-D) at boluntir na tagapagtanggol ng karapatang tao sa probinsya. Batay sa mga ulat, pumupunta ang mga ahente ng task force sa bahay ni Paolo at kinakausap ang kanyang mga magulang hinggil sa pagiging aktibista ng kanilang anak. Nagpapakita pa umano ang mga ito ng mga litrato ni Paolo sa mga rali.

Pinakahuling “binisita” ng NTF-ELCAC ang bahay ni Paolo noong Mayo 3, subalit Pebrero pa nagsimula ang panghaharas sa kabataan at kanyang pamilya. Niloko pa ng mga ahente ng NTF-ELCAC ang mga magulang ni Paolo at nagpakilalang mga “army reservist” sila. Pilit ding humingi ang mga pasista ng personal na impormasyon at mga dokumento tulad ng birth certificate ni Paolo. Nagbabanta ang mga ito na kakausapin si Paolo upang pigilan umano ang kabataan na “mamundok”.

Ang panghaharas ng NTF-ELCAC ay sinuhayan ng panggigipit ng administrasyon ng DLSU-D kay Paolo at bantang pagtitiwalag dito mula sa unibersidad. Si Paolo ang coordinator ng Coalition of Concerned Lasallians, isang organisasyon na nagsusulong ng demokratikong karapatan at kagalingan ng mga estudyante sa DLSU-D.

Rizal. Mariing binatikos ng mga organisasyon ng kabataan at mga guro ang 80th IBPA at DepEd-Rizal na nasa likod ng serye ng kampanyang red-tagging laban sa mga progresibong grupo at panghihimasok sa mga hayskul sa probinsya. Ipinatupad ito sa ilalim ng Community Information Awareness and Approach Program (CIAAP) na nilikha sa bisa ng Provincial Resolution 2023-3 ni Gov. Nina Ynares. Pinahihintulutan nito ang pagpasok ng mga sundalo sa mga eskwelahan lalo sa mga senior high school at paglulunsad ng mga “seminar” dito.

Tampok nitong buwan ang pagpasok ng 80th IB sa Cainta Senior High School at Taytay Senior High School noong Mayo 22 at sa Antonio Esguerra Senior High School noong Mayo 23. Naglunsad ang mga pasista ng seminar kung saan siniraan ang Anakbayan, Kabataan Partylist at iba pang progresibong organisasyong pang-kabataan. Binansagang “terorista” ang mga nabanggit na organisasyon.

Sa mga hayskul, namigay ang militar ng mga polyetong malisyosong nag-uugnay sa mga ligal na organisasyon sa mga “CTG” (communist-terrorist groups). Nakasaad din sa mga babasahin ang kahibangang “akto ng terorismo” ang pagsama sa mga rali at talakayan tungkol sa mga isyung panlipunan.

Nagulantang ang mga estudyanteng pilit pinadalo sa mga aktibidad na ikinubli sa katawagang “leadership training”. Habang isinasagawa ang mga seminar ay pinalibutan ng mga militar ang mga eskwelahan.

Kinundena ng mga kabataan at guro sa pangunguna nina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang panghihimasok ng mga militar sa mga eskwelahan. Iginiit nilang hindi dapat aksayahin ang pondo ng bayan sa mga ganitong aktibidad ng AFP.

Samantala, iniulat ng NDF-Rizal ang iligal na okupasyon ng 80th IBPA sa isang eskwelahan sa Sityo Kwinaw, Brgy. Puray, Montalban sa parehong buwan. Bastos ang mga sundalo na nang-aabala sa klase at bigla-biglang nagpapakita ng litrato ng “NPA” sa mga bata. Nakaduyan ang mga ito sa mga silid-aralan kahit na mayroon nang klase. ###

Pasismo laban sa isang kabataang lider at mga estudyante, kinundena