Pamamaslang sa mga sibilyan at hors de combat, naitala sa Masbate, Leyte at GenSan

,

Sa nagdaang mga linggo, naitala ang limang biktima ng pampulitikang pagpaslang ng mga pwersa ng estado. Liban dito, mayroon ding mga kaso ng pag-aresto, pamamaril at panggigipit. Dagdag ang mga ito sa patung-patong na krimen ng rehimeng US-Marcos sa tatlong taon sa poder.

Sa Masbate, niratrat ng bala at napatay ng mga pwersa ng estado ang 25-taong gulang na sibilyang si Joey Oas sa Barangay San Carlos, Palanas noong Hunyo 29. Pinalabas siyang “nanlaban” at nakuhanan ng isang pistola, mga magasin at bala. Pinararatangan rin siyang myembro ng sparrow yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa Leyte, sadyang pinaslang ng 93rd IB at 802nd IBde ang dalawang hors de combat na myembro ng BHB at isang medik noong Hunyo 18 sa Barangay Cogon, Carigara. May sakit at nagpapagaling noon sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor/Ka Rey) at Sadam Paclita (Ka Dimple) nang salakayin at pagbabarilin ng mga sundalo. Pinaslang kasama nila si Lino Delante (Ka Dodong), isang medik na nag-aalaga sa mga pasyente. Hindi armado ang tatlo.

Sa General Santos City, pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga tao si Ali Jejhon S. Macalintal, isang brodkaster sa radyo, noong Hunyo 23 sa Barangay Lagao. Si Macalintal, isang transwoman, ay naging aktibong kasapi ng mga progresibong grupo simula noong 2002. Noong 2024, nag-ulat si Macalintal na ginigipit at minamanmanan siya ng mga ahente ng ng Task Force Gensan. Ilang araw bago barilin, nakatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay.

Pag-aresto. Limang aktibistang pangkultura ang inaresto ng mga pwersa ng estado noong Hunyo 27 sa Barangay Pasong Buaya II, Imus, Cavite. Sa kasagsagan ng kanilang oplan pinta, sinundan sila, dinumog, pinagbantaan gamit ang baril, bago dinala sa barangay hall. Pansamantala silang nakalaya noong Hulyo 1 at kumakaharap sa mga kasong malicious mischief at bandalismo.

Pamamaril. Sa Negros Oriental, walang patumanggang nagpaputok ng baril ang mga “trigger happy” na sundalo ng 62nd IB sa Sityo Putat, Barangay Humay-humay sa Guihulngan City noong Hunyo 23.

Sa sumunod na araw, sapilitang pinasok ng mga sundalo ang bahay ni Bobby Gemodo sa Sityo Laos, Barangay Binobohan sa syudad para gipitin siya. Pinuntahan rin ng mga sundalo ang bahay ni Mario Noyad sa Sityo Natae, Barangay Binalbagan, Canlaon City para takutin at pagbantaan siya.

Pamamaslang sa mga sibilyan at hors de combat, naitala sa Masbate, Leyte at GenSan