Matatag na paglaban ng Iran sa gerang agresyon ng US at Israel
Tatlong linggo matapos salakayin ng US-Israel ang Iran, nananatiling matatag ang gubyerno at mamamayan nito sa pagtatanggol ng kanilang kasarinlan. Ito ay sa harap ng walang awat na pambobomba ng US-Israel na nagresulta sa malawakang pinsala sa kanilang mga komunidad, militar at ekonomya.
Noong Marso 13, higit 1,400 na ang naiulat ng Iranian Health Ministry na napatay sa gerang agresyon at higit 18,000 ang nasugatan, halos lahat mga sibilyan. Milyun-milyon ang napalayas sa kanilang mga komunidad dahil sa pambobomba sa mga eryang residensyal.
Mabilis na nakapagpalit ang Iran ng mga upisyal na humalili sa mga lider na pinuntirya ng asasinasyon ng US at Israel. Nakapaglunsad ito ng depensa at kontra-atake laban sa mas makapangyarihang pwersang Amerikano. Nagpakawala ito ng libu-libong drone at misayl na tumarget sa mga pasilidad ng Israel at 27 mga base militar ng US sa Bahrain, Kuwait, Qatar, Jordan, UAE, Saudi Arabia at apat pang bansa.
Lalong ginalit ng US ang mamamayang Iranian. Milyun-milyon ang lumahok sa sunud-sunod ng mga rali sa loob ng bansa mula Pebrero 28 para kundenahin ang agresyon. Noong Marso 18, muli silang bumuhos sa lansangan ng Tehran para ilibing si Dr. Ali Larijani, kalihim ng Supreme National Security Council, at iba pang upisyal na napatay sa pambobombang inako ng Israel.
Kinontrol ng Iran ang Strait of Hormuz, ang makipot na lagusan ng mga barko sa pagitan nito at Oman at pinigilan ang paglalayag dito ng mga barkong Amerikano, Israeli at kanilang mga alyado. Sa lagusan na ito dumadaan ang 20% ng pandaigdiang suplay ng langis, 20% ng liquified natural gas at 30% ng pandaigdigang suplay ng kemikal, kabilang ang mga ginagamit sa mga pataba. Bilang hakbang pandepensa, nilagyan ng Iran ng mga sea mine o eksplosibo ang teritoryong karagatan nito para pigilan ang pagpasok ng mga barkong pandigma ng US. Ang tanging pinapayagan nitong dumaan sa lagusan sa ngayon ay mga barkong “hindi kalaban” at tumatalima sa mga tuntunin nito sa karagatan.
Epikong pagkakamali
Hindi maitatwa na ang Operation Epic Fury (Operasyong Epikong Galit) ng US, na binansagan ng Iran ng Operation Epic Mistake (Operasyong Epikong Pagkakamali), ay di pa tapos at hindi madaling matapos, taliwas sa inaasam at deklarasyon ng presidente ng US na si Donald Trump. Tumanggi ang Iran na pumasok sa isang tigil-putukan hanggang hindi itinitigil ng US ang pambobomba sa bansa.
Lubha nang apektado ang mga ekonomya ng mga karatig-bansa nito na nakaasa sa pag-eeksport ng langis. Dahil di makapagbenta, may mga bansa nang napilitang bawasan, kundiman pansamantalang ihinto, ang pagmimina ng langis. Milyun-milyon ang na-stranded o di makaalis sa rehiyon dahil sa pagsasara ng biyaheng panghimpapawid ng mga bansa.
Nagdulot ang agresyon ng matinding paghihirap sa buong mundo. Sinakal nito ang daloy ng langis at pinasirit ng presyo ng krudong langis tungong $100/bariles at higit pa. Ramdam ng mga mamamayan, kabilang ng mamamayang Amerikano, ang nagtaasang presyo ng mga produktong petrolyo at kaakibat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Lalong naligalig ang rehiyon matapos bombahin ng US noong Marso 13 ang Kharg Island, ang pangunahing terminal ng langis ng Iran kung saan dumadaloy ang 90% ng langis na inieksport nito. Layunin ng US at Israel na agawin ang naturang isla, kasama ang lahat ng langis na dumadaloy dito. Doble ang estratehikong halaga ng isla sa US dahil dito dumadaan ang ineksport na langis ng Iran tungong China, ang pangunahing tagabili nito.
Para punan ang nawalang produksyon at pahupain ang presyo, naglabas ang US, kasama ang mga alyado nito, ng 400 milyong bariles ng reserbang langis. Pansamantala ring tinanggal ni Trump ang embargo laban sa langis ng Russia. Sa kabila nito, walang signipikanteng pagbaba ng mga presyo sa pandaigdigang merkado. Tumanggi kahit ang mga alyado ni Trump sa Europe at Asia na magpadala ng mga barkong pandigma sa Middle East para pwersahang buksan ang Hormuz.
Sa loob ng US, nahaharap si Trump sa matinding pagtutol ng sariling mamamayan. Libu-libo ang nagprotesta para kundenahin ang iligal at labag sa internasyunal na batas na pananalakay. Binatikos nila ang napakalaking gastos militar para isustine ang agresyon. Sa unang anim na araw pa lamang ng pananalakay, tinatayang nagwaldas ang US ng $11.3 bilyon at halos $1 bilyon araw-araw mula noon. Panawagan nila ang agarang pagtigil ng gera, pagbabalik sa negosasyon at pagpasok sa tigil-putukan.