ni Marlon Torres* Sinamantalang salanta

,

 

I

Sintayog ng katedral
ang mga along
hinulma ni Dante**;
nag-aalimpuyo sa galit,
ano mang saglit
ang bangka ay ‘di kaawaang
basagin, tabuna’t lunurin

“Mapapatid ang lubid ng angkla!”

Tulad ng nanonood, nag-aalala
at nag-aabang sa isla,
kami ma’y nakikiramdam
naghihintay:
Ano mang pagkakamali
sa pagbalanse
pagtantya, pagsusuri,
maaari kaming pumaimbulog
sa tiyan ng karagatan
saka isuka’t
durugin ng hampas
sa mga bato sa pasigan

Oo nga’t kami’y patay na
bayuhin man ng bagyo
kami’y makinang
nakapirmi sa timon
nakatapak sa silinyador,
nakatuon sa katig
— determinadong
mekanikal gawin ng bawat isa
ang dapat niyang gawin.

Ano’t nakaabang na sa kamatayan!
Pero hindi pa ngayon,
Hindi pa ngayon.

Pakikipambuno sa buhay
ang mahigit tatlong oras
…hanggang sa ipadpad
ang salanta
sa kalma sa look

Kumpunihin ang pinsala
May magkukumpuni sa pinsala
sa timon, sa makina,
sa bangka

Oo nga’t kami’y buhay pa!
Hindi pa dapat mamatay.
Hindi pa ngayon.

II

Padilim na nang
salubungin sa pier
ng mga taguring
alagad ng batas;
diumano’y sa kanila kumanlong
nang ‘di na muli abutin
ng nakamamatay na alon

Pakai’t paggamot
serbisyong pamarali
sa mga kalamnang basa’t
katal sa lamig.
Pakapupurihang lubos
labis na pagkamabait
sa mga sinalanta’t
ganito ang sinapit

Ngunit ang inakalang
pahingang himbing,
hindi pa ma’t
walang tatlong oras,
kaluluwa’y gagambalain.
Makahatinggabi
nang sa aming pagkakahiga’y
walang kaluskos,
tahimik na tututukan
ng mahahabang baril

“Ano ang aming kasalanan?”
tanong naming hindi sinagot;
bagkus pinadapa’t
pulsuha’y ‘pinosas
pinatindig
at pinalakad palabas
Hinatid ng tutok ng baril
sa kaninang ‘umano’y
pinagsalubunga’t
pinagsagipan.

Gamit nami’y dinatnang nagkalat
talo pa ang kay Danteng
paghambalos, paghalwat.
Sa mga bunton
may mga itinanim,
at kalauna’y malalamang
mas maraming kinulimbat.

‘Pagdaka’y sa karsel na
ipagtutulakan,
sa mga bintang at paratang
ipagdidiinan

Sumunod ang pagkahol
ng mga asong ulol,
nag-uunaha’t nagkukumahog
sa mga mumong premyo,
kami ma’y
masindak at bumigay.
Kung sadyang matigas ang ulo,
angil nila’y dagdag na mga kaso
banta sa buhay
at mahal sa buhay.

Ano’t muling nakaabang ang kamatayan
Pero hindi pa ngayon.
Hindi pa ngayon.

III

Samantala’y nakapaskil
ang palamuting garantiya
ng mga kodigo’t batas,
handang isalamangka
ng mga payasong
nakagayak mahistrado;
husgang gantimpala sa nasalanta’y
palasyong magarbo
sa rehas at bato.

Ipinag-adya sa karagatang
umalimpuyo’t nagngalit,
subalit sasalantahin
ng kung ano’t
sa delubyong likas
mas masahol pa
ang pagkaligalig—
tao at likhang-tao,
ngunit walang katinuan.

Nakaamba ang pangamba,
panganib at kamatayan.
Pero hindi pa ngayon,
ang aking hininga.

Hindi
ang aking paninindigan
at paglaban,
hangga’t humihinga.

– Romblon MPS
Romblon, Romblon
12 July 2021

*Si Marlon Torres ay kabilang sa Romblon 4 na dinakip noong Hunyo 3, 2021 sa isla ng Sibuyan, Romblon. Nakikibaka ang Romblon 4, kanilang mga kaanak at kaibigan para lumaya at maipabasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.
**Bagyong Dante.

 

 

Sinamantalang salanta