2 pinatay, 6 iligal na inaresto ng pulis at militar

,

Dalawang sibilyan ang pinatay at anim ang iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado mula gitnang bahagi ng Marso hanggang Abril 7. Samantala, marahas na binuwag ng kapitalista ang pagkilos ng mga manggagawa sa isang pabrika sa Laguna.

Pagpatay. Sa Sorsogon, pinaslang ng mga elemento ng 31st IB si James Quiñones, 24 anyos na manggagawa, habang nag-aabang ng bangka papuntang sentro ng bayan noong Marso 25 sa Barangay Juan Andre, Donsol. Pinalalabas ng mga militar na tinamaan ang biktima ng ligaw na bala na pinasisinungalingan ng pamilya dahil tadtad ng bala ang kanyang katawan.

Sa Negros Oriental, namatay sa pagdurugo ang magsasakang si Edgar Tingting, 50, sa Barangay Trinidad, Guihulngan City noong Marso 17 matapos barilin ng 62nd IB habang kumukuha ng damong pagkain ng baka. Pinalalabas ng 62nd IB na Pulang mandirigma si Tingting na namatay sa isang engkwentro.

Sa Negros Occidental, pinaulanan ng bala ng 79th IB ang isang magsasaka sa Barangay Minautok, Calatrava noong Abril 6. Hindi pa tiyak ang kalagayan ng biktima. Pinalalabas ng militar na nagka-engkwentro sa pagitan nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Pag-aresto. Sa Occidental Mindoro, inaresto ng 68th IB si Charlize Garzon o Ceeka noong Marso 29 sa Sityo Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose. Pinaratangan siyang miyembro ng BHB na nadakip matapos ang isang labanan. Si Garzon ay isang pangkulturang aktibista. Nagtapos siya sa kursong AB Arts Management sa De La Salle College of St. Benilde at ginawaran ng karangalang magna cum laude. Sa kulungan, ipinailalim siya sa pisikal at mental na tortyur at nilalabag ang kanyang mga karapatan.

Sa Iloilo, inaresto ng pinagsanib na mga pwersa ng militar at pulis sina Josephine Porquia, 64, at Ma. Luisa Tagamolila Guillen, 62, sa kanilang tinutuluyang bahay sa Barangay Aganan, Pavia noong Abril 2.

Si Porquia, dating koordineytor ng grupong Migrante, ay kumakaharap sa kasong rebelyon na isinampa noon pang 2012. Para ibimbin sa kulungan, pinalalabas na nakumpiska sa kanya ang mga pampasabog at sinampahan ng kasong iligal na pagmamanupaktura, pagbebenta, at pag-aari ng eksplusibo. Si Guillen, myembro ng Gabriela, ay sinampahan ng kasong obstruction of justice. Nakalaya siya noong Abril 3.

Sa Pasay City, iligal na inaresto at mahigit isang linggong ikinulong ng Pasay City Philippine National Police ang tatlong residente na nagprotesta noong Marso 23 sa harap ng Pasay City Hall. Ang tatlo ay kabilang sa hanay ng Wowee Market Vendors Association na tumututol sa pagsasara ng Wowee Market. Nakalaya sila noong Marso 31.

Pagbuwag sa protesta. Sa Laguna, marahas na binuwag at binomba ng tubig ang mga nagpuprotestang manggagawa ng PackageWorld Inc., pag-aari ni Lucio Tan, sa Laguna Technopark Special Economic Zone sa Cabuyao noong Marso 23. Pagkalipas ng ilang araw, tinanggal sa trabaho ang 139 na manggagawang kontraktwal sa kumpanya. Ang protesta ay pinangunahan ng PackageWorld Inc. Workers Union-Independent laban sa deadlock at pambabarat ng kumpanya ng kanilang collective bargaining agreement. Ang PackageWorld Inc ay gumagawa ng mga kagamitang pampakete para sa mga produktong inumin at iba pa. Bahagi ito ng kumpanyang Asia Brewery Incorporated.

2 pinatay, 6 iligal na inaresto ng pulis at militar