Balita

4 na araw na tigil-putukan, idineklara ng PKP

Nagdeklara ng apat na araw na tigil-putukan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) bilang pakikiisa sa tradisyunal na mga pagdiriwang ng masang Pilipino sa Pasko at Bagong Taon. Inatasan ng Komite Sentral ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ipatupad ito mula 00:00 ng umaga ng Disyembre 25 hanggang 23:59 ng gabi ng Disyembre 26 at mula 00:00 ng umaga ng Disyembre 31 hanggang 23:59 ng gabi ng Enero 1, 2026.

Ayon sa pamunuan ng Partido, pagbibigay-daan ang tigil-putukan sa mga simpleng pagdiriwang ng mga Pilipino sa harap ng malubhang kalagayang panlipunan at pang-ekonomya sa ilalim ng rehimeng Marcos. Gagamitin din ito ng rebolusyonaryong kilusan, kasama ang mamamayan, para ipagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng Partido sa Disyembre 26.

“Ipagdiwang natin ang mga nakamit sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at ang rebolusyonaryong mga tagumpay ng kilusang pagwawasto ng Partido sa nagdaang taon,” ayon sa Komite Sentral. Sa panahong ito, hinimok ng Partido ang mga yunit ng BHB at mga lokal na samahang magsasaka na magsagawa ng mga pag-aaral at pangkulturang aktbidad.

Makakatulong umano ang mga ito para palalimin ang pag-unawa ng masa sa krisis ng bulok na naghaharing sistema sa ilalim ng korap at pasistang rehimeng Marcos. “Paiigtingin rin nito ang kanilang kagustuhang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, at ipaglaban ang kanilang hangarin para sa lupa, hustisya at kalayaan,” ayon sa pamunuan.

Sa pagpapatupad ng tigil-putukan, inatasan ng Komite Sentral ang mga yunit ng BHB na pumailalim sa posturang aktibong depensa laluna sa harap ng pananalasa ng walang tigil na mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP). “Ang lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma ay dapat manatiling mataas ang alerto laban sa pataksil na pag-atake ng AFP mula sa kalupaan at ere,” anito.

Dapat umanong mahigpit na makipagtulungan ang mga yunit ng BHB sa masa para maipatupad ito. “At dapat rin silang parating handa na magmaniobra o maglunsad ng kontra-atake sa panahong kinakailangan ng kalagayan,” dagdag nito.

AB: 4 na araw na tigil-putukan, idineklara ng PKP