Balita

2 aktibista sa Bicol, 6 na buwan nang nawawala

Nagtipon ang mga pamilya, grupo sa karapatang-tao at mga tagasuporta ng mga aktibistang sina Felix Salaveria Jr at James Jazmines sa Legazpi City, Albay noong Marso 1 para muling ipanawagan ang kaagad na ligtas na paglilitaw sa kanila ng rehimeng Marcos. Ang 66-anyos na si Salaveria ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Agosto 28, 2024 habang si Jazmines naman ay dinampot noong Agosto 23, 2024, pareho sa Tabaco City.

Noong hapon sa araw na iyon, dumalo sa isang misa sa St. John the Baptist Church sa Tabaco City ang mga kaanak ng biktima para ipabatid sa mga Bicolano at kapwa Pilipino ang nangyari sa dalawang desaparesidos at kanilang pamilya. Nanawagan rin sila ng suporta sa isang misa sa Our Lady of Perpetual Help Church sa Paranaque City noong Pebrero 23. Ibinahagi nila na matapos ang anim na buwan ay nananatiling walang impormasyon sa kinaroroonan ng mga biktima.

Noong Pebrero 28, humarap sa Court of Appeals ang mga kaanak ni Salaveria para magbigay ng testimonya sa sapilitang pagwala sa dalawa. Kaugnay ito ng isinampa nilang petisyon para sa writ of amparo at habeas data kung saan pinangalanan bilang respondent ang mataas na upisyal ng pulis at militar.

Ayon kay Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan, sinubukan ng Office of the Solicitor General na iisaisantabi ang pananagutan ng estado sa krimen sa pagkwestyon nito sa pagkakakilanlan, mga ID at birth certificate ni Salaveria.

Pagbabahagi ng Karapatan, lumitaw sa pagdinig na wala ni isang ahensya ng gubyerno na kabilang sa imbestigasyon ang lumapit sa pamilyang Salaveria para mag-ulat sa pag-usad ng kaso. Sa kabila ito ng pag-aaunsyo ng estado ng paglikha ng isang tim para sa espesyal na imbestigasyon sa kaso.

“Malinaw na sadyang pinatatagal lamang ito ng mga pwersa ng estado,” ayon kay Atty. Taule. Aniya, umaasa ang rehimeng Marcos na paglilipasan na lamang ng panahon ang kaso ng padukot sa dalawa hanggang sa makalimutan ito at para tuluyang makatakas sa pananagutan ang mga sangkot sa krimen.

Gayunman, nanindigan ang abugado na nagkakamali ang rehimen sa pag-aakalang ganoon nga ang mangyayari. “Minamaliit nila ang katatagan ng pamilyang Salaveria at Jazmines at iba pang mga kaanak ng mga desaparesidos,” ayon kay Atty. Taule.

Aniya, hindi titigil ang mga pamilya ng mga desaparesidos hanggang hindi sila nakakakuha ng sagot na makapagbibigay sa kanila ng hustisya at mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen ng sapilitang pagwala.

AB: 2 aktibista sa Bicol, 6 na buwan nang nawawala