7 residente, inaresto habang binubuwag ang barikada laban sa Woggle Corporation
Pitong residente ng Dupax del Norte, Nueva Viscaya ang inaresto dahil sa kanilang pagtutol sa pagpasok ng drilling equipment ng Woggle Corporation sa kanilang barangay noong Enero 23. Halos 400 pulis mula sa Nueva Viscaya, katuwang ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, ang dineploy para buwagin ang barikada ng mga residente.
Naglabas ng kautusan noong Enero 19 ang Regional Trial Court 30 ng Nueva Vizcaya na buwagin ang barikada at arestuhin lahat ng humarang o pumigil sa pagpapatupad ng kautusan. Sa mismong araw ng demolisyon, daan-daang residente, karamihan mga matatanda at kababaihan, at mga taong simbahan mula sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at Episcopal Church in the Philippines (ECP), ang humarang sa daanan. Pumunta din sa barikada para magpahayag ng suporta ang mga myembro ng alternatibong midya, taong simbahan at grupong pangkalikasan.
Noong Enero 24, nagprotesta sa harap ng Dupax del Norte Police Station sa porma ng kanyaw (seremonya) at community dance ang mga katutubo at magsasaka upang kundenahin ang pag-aresto sa mga residente habang nagtatanggol sa barikada.
Kabilang sa inaresto ang anim na kababaihang katutubo at si Florentino Daynos, isa sa mga lider ng Defend Dupax del Norte. Apat sa kanila ay residente ng Barangay Bitnong at dalawa ay mula Barangay Macabenga. Isa sa inaresto ang may-ari ng lupa na planong minahin ng kumpanya. Hinila ng mga pulis ang mga kababaihan mula sa grupo ng nagbabarikada para arestuhin sila. Dalawang kababaihan ang hinimatay habang pilit na binubuwag ang barikada. Pagdating nila sa ospital, saka sila inaresto ng kapulisan. Pagkatapos arestuhin ng mga pulis ang mga residente, marahas nilang tinulak ang mga nagbabarikada palayo sa bukana upang maipasok ng Woggle ang mga makina nito kabilang ang isang backhoe at trak, papunta sa target site.
Ayon sa grupong Kalikasan, naobserbahan nila na walang maayos na pagkakakilanlan ang mga pulis gaya ng name plate. Karamihan sa arresting team ay hindi nakasuot ng bodycam. May mga pagkakataon na pinapatay ng mga pulis ang bodycam nila tuwing nakikipaggitgitan sa mga nagbabarikada.
Sa parehong araw, nagprotesta ang mga grupong maka-kalikasan at progresibo pangununga ng Kalikasan sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Office sa Quezon City upang kundenahin ang pagpahintulot ng kagawaran sa eksplorasyon ng Woggle Corporation sa kabila ng malinaw na pagtutol ng komunidad. Giit ng mga raliyista, makatarungan ang pagtatayo ng barikada at hindi krimen ang pagtatanggol ng mga residente sa kanilang komunidad laban sa dayuhang kumpanyang mina. Hinarang ng mahigit limampung kapulisan na naka-riot shield ang pagkilos.
Nagpahayag ng pakikiisa at pagkundena ang iba’t ibang grupo sa naganap na pagbubuwag sa barikada. Kabilang dito ang Caritas Philippines, Catholic Educational Association of the Philippines, National Priest Organization-North Central Luzon ng Iglesia Filipina Independencia, Save Cagayan Valley, Taripnong Cagayan Valley, Alyansa Tigil Mina, Center of Environmental Concerns Sinagbayan, Bayan, Kilusang magbubukid ng Pilipinas, AGHAM, Karapata, Hustisya, Kabataan Partylist, Gabriela Women’s Party, at Alliance of Human Rights Advocates.