Mga protesta

,

 

Demolisyon sa Marikina, nilalabanan. Muling itinayo ng mga residente ng Agora Compound sa Barangay Sto. Niño, Marikina City ang kanilang kampuhan noong Marso 14 upang pigilan ang demolisyon sa kanilang komunidad. Muli silang nanawagan para sa in-city relocation. Hindi bababa sa 145 pamilya ang palalayasin ng demolisyon.

Laban sa pribatisasyon ng palengke sa Cebu, lumalawak. Magkakasunod na protesta ang isinagawa ng mga grupo, manininda at residente sa Carbon Market, Barangay Ermita sa Cebu City noong Marso 14-17 para ipabasura ang pribatisasyon ng palengke. Tinatayang 16,000 na manininda at trabahador ang mawawalan ng pwesto at trabaho sa palengke, at madadamay ang 700 bahay sa katabing Sityo Bato sa pribatisasyon.

Rekrutment ng AFP sa Ateneo, napigilan. Napaatras ng mga estudyante ng Ateneo de Manila University ang partisipasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ateneo Career Fair noong Marso 13 dahil sa pagbatikos dito at rekord nito ng paglabag sa karapatang-tao. Sa araw ng career fair, nagrali ang mga estudyante at binaklas ang karatula na “AFP Recruitment Booth.”

Agarang pagpapa-uwi sa mga migrante, ipinanawagan. Nagprotesta ang mga grupo ng Migrante sa Mendiola sa Maynila noong Marso 17 upang ipanawagan ang ligtas na pagapauwi sa mga migranteng Pilipino na naiipit sa gera sa Middle East. Kasabay nito ang pag-alala sa ika-31 anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion noong 1995.

Mga protesta