Balita

30th IB, tatlong beses binigwasan ng BHB-Surigao del Norte

,

Tatlong beses na pinatamaan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Surigao del Norte ang mga yunit at ahente sa paniktik ng 30th IB.

Inambus ng BHB ang pinagsanib na pwersa ng 30th IB at Philippine National Police sa Barangay Binukaran, Malimono noong Marso 26 ng hapon. Dalawa ang naiulat na sugatan sa hanay ng mga sundalo at pulis.

Bilang ganti, pinaulanan ng mga rocket ang sundalo sa lugar na pinangyarihan ng insidente. Gawi na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gumamit ng labis na malalakas armas tulad ng mga rocket at kanyon na nagdudulot ng takot at pagkabalisa sa mga sibilyang komunidad.

Noong Abril 6, dalawang elemento ng CAFGU sa ilalim ng 30th IB ang nasugatan sa ambus ng BHB sa Sityo Tumay-as, Barangay Ferlda, Alegria. Nasamsam ng yunit ng BHB mula dito ang ilang kagamitang militar kabilang ang mga backpack at combat boots.

Sa sumunod na araw, inaresto ng mga Pulang mandirigma ang dalawang aktibong aset ng 30th IB sa Barangay Mayag, Sison. Nasamsam sa dalawa ang isang maiksing armas, isang GPS tracker, smartphone at dalawang selpon. Sinamsam ang mga ito ng BHB dahil hindi ito mga personal na kagamitan kundi ginagamit para sa gawaing paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan.

AB: 30th IB, tatlong beses binigwasan ng BHB-Surigao del Norte