Dinukot na mandirigma ng BHB-Sorsogon, isang buwan nang nawawala
Mariing kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon (Celso Minguez Command) ang sapilitang pagdukot at sikretong detensyon ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines kay Gerald Gestole (Ka Chris), naka-medical leave na mandirigma nito. Dinukot siya noong Nobyembre 17, bandang 4:30 ng hapon sa paradahan ng traysikel sa Barangay Crysanthemum, San Pedro, Laguna.
Pauwi si Gestole kasama ang kanyang nakababatang kapatid mula sa Robinson’s Mall nang damputin ng apat na kalalakihan at sapilitang ipinasok sa puting Mitsubishi L300. Pagkatapos ng insidente ay kaagad na nagpa-blotter ang pamilya ni Gestole sa barangay at sa istasyon ng pulis.
Kinagabihan sa araw na iyon, nag-video call si Gestole sa kanyang ina at nagsabing huwag nang magreklamo sa pagkakadukot sa kanya. Ipinabatid din umano niya sa ina na pawang mga dati niyang kasama na ngayo’y mga ahente ng AFP ang dumukot sa kanya. Ayon sa pamilya, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang balita kung nasaan si Gestole.
Ayon sa pahayag ng BHB-Sorsogon, pinahintulutang magpagamot si Gestole noong Oktubre para sa iniinda niyang sakit sa likod. Wala siya sa katayuang lumaban at sa gayon ay dapat iginalang ang kanyang mga karapatan.
Labag sa internasyunal na makataong batas at maging sa reaksyunaryong batas ang pagdukot kay Gestole, saad ni Ka Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon. “Dapat iharap sa korte si Gestole kung mayroong nakahain na mga kaso laban sa kanya sa halip na itago sa hindi tukoy na lokasyon,” aniya.
“Kaisa ang BHB-Sorsogon sa pamilya ni Gestole sa panawagang kaagad at ligtas siyang ilitaw at pahintulutang makipagkita sa pamilya at kanyang piniling abugado” pahayag pa ni Ka Samuel.
Dagdag si Gestole sa hindi bababa sa 233 biktima ng pagdukot ng mga pwersa ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Sa nagdaang taon lamang (Disyembre 2023-Disyembre 1), 70 ang biktima ng pagdesaparesido ng estado.