Mga migranteng Pilipino sa Europe at US, lumahok sa rali kontra pasismo
Milyun-milyon sa US at daan-daang libo sa Europe ang lumahok sa magkakahiwalay na protesta nitong nagdaang mga linggo upang kundenahin ang lumalawak at umiigting na pasismo at rasismo sa kanilang mga bansa. Aktibong lumahok sa mga pagkilos na ito ang mga Pilipino sa ilalim ng grupong Migrante sa Europe at Tanggol Migrante Movement sa US.
Sa US, tinatayang nasa 8 milyong mamamayan ang lumahok sa ikatlong protestang “No Kings” noong Marso 28 bilang pagkundena sa pag-aastang “hari” ni Trump. Umabot sa 3,300 na protesta ang naitala sa US. Mas marami nang dalawang milyon ang lumahok sa naturang pagkilos kumpara sa nakaraang “No Kings” noong Oktubre 25, 2025.
Binatikos nila ang mapanupil niyang mga hakbang at kawalang pananagutan sa mga ito. Kabilang dito ang panggegera sa Middle East, pagtugis sa mga migrante at imigrante, pagbawas sa mga serbisyong panlipunan at pagkamal ng yaman ng kanyang pamilya at kasapakat na malalaking korporasyon. Sa labas ng US, nagkaroon ng mga protesta laban kay Trump sa France, Portugal, Germany, Italy at Greece.
Sa United Kingdom (UK), umabot sa kalahating milyon ang nagmartsa patungo sa Houses of Parliament noon ding Marso 28 bilang pagtutol sa rasismo at tunguhing ultra Kanan sa bansa. Ito ang pinakamalaking protesta laban sa mga pwersang ultra-nasyunalista at kontra-migrante sa kasaysayan ng UK.
Nasa 500 grupo, kabilang ang mga unyon, grupo na kontra sa rasismo at kinatawan ng mga komunidad ng Muslim ang nagkaisa upang ilunsad ang aktibidad.