Taas-sahod, panawagan sa ika-135 Pandaigdigang Araw ng Paggawa

Nanawagan ang malawak na koalisyon ng manggagawa sa Pilipinas sa ilalim ng National Wage Coalition ng dagdag sahod sa ika-135 Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Itinulak nila ang pagsasabatas ng hindi bababa sa ₱150 across-the-board na dagdag sa minimum na sahod sa buong bansa.

Binatikos ng koalisyon ang kakulangan ng kita at kawalang seguridad sa trabaho na dinaranas ng mga impormal na manggagawa kabilang ang mga gig workers, delivery rider, drayber; pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang manggagawa at kawalan ng trabaho para sa mga kabataang manggagawa. Tinutulan din nila ang pakanang franchise consolidation sa ilalim ng PUVMP ng rehimeng Marcos II.

Kasabay nito, ipinanawagan din nila ang pagtataas ng sweldo ng mga kawani ng gubyerno tungong ₱33,000 kada buwan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng isang panibagong Salary Standardization Law (SSL). Iginiit din nila ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at iba pa nilang mga karapatan.

Sa Timog Katagalugan, nagmartsa ang mga manggagawa sa pangunguna ng PAMANTIK-KMU sa Crossing Calamba, Laguna at Rosario, Cavite. Nakiisa sa protesta ang iba’t ibang mga organisasyon ng kabataan, kababaihan at magsasaka.

Malikhaing protesta kontra-endo

Kasabay ng pagdiriwang ng Flores de Mayo, inilunsad ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan ang malikhaing protesta na Reyna de Endo. Nagparada ang mga manggagawa mula sa Pamantik-KMU, Defend Workers-ST, AMEN, LIGA-ST at STARTER-PISTON sa kahabaan ng kalsada sa Cabuyao, Laguna.

Kagaya ng Flores de Mayo, nagparada ang mga tinaguriang “reyna” at “hari” na tutol sa endo o kontraktwalisasyon at jeepney phaseout. Ginawan din ng malikhaing dekorasyong may kaugnayan sa mga naturang panawagan ang mga arko ng mga “reyna” at “hari”.

Pagbatikos sa pasismo sa manggagawa

Noong Mayo 25, inilantad sa isang press conference ng mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU), PAMANTIK-KMU, KMU-Southern Mindanao Region at AMA SUGBO-KMU ang mga pasistang kontra-manggagawang kampanya ng rehimeng US-Marcos II. Isa sa pinakahuling pakana ng estado ang pagkakaso sa mga manggagawa ng “terrorist financing”. Sa Timog Katagalugan, pinakahuling kinasuhan ng “terrorist financing” sa hanay ng manggagawa si Rhodel Alconera, bise presidente ng unyon sa Gardenia Bakeries Philippines.

Kinundena ng mga manggagawa ang pakitang-taong pagbubuo ng rehimeng US-Marcos II ng isang inter-agency task force na nagpanggap na tutugon sa mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pagbubuo ng iba pang tipo ng asosasyon. Sa aktwal, lumalala sa ilalim ni Marcos II ang pang-aatake sa mga manggagawa. Tampok ang kaso ng pagdukot at sapilitang pagwala ng mga militar kay William Lariosa, beteranong organisador ng KMU-SMR noong Abril.

Ayon sa KMU, ang pang-aatake sa manggagawa ay isinasakatuparan ng NTF-ELCAC batay sa kontra-“insurhensyang” kampanya ng US.

Taas-sahod, panawagan sa ika-135 Pandaigdigang Araw ng Paggawa