Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit mahalaga para sa manggagawa na magtayo ng unyon?

Ang unyon ang pangunahing organisasyon sa loob ng mga pagawaan na nagtataguyod sa mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Sa pamamagitan nito, naipaglalaban nila ang kanilang karapatan para sa makatwirang sahod, makataong kundisyon, regularisasyon sa trabaho sa paggawa at iba pang mga serbisyong panlipunan. Ito ang dahilan kung bakit kabilang sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa ang magtayo ng unyon o anumang organisasyon na katulad nito.

Sa kasalukuyan, instrumento ng imperyalismong US ang gubyernong Marcos Jr. upang higit pang hambalusin ng mga neoliberal na patakaran ang mga pang-ekonomya’t pampulitikang karapatan ng mamamayan. Kahit pa nagpatupad ito ng ilang pisong dagdag sa sahod, lubhang kulang pa rin ito kumpara sa kinakailangang family living wage (FLW) ng isang pamilyang may limang miyembro. Lalo pang binarat ng RA 6727 o Wage Rationalization Law ang sahod ng mga manggagawa sa TK nang ipatupad nito sa CALABARZON ang paghihiwa-hiwalay ng minimum na sahod depende umano sa layo nito sa NCR at tipo ng mga empresang naroroon. Binabarat na nga ang sahod, lalo pang pinipiga ng mga dayuhang monopolyo-kapitalista at malalaking burgesya kumprador ang lakas-paggawa ng mga manggagawa sa ilalim ng iskemang labor flexibilization, compressed work week (CWW), flexi-time at overtime na walang bayad na nagtatakda ng mabigat na trabahong lampas-lampas sa binabayaran sa kanilang sahod. Bukod sa isinasangkalan ng mga iskemang ito ang kalusugan at kakayahan ng mga manggagawa, nilalapastangan nito ang tagumpay ng uring manggagawa para sa makatwirang walong oras na arawang trabaho.

Malaki ang papel ng mga unyon at samahan ng mga manggagawa para ipaglaban ang mas mataas na sahod at nakabubuhay na national minimum wage standard. Walang sinumang kapitalista ang kusang-loob na maggagawad ng karapatang ito sa mga manggagawa. Kaya’t kailangang kolektibong makibaka ang mga manggagawa, katuwang ang buong sambayanan, upang kamtin ang kanilang mga demokratikong interes at karapatan sa loob at labas ng pagawaan.

Ipinakita na ng mga manggagawa na kaya nilang ipagtagumpay ang laban para sa kanilang mga demokratikong interes at karapatan. Sa pangunguna ng mga militanteng unyon, naipagtagumpay ng mga manggagawa na igiit ang walong oras ng arawang paggawa noong 1889. Naipagtagumpay rin ng pandaigdigang kilusang unyon na mapabilang sa Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong 1948 ang karapatan ng mga manggagawa para sa makatwirang sahod at malayang pagbubuo ng organisasyon at pag-uunyon. Mahigpit itong sinuportahan ng mga manggagawang Pilipino at naitulak ang gubyerno ng Pilipinas na lumagda sa nasabing deklarasyon sa taon ding iyon. Naigiit din ng militanteng unyonismo sa bansa na ipabilang ang mga karapatan ng manggagawa sa hanay ng mga Karapatan ng Mamamayan na nakasaad sa reaksyunaryong 1987 Philippine Constitution. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng unyon, naigigiit ng mga manggagawa ang kanilang karapatan sa sama-samang pakikipagtawaran (collective bargaining) para sa pagpapaunlad ng kanilang kundisyon sa paggawa at patuloy na paggigiit na makatanggap ng makatwirang sahod. Sa tuluy-tuloy na pagdaluyong ng kilusang unyon at welgang bayan, naipagtagumpay ng mga manggagawa na magkaroon ng iba pang mga benepisyo tulad ng overtime work pay, holiday pay, 13th month pay, maternity/paternity leave, solo parent’s leave at retirement benefits.

Ngunit dahil sa pagsasabatas ng Herrera Law na nagpormalisa sa kontraktwalisasyon, maraming manggagawa ang tinanggalan ng karapatang mag-unyon at maggiit ng kanilang mga karapatan. Naging tuntungan ito ng malawakang pagbuwag ng mga unyon simula pa noong 1989. Dumagdag pa ang tumitinding pang-ekonomya at pampulitikang krisis sa bansa na nagreresulta sa malawakang disempleyo at pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan, naitutulak ang mga mangggagawa na maging desperado sa paghahanap at pagpapanatili ng trabaho. Nasasamantala ito ng imperyalismong US kasapakat ang gubyerno upang lansakang labagin ng mga kapitalista ang karapatan ng mga manggagawa na magbuo ng unyon at mapigilan ang huli na igiit ang kanilang mga batayang karapatan sa loob at labas ng mga pagawaan. Laganap ang kapitalistang pakana ng union-busting at red-tagging laban sa mga progresibo’t militanteng unyon at samahan ng mga manggagawang kontraktwal. Sa katunayan, 5% lamang ng mga pagawaan sa buong rehiyon ang mayroong unyon at liga ng mga manggagawang kontraktwal. Nangangahulugan ito na 9 sa bawat 10 manggagawa ang hindi nakararanas na mapaloob sa mga unyon. Aktibo rin ang mga kapitalista na magtayo ng mga dilawang unyon o di kaya ay magpuslit ng makakapitalistang elemento para wasakin ang pagkakaisa ng mga manggagawa.

