Malapyudal na pang-aapi sa mga magsasaka ng gulay sa Bukidnon at Lanao del Sur

,

Isang ektaryang lupa o mas maliit pa ang karaniwang sinasaka ng mga maralita at panggitnang magsasaka sa hangganan ng Bukidnon at Lanao del Sur. Karaniwan silang nagtatanim ng gulay tulad ng kalabasa, sili, repolyo, patatas, karots, kamatis, Baguio beans, atsal, talong at brokoli, at maging kamote at mais. Patung-patong na malapyudal na pang-aapi ang dinaranas nila, mula sa kawalan ng lupa, usura, mahal na gastos sa produksyon hanggang sa murang bentahan ng produkto.

Pagsasamantala sa produksyon

Dahil walang sapat na puhunan, karaniwan para sa mga magsasaka ang mangutang para sa produksyon. Pumapailalim sila sa mga kasunduan ng pautang sa mga lokal na “pinansyer” o usurero na may mapagsamantalang kaayusan at interes. Partikular sa mga gulayan, ang interes sa utang ay nasa anyo ng hatian sa kanilang kabuuang ani o kita.

Para sa mga magsasakang walang lupa, umiiral dito ang sistemang “meyntener.” Sa ilalim nito, ang may-ari ng lupa (na umaaktong pinansyer) ay nagpapautang sa magsasaka para taniman ang lupang pinagagamit sa kanya. Ginagamit ang pautang para sa paghahanda sa lupa, binhi, abono, pestisidyo, herbicide at pagpapasahod sa manggagawang-bukid. Sa gayon, mag-isang binabalikat ng magsasaka ang gastos sa produksyon at pagtatrabaho.

Dagdag pabigat sa magsasaka ang pandaraya ng ilang pinansyer sa presyo ng mga farm input na pinauutang sa mga magsasaka. Sa isang kaso, pinepresyuhan ng pinansyer ang tig-₱1,100 na galon ng Roundup herbicide sa halagang ₱1,700.

Hindi miminsan ang pagkakataong nalulugi ang mga magsasaka ng gulay kung babagsak ang presyo ng bilihan sa produkto o matatamaan ng kalamidad. Dahil dito, nakatali sila sa siklo ng muling pag-utang sa pinansyer para sa susunod na taniman hanggang sa tuluyang malubog sa utang.

Pagsasamantala sa bentahan

Dinadala ang produktong gulay ng mga magsasaka sa Cagayan de Oro City, malayo mula sa mga taniman. Dinadala ito sa bagsakan ng gulay sa Barangay Bulua kung saan karaniwang itinatambak sa mga bodega ng mga pinansyer-dealer o mga dealer.

Sinisingil ang magsasaka ng ₱20 kada sako (100 kilo kada sako) sa pagdidiskarga ng kanilang produkto sa bodega. Nagbabayad rin sila ng ₱2.5-₱3 kada kilo (₱250-₱300 kada sako) bilang upa sa bodega sa mga dealer o sa ilang kaso ay 10% sa halaga ng benta sa produktong gulay.

Sa bagsakan, itinatakda ang presyo ng mga produktong gulay depende sa dagsa ng suplay at pihit ng bilihan. Walang kunsiderasyon ang mga dealer sa gastos ng mga magsasaka sa pagtatakda ng pangkalatahang presyo. Mga dealer din ang nagtatakda sa pamantayan ng pagpepresyo depende sa kalidad ng gulay. Sila rin ang nagtatakda ng presyo ng bentahan sa komersyante. Kung hindi maibebenta ng dealer ang produkto, ibinabalik ang mga ito sa magsasaka.

Sa bentahan ng atsal, halimbawa, ang kada kilo ng atsal na binili nang ₱50 sa magsasaka ay maaaring ibenta ng dealer sa komersyante sa halagang ₱70. Kung maibebenta niya ang 5,000 kilo ng atsal, kikita ang dealer ng ₱15,000 mula sa upa sa bodega, at ₱100,000 sa pagbebenta nito sa komersyante. Kikita siya ng gross o kabuuang ₱115,000, bago kaltasan ng pasahod sa trabahador at iba pang gastos.

Sa panig ng magsasaka, kikita lamang siya ng ₱250,000 sa 5,000 kilo. Kakaltasin dito ang gastos sa produksyon na ₱205,132.40 at matitira ang ₱44,867.60. Kung pumasok siya sa sistemang financing o maintainer, ang matitira lamang sa kanya ay ₱22,433.80.

Liban dito, malaki ang epekto sa presyo ng ismagling at mga kartel na kumokontrol at nagmamanipula sa suplay. Lalong hinihila pababa ang presyo ng lokal na produktong gulay tuwing bumabaha ang imported na gulay na pinahihintulutan ng gubyerno.

Bilang prodyuser ng pagkain, ginigiit ng mga magsasaka rito ang katiyakan sa lupang sinasaka; makatarungang presyo ng mga produkto at pagtatanggal ng iba’t ibang paraan para baratin ang kanilang produkto. Panawagan rin nila ang makatarungang interes sa pautang; pagtaas ng sahod ng mga manggagawang-bukid at pagpapababa sa upa sa bodega o komisyon ng mga dealer.

Malapyudal na pang-aapi sa mga magsasaka ng gulay sa Bukidnon at Lanao del Sur