Pagkakamit ng hustisya para sa masang Negrosanon
Walang humpay ang pagsisikap ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) para kamtin ang hustisya para sa masang Negrosanon na biktima ng terorismo at panunupil ng estado. Kabilang sa mga pagsisikap nito ang pagtupad sa kautusan ng hukumang bayan para patawan ng hustisya ang mga ahente ng estado na nasa likod ng mga krimen. Kabilang sa pinarusahan ang mga espiya, aset sa intelidyens ng militar at pulis, kasabwat nilang kontra-rebolusyonaryong taksil, at kriminal sa baryo.
Ang masasamang elementong ito ay naghahasik ng lagim sa mga baryo, gumagambala sa kapayapaan ng mga komunidad, sumisira sa pagkakaisa ng taumbayan, at pumepeste sa buhay at kabuhayan ng masang Negrosanon. May pananagutan sila sa rebolusyonaryong hustisya bilang kasangkapan at bayarang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pinaigting na pasismo sa isla. Sangkot sila sa hindi bababa sa 940 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos o abereyds na limang kaso kada linggo sa isla mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2025.
Sa ngalan ng hustisya, mula 2025 hanggang nitong Marso ay naglunsad ang BHB-Negros Island ng 44 operasyong pagpapataw ng hustisya laban sa mga pusakal na elementong reaksyunaryo. Katuwang ang masa, naisagawa ng BHB ang mga ito sa mga kabundukan, kapatagan at tubuhan, tabing-kalsada at hanggang sa mga sentrong bayan. Ipinamamalas nito ang determinasyon ng Pulang hukbo na kamtin ang hustisya para sa mamamayan.
Bago ang aktwal na mga operasyon, masinsin at maingat ang proseso ng imbestigasyon ng kinauukulang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo, sangay ng Partido o yunit ng BHB na nakatalaga sa eryang pinangyarihan ng krimen ng mga akusado. Kasunod na binubuo ang hukumang bayan at isinasakatuparan ang kinakailangang mga rebolusyonaryong prosesong hudisyal. Kabilang dito ang paghaharap ng sakdal sa akusado at pagbibigay ng pagkakataon sa kanila na magpaliwanag at ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Mahigpit din itong tumatalima sa mga alituntunin ng internasyunal na makataong batas.
Sinu-sino ang mga pinarusahan?
Sa mga naparusahan sa isla ng Negros, 41 sa kanila ay mga aset at ahente sa intelidyens ng AFP at PNP. Ang ilan ay inarmasan ng militar at pulis. Nagdulot sila ng malalaking pinsala sa rebolusyonaryong kilusan katulad ng pagmasaker, pagpaslang, sadyang pagpaslang at malupit na karahasan sa mga kadre ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, at maging sa masa sa kanayunan.
Maliban sa pagsisilbing intelidyens, mayorya sa kanila ay nahatulan ding maysala sa mga kaso ng pagpatay, maramihang pagpatay, panggagahasa (maramihan, binibiktima ang sariling anak at kamag-anak; at mga menor de edad), pang-aagaw ng lupa, pagbebenta ng droga, at direktang pananakot at pananakit sa masa. Bayarang mga tauhan at protektor rin ang ilan sa kanila ng mga panginoong maylupa at mga pulitiko, habang ang ilan ay myembro ng kontra-rebolusyonaryong Revolutionary Proletarian Army. Ang ilan sa kanila ay mga nagtaksil sa rebolusyonaryong kilusan, nagkanulo at seryosong nagpahamak sa masa.
Kabilang sa mga naparusahan ang tatlong sangkot sa pagtunton at pagpapatay kay Ericson Acosta, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines, at kasama niyang lider-magsasaka na si Joseph Jimenez. Sina Acosta at Jimenez Jimenez, na parehong hindi armado, ay pinaulanan ng bala at sadyang pinaslang. Noong Nobyembre at Disyembre ng 2025, naisagawa ng BHB-Southwest Negros ang pagparusa sa mga sangkot sa krimen.
Nagkasala man sa rebolusyonaryong kilusan at sa masa, hindi sa lahat ng pagkakataon ay pinapatawan ng parusang kamatayan ang isang indibidwal. Bukas ang mga yunit ng BHB sa mga nagkasalang indibidwal na nais sumuko, humingi ng tawad, magbago at talikuran ang kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang mga gawain at aktibidad. Mayroong karampatang prosesong hudisyal sa mga nais pumailalim sa pagsuko sa rebolusyonaryong poder.
Niyayakap ng masa
Para sa karaniwang mamamayan, ang mga aksyong pamarusa ay hustisya na matagal na nilang inaasam, at pagtatanggol sa mga katulad nilang inaapi at pinagsasamantalahan. Ayon kay Ka Felicidad Katalbas, tagapagsalita ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Negros Island, ikinalulugod ito ng mga tulad nilang biktima ng lumalalang kahirapan, kawalan ng lupang sinasaka, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod, at pinsalang dulot ng mga kalamidad. Sa gitna ng kahirapang ito, hinahambalos sila ng pasistang atake ng mga ahente ng militar.
Malayong-malayo ito sa desperadong ipinagpipilitang larawan ng AFP at National Task Force-Elcac na walang katuturang karahasan ang mga armadong aksyon na ito ng BHB sa isla. Pinalalabas nilang simpleng “spy-tagging” o pagbabansag lamang na espiya ang ginagawa ng BHB para itangging kabilang ang mga bayaran nilang tauhan sa mga pinarusahan.
Sa harap ng itim na propaganda ng estado, ipinahayag ng Kabataang Makabayan-Negros Island ang pagpupursigi nitong maglinaw at magpaliwanag sa mga proseso at kapangyarihan ng demokratikong gubyernong bayan, ng mga tungkulin ng BHB at kawastuhan ng digmang bayan. Anito, lalabanan ng rebolusyonaryong kabataan ang malisyoso at pekeng impormasyong ibinubulalas ng AFP, NTF-Elcac at maging ng mga grupo ng mga “dating rebelde” na kinakatawan ng Buklod Kapayapaan.