Kasabwat ng mga kapitalista ang reaksyunaryong estado na kinakatawan ngayon ng gubyernong Marcos Jr. sa mga imbing pakana ng kapitalista laban sa mga manggagawa. Kahit ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay sunud-sunuran sa interes at nagsisilbing tagapagtanggol pa ng mga kapitalista. Pinakamalalang ginagawa ng estado ay ang paggamit mismo ng armadong pwersa nito para gipitin at supilin ang pakikibaka ng mga unyon. Pangkaraniwan ang harassment at sarbeylans sa mga pangulo at iba pang opisyal ng mga nakikibakang progresibong unyon. Dagdag pa, idinedeklara ng NTF-ELCAC ang pagbubuo at gawaing unyon bilang gawaing terorista sa desperasyon nitong ipagwagi ang kontra-rebolusyonaryong kampanya sa pamamagitan ng pagputol umano sa suporta ng kalunsuran sa NPA.

Habang nilalapastangan ang mga karapatan ng mga manggagawa, lantaran namang pinapaboran ng rehimeng US-Marcos II ang mga kapitalista sa anyo ng pagpapababa ng buwis at pagraratsada sa planong baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng Cha-Cha o charter change.

Gayunman, noong panahon ng pandemya, naipagtagumpay ng mga manggagawa na magkaroon ng kompensasyon para sa mga nahawaan ng sakit na COVID-19 at sumunod ang mga pagawaan sa itinakdang mga health protocols. Naging matagumpay ang collective bargaining agreement (CBA) ng anim na unyon sa TK noong 2020. Ito ay sa mga pagawaan ng Alaska Milk Corp., Nexperia, Honda Cars at Fuji Electric Philippines. Naipagtagumpay naman ng mga manggagawa ng Technol Eight, sa pangunguna ng Technol Eight Philippines Worker’s Union (TEPWU)-OLALIA-KMU, ang kanilang CBA matapos ang 16 negosasyon noong 2022. Nakamit nila ang P50 dagdag-sahod at iba pang mga benepisyo tulad ng dagdag na araw para sa union leave.

Mahigpit ang pangangailangan at umiiral ang mga batayan upang ibayong palakasin ng uring manggagawa ang kilusang unyon sa harap ng lalong pagiging miserable at aping katayuan. Dapat na mahigpit na ikawing ng uring manggagawa ang kanilang pang-ekonomyang pakikibaka sa pampulitikang pakikibaka ng sambayanang Pilipino at pangunahan ang pagdaluyong ng mamamayan laban sa imperyalismo, burukratang kapitalismo at pyudalismo.

Tulad ng iba pang uring manggagawa sa buong daigdig, ang pakikibaka para sa makatwirang sahod ay pampulitikang pakikibaka. Hindi ito hiwalay sa pakikibaka ng buong masang anakpawis para sa libreng edukasyon, kaseguruhan sa panirikan, kaseguruhan sa pagkain, magkaroon ng akses sa abot-kayang serbisyong medikal, at iba pang serbisyong panlipunan. Hindi makakamit ang mga kahilingang ito nang hindi itinataas ang pang-ekonomyang pakikibaka ng mangagawa tungong pampulitikang pakikibaka na naglalayong magtamo ng reporma at sa pinakaultimo, rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan.

Kailangang ubos-kayang magsikap ang mga manggagawa na labanan ang red-tagging at pasismo ng estado at igiit ang kanilang karapatang magbuo ng unyon o anumang organisasyong masa sa loob ng kanilang mga pagawaan at komunidad. Dapat na magtayo ang mga kawani ng gubyerno ng kanilang progresibo’t militanteng unyon o mga katulad na samahan upang maigiit ang kanilang panawagan para sa P33,000 buwanang sahod. Dapat na ubos-kayang isulong ng mga manggagawa ang kaseguruhan sa trabaho at wakasan ang kontraktwalisasyon. Dapat aktibong labanan ng mga manggagawang kontraktwal ang higit pang pambubusabos sa kanila ng mga kapitalista sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga samahan o liga ng mga manggagawang kontraktwal.

Dapat na pamunuan ng uring manggagawa ang pakikibaka ng uring anakpawis upang gapiin ang paghahari ng imperyalismo na siyang ugat ng daan-taong paghihirap ng aping mamamayan ng daigdig. Ang papatinding pambubusabos at kahirapan ng manggagawa ay nagtutulak sa kanila na magtanggol at lumaban. Pinatutunayan ng mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawa na hindi hiwalay ang kanilang pakikibaka sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Dapat palaganapin ang paaralang MLM sa loob ng mga pagawaan upang itaas ang pampulitika at makauring kamulatan ng mga manggagawa.

Sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga rebolusyonaryong unyon, namumulat ang mga manggagawa sa kanilang makauring pakikibaka at napapanday sa paglaban sa buong sistemang kapitalista. Nagsisilbi itong isang malakas na muog ng pambansa-demokratikong rebolusyon at tumatanaw sa kasunod na yugto ng sosyalistang rebolusyon. Ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga aping bansa at lilikha ng dagok para sa imperyalismong US at sa buong sistemang kapitalista.

Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit mahalaga para sa manggagawa na magtayo ng unyon?