Pabigat na buwis sa mamamayan, pagaan naman sa mga dayuhan

,

Sa nagdaang mga dekada, pabigat nang pabigat ang patung-patong na buwis na ipinapapasan sa mamamayang Pilipino, na lalong naglugmok sa kanila sa kumunoy ng kahirapan. Sa kabilang banda, pagaan nang pagaan ang buwis na sinisingil sa pinakamalalaking burgesya komprador at mga dayuhan at lokal na kumpanya, na lalong nagpapalaki sa kinakamkam nilang tubo.

Ilang dekada nang iniinda ng mamamayan ang Value Added Tax (VAT) sa pinakabatayang mga produktong pagkain at serbisyo, na sa una’y 10% ngunit kalauna’y naging 12%. Noong 2016, umabot sa ₱622 bilyon ang nakolektang VAT na lalupang lumaki sa sumunod na mga taon. Noong 2013, tinatayang binubuo nito ang 18.9% ng kabuaang rebenyu ng gubyerno, mula sa mababang 7.9% noong 1989. Mas lalong bumigat ang pasanin ng mamamayan nang ipinatupad ang TRAIN Law na nagpataw ng dagdag na excise tax sa mga produktong petrolyo, sigarilyo, alak, matatamis na inumin at iba pa.

Noong Hunyo, dinagdagan pa ni Marcos ang pasanin ng taumbayan sa pagsasabatas ng Digital Services Tax na nagpataw ng 12% na VAT sa mga serbisyo na dumadaan sa internet. Sinaklaw ng bagong batas ang mga online shopping platform tulad ng Shopee at Lazada, mga website para sa mga naghahanap ng freelance na trabaho tulad ng Fiver at Upwork, at streaming platform tulad ng Netflix at Spotify. Papasanin ang buwis ng karaniwang content creator, online seller, freelancer, at mamimili. Tinatayang tatabo ang rehimeng US-Marcos ng ₱105 bilyon sa susunod na limang taon mula rito.

Bago nito, inobliga ang mga manininda sa mga online shopping platform na magparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at magbayad ng 1% buwis mula sa kanilang kabuuang kita. Isusunod pa ng rehimen Marcos ang buwis sa mga single-use o isahang gamit na mga plastik at buwis para sa mga gumagamit ng motorsiklo.

Sa kabilang banda, mas lalong lumaki ang kita ng malalaking lokal at dayuhang kumpanya dahil sa mas pinababang buwis na sinisingil sa ilalim ng CREATE MORE Law. Tatlo pang batas ang ipinasa noong 2024 na lalong nagbawas sa buwis ng burgesya komprador at malalaking lokal at dayuhang kumpanya. Ang mga ito ang Ease of Paying Taxes Act, Real Property Valuation and Assessment Reform Act, Capital Markets Efficiency Promotion Act, na lahat bahagi ng Comprehensive Tax Reform Program na ipinatupad noong panahon ng rehimeng Duterte at ipinagpatuloy ng rehimeng US-Marcos.

Pinaboran ng mga batas na ito ang mga negosyante sa pamamagitan ng mas simpleng sistema ng pagbabayad ng buwis, pagbawas ng buwis sa kita, pagbawas ng multa sa hindi nakapagbayad sa tamang oras, pagbaba ng buwis sa pagbili at pagbenta ng mga sosyo at pagbigay ng mga insentibo tulad ng tax holiday, libre o mababang singil sa kuryente, mababang buwis sa lupa, amnestiya sa pagbabayad ng buwis at iba pa.

Aabot sa ₱5.9 bilyong buwis sa loob ng tatlong taon ang bawas sa koleksyon ng reaksyunaryong estado sa CREATE MORE Law pa lamang. Sa ilalim ng naunang CREATE Law, umabot sa ₱476.8 bilyon ang ibinawas sa buwis sa malalaking negosyante sa unang limang taon pa lamang.

Tinatawag na regresibo o paatras ang sistema ng pagpataw ng matataas na buwis tulad ng VAT at excise tax sa mga produkto at serbisyong binibili o ginagamit ng mamamayan. Ang mga buwis na ito ay unang ipinataw sa dikta ng World Bank (WB) sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas para matiyak na sapat ang nakukolektang kita ng bansa at mababayaran nito ang mga dayuhang utang. Noong dekada 1980, bahagi ito ng mga kundisyon ng pautang ng WB at International Monetary Fund (IMF). Ayon mismo sa WB, ang buwis tulad ng VAT ang pinakamadaling mapagkukunan ng kita ng estado dahil mahirap itong iwasan at ang mga nagbebenta ay nagiging tagakolekta rin ng buwis. Katunayan, naniniwala ang WB na kulang pa ang VAT at “may espasyo pa” para itaas ang kita sa VAT sa Pilipinas.

Sa kabila ng nakukolektang buwis mula sa masang anakpawis at petiburges, maliit na porsyento lamang nito ang napupunta sa serbisyong panlipunan tulad ng sa edukasyon at kalusugan o pondo para sa agrikultura. Nasa 20% naman ng kabuuang pondo ng gubyerno taun-taon ang napupunta lamang sa korapsyon o diretso sa bulsa ng mga burukrata-kapitalista. Ang malala ay ginagamit pa ang buwis sa pasismo ng estado sa pamamagitan ng pagbili ng mga armas, pagpondo sa NTF-Elcac at mga pasistang kampanya.

Pabigat na buwis sa mamamayan, pagaan naman sa mga dayuhan