Pakikipagkapit-bisig sa mamamayang Indian at Adivasi

,

Sa iba’t ibang dako ng mundo, kumilos ang mga partido at organisasyon noong Marso 28 para ipanawagan ang pagwawakas sa Operation Kagaar (o huling digma) ng pasistang Brahmanical Hindutva na pasistang rehimen ni Narendra Modi sa India. Nakipagkapit-bisig sila sa mamamayang Indian at Adivasi (katutubo) na tinatarget ng malupit at madugong kampanya ng pagsupil na nagsimula noong Enero 2024.

Sa panawagan ng International Committee to Support the People’s War in India (ICSPWI), lumahok sa araw ng pagkilos ang mga pwersa mula sa Brazil, Bangladesh, Finland, Mexico, the Netherlands, Pilipinas, Switzerland, United Kingdom at US. Namahagi sila ng mga polyeto, nagpaskil ng mga poster, nagsabit ng mga istrimer, nagpinta ng mga panawagan sa pader, nagtalakayan at nagprotesta para hikayatin ang mas maraming mamamayan na tumindig para sa mga Indian at Adivasi.

Kabilang sa mga aktibong nakilahok sa kampanya ang anti-imperyalistang alyansa na International League of Peoples’ Struggle (ILPS) at ang Commission on Indigenous Peoples and National Minorities nito o ILPS Commission 10.

Ang madugong “huling digma”

Ang Operation Kagaar ay bahagi ng kabuuang pagpapatindi ng pasismo ng estado ng India sa ilalim ng Surajkund Scheme (2022). Isa itong kampanya kontra-insurhensya na may deklaradong layunin na durugin sa katapusan ng Marso 2026 ang armadong rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Indian na pinamununuan ng Communist Party of India o CPI (Maoist).

Nakabalangkas ito sa doktrinang US counterinsurgency at direktang kadugtong ng US Indo-Pacific Strategy. Dagdag rito, pinapaypayan ng operasyon ang panatisismo sa relihiyon para sa pasistang panunupil ng rehimeng Brahmanical Hindutva na pinamumunuan ni Modi.

Sa ilalim ng Kagaar, mahigit 750 indibidwal, pangunahin mga Adivasi sa Central India, ang minasaker ng rehimeng Modi. Libu-libo rin ang inaresto at ikinulong ng armadong pwersa ng estado sa patung-patong na mga kaso at pagbabansag sa kanila bilang “terorista.”

Ipinailalim ang mga komunidad ng mga katutubo sa kampanya ng maramihang pagpapasuko at pamimilit na makipagtulungan sa militar. Tinadtad ang mga kagubatan at komunidad ng daan-daang kampo militar na umaktong protektor ng mga korporasyong multinasyunal na nangangamkam sa mga lupang ninuno at dumadambong sa kalikasan.

Samantala, hindi iilang mga kadre at lider ng CPI (Maoist) at ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) ang naging biktima ng karahasan ng Kagaar. Karaniwang modus ng rehimeng Modi ang pag-aresto sa kanila, pagpapailalim sa matinding tortyur bago patayin habang nasa kustodiya ng militar at pulis. Malulubhang paglabag ang mga ito sa internasyunal na makataong batas.

Pakikiisa ng PKP at BHB

Sa harap ng deklaradong layunin ng rehimeng Modi na wawakasan ang CPI (Maoist) at PLGA sa katapusan ng Marso 2026, muling pinagtibay ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusang Pilipino ang suporta sa kanila. Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, tiwala ang rebolusyonaryong kilusang Pilipino na mapangingibabawan at magtatagumpay ang rebolusyonaryong kilusang Indian laban sa Kagaar. “Hangga’t nagpapatuloy ang pagsasamantala, lalaban ang mamamayan,” aniya.

Inihambing ni Valbuena ang Kagaar sa mga pasistang taktika na idinidikta ng US na ginagamit laban sa mamamayang Pilipino sa loob ng maraming dekada sa ilalim ng iba’t ibang rehimen hanggang sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos. Aniya, ang mamamayang Indian at Pilipino ay parehong nagpapakita ng katapangan sa pakikipaglaban sa terorismo at pang-aapi, na handang humarap sa lahat ng kahirapan at mag-alay ng mga kinakailangang sakripisyo.

Dagdag ni Valbuena, binibigyang inspirasyon ng magiting na paglaban ng mamamayang Indian at ng mga rebolusyonaryong pwersa nito ang mamamayang Pilipino na ipagpatuloy ang armadong pakikibaka nang may mas matinding sigasig.

Sa gitna ng isang mundong niyayanig ng mga digmaang sinimulan, inudyukan, o sinuportahan ng mga imperyalista, kailangang-kailangan na magkaisa ang mamamayang Indian at Pilipino at isulong ang kanilang mga pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang paglaya ng India at Pilipinas mula sa imperyalistang pang-aapi at dominasyon ay magsisilbing isang napakahalagang kontribusyon sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo at para sa kalayaan at sosyalismo.

Pakikipagkapit-bisig sa mamamayang Indian at Adivasi