Kilos protesta ng mamamayang Kenyan, marahas na binuwag

,

Aabot sa 16 na raliyista ang napatay at 400 iba ang nasugatan nang marahas na binuwag ng rehimeng US-Ruto ng Kenya ang mga protesta ng mamamayan noong Hunyo 25. Ang protesta ay bahagi ng paggunita sa serye ng dambuhalang mga demonstrasyon na inilunsad noong nakaraang taon laban sa neoliberal na panukalang Finance Bill 2024, tumitinding karahasan ng pulis at panunupil ng estado.

Matatandaang napaatras ng dambuhalang mga pagkilos noong 2024 ang rehimeng US-Ruto sa planong pagpataw ng mabibigat na buwis na dikta ng International Monetary Fund (IMF) na lalong magpapahirap sa masang Kenyan. Para tusong ilusot ang mga buwis, baha-bahagi itong ipinasa ng parlamento ng Kenya sa nagdaang taon.

Inilunsad ang mga pagkilos sa Nairobi, Mombasa, Kisii, at iba pang lunsod. Dala-dala nila ang bandila ng Kenya at sumigaw ng panawagang “Ruto Must Go” (Palayasin si Ruto) at “Occupy Statehouse” (Sakupin ang Statehouse o tirahan ni Ruto bilang pinuno ng gubyerno). Dala rin nila sa mga protesta ang mga larawan ng mga nasawi noong nakaraang taon sa karahasan ng pulis laban sa demonstrasyon.

Nagpahayag ng suporta at pakikiisa sa pakikibaka ng masang Kenyan ang International League of Peoples’ Struggles Africa at West Asia Regional Committee. Hinimok nila ang mga Kenyan na higit pang magpursigi sa harap ng tumitinding panunupil.

“Wasto lamang na magpatuloy sa pag-oorganisa sa mga Kenyan at maglunsad ng mga aksyong masa para isulong ang panawagan para sa pambansang kalayaan at demokratikong karapatan,” pahayag ng komite. Tulad sa ipinamalas ng malawakang demonstrasyon ng mamamayang Kenyan noong 2024, naniniwala ang ILPS na makakayanang itulak ng papalaking pagkilos ang rehimeng Ruto na iatras ang mga bulok nitong patakaran.

Kilos protesta ng mamamayang Kenyan, marahas na binuwag