Internasyunalismo at ang matatag na paninindigan ng mamamayang Cuban

,

Nahaharap ang mamamayan ng Cuba sa walang kapantay na pagdurusa dulot ng oil embargo na ipinataw ng rehimeng Trump ng US sa bansa upang “angkinin” at pilitin ang gubyerno nito na sumunod sa kanyang nais. Matindi ang naging epekto nito sa transportasyon, at sa takbo ng mga ospital at pasilidad medikal, eskwelahan, turismo, at produksyon ng pagkain ng bansa. Pinakahuli lamang ito sa walang-lubay na panggigipit sa 66 na taon ng marahas na sangsyon sa ekonomya na ipinataw ng US sa bansa mula nang magtagumpay ang rebolusyon dito noong 1959 laban sa diktadurang US-Batista.

Imbes na yumuko, kumilos ang gubyerno ng Cuba para punan ang malaking depisit sa enerhiya, sa pamamagitan ng pag-arangkada ng sariling produksyon ng krudong langis at mabilis na pagtatayo ng mga pasilidad na solar at geothermal. Ginawang prayoridad ng estado ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan, produksyon ng pagkain, at mga batayang serbisyo sa mga bulnerable sa lipunan tulad ng matatanda, bata at buntis.

Higit dito, ipinamalas ng mamamayang Cuban ang kanilang militante at anti-imperyalistang pagkakaisa. Kinundena nila ang embargo na tinawag nilang isang “asimetriko, brutal at mapang-aping agresyon” ng imperyalismong US. Gayon na lamang ang brutalidad ng atake, anila, dahil batid ng US na hindi titiklop ang rebolusyonaryong gubyerno ng Cuba, matatag ang sistemang panlipunan nito at tapat ito sa panlipunang hustisya at pakikipagkaisa.

Sunud-sunod ang patriyotikong pagkilos ng mga Cuban para ipagtanggol ang soberanya. May mga gabing nagtitipon sila para kundenahin ang US, dala ang libu-libong kandila. Pinakahuli sa malakihang pagkilos sa bansa ang naganap noong Abril 2, kung saan tumungo sa harap ng embahada ng US sa Havana ang libu-libong Cuban, sakay ng kanilang bisikleta at elektronikong bisikleta at bitbit ang mga bandila ng kanilang bansa. Kasama nila sa pagkilos ang kanilang presidente na si Miguel Diaz-Canel.

Di nagmamaliw na suporta

Mula Enero hanggang Marso, bumuhos ang suportang pampulitika at materyal sa Cuba. Naglunsad ng mga protesta at aktibidad bilang suporta sa Cuba at pagkundena sa imperyalismong US ang mga progresibong grupo, mga unyon, estudyante at mga grupong sumusuporta sa Latin America sa Belgium, UK, Canada, Spain, Malaysia, at mga syudad sa US. Nananawagan sila para sa pagtanggal sa sangsyon sa ekonomya.

Sa Africa, dinalaw ng mga progresibong grupo ang 31 embahada ng Cuba upang ipaabot ang kanilang pakikiisa sa mamamayan nito.

Noong Marso 18-20, mahigit 600 aktibista mula sa 38 bansa at 140 organisasyon ang dumating sa Cuba upang maghatid ng nasa 20 toneladang ayuda at suporta sa pulitika. Kabilang sa dala nilang tulong ang pagkain, gamot, gamit-medikal, baterya, solar panel, at bisikleta.

Idineklara ng mga grupo ang Marso 21 bilang “Pandaigdigang Araw ng Pakikiisa sa Cuba,” na sinabayan ng mga koordinadong pagkilos sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dagdag dito, dumating sa bansa noong Marso 24 ang tatlong barko mula sa iba’t ibang bansa sa Latin America na may dalang ayuda. Bago pa nito, nagpadala ang Mexico ng mahigit 1,200 toneladang pagkain at iba pang suplay. Nangako si Claudia Sheinbaum, presidente ng Mexico, na muling magpapadala ng langis sa bansa. Ang Mexico ang isa sa mayor na tagasuplay ng langis sa Cuba na tumigil maghatid ng langis dahil sa presyur ng US.

Noong Marso 30, dumating sa Cuba ang oil tanker ng bansang Russia na may dalang 730,000 bariles ng langis. Parating na din sa bansa ang kanilang ikalawang tanker na may dalang mahigit 27,000 tonelada ng gas. Nangako ang Russia na patuloy itong magpapadala ng ayuda sa kabila ng blokeyo ng US. Nagpadala rin ng ayuda ang mga bansa sa Caribbean, ang China, Canada, Brazil, Italy, at ilang organisasyon mula sa US.

Bagama’t hindi sasapat ang mga ayuda upang lubusang maibsan ang pagdurusa ng mamamayan ng Cuba, dala nito ang pandaigdigang suporta sa kanilang soberanya at mariing pagkundena sa malupit at kriminal na kolektibong pagparusa ng rehimeng Trump ng US sa mamamayang Cuban.

Internasyunalismo at ang matatag na paninindigan ng mamamayang Cuban