Aberya sa GCash, paiimbestigahan

,

Laganap pa rin ang online scam sa kabila ng pag-iral ng SIM card registration law. Nitong nakaraang linggo, naitala ang serye ng mga kaso ng pagnanakaw o “cybertheft” na gumagamit ng GCash. Ang GCash ay sistema ng electronic wallet kung saan ang salapi ng isang indibidwal ay hawak ng kumpanyang Globe na nagtatala ng mga transaksyon ng pagbili at pagbayad.

Mahigit 1,000 gumagamit ng GCash ang naapektuhan. Sa una ay pilit na inilulusot ng GCash ang maanomalyang transaksyon na isang kaso ng “phishing” at sa gayon ay sinisi ang mga subscriber sa di pag-iingat ng kanilang OTP. Pinabulaanan ito ng mga nagsabing wala silang binigyan na kanilang mga sekretong numero. Ang “phishing” ay iba’t ibang paraan ng panloloko sa mga may cellphone o smartphone para ibigay nila ang kanilang pribadong impormasyon.

Kaugnay nito, magsasampa ang Gabriela Partylist ng resolusyon sa Mababang Kapulungan upang mapaimbestigahan ang posibleng aberya sa GCash at iba pang kumpanya ng e-wallet o mobile payment services.

“Kailangang managot ang GCash sa posibleng data breach (o pagnanakaw ng impormasyon). Nagdulot ito ng malaking abala at pagsasapanganib ng data ng milyun-milyong gumagamit rito sa buong bansa,” ani Gabriela Rep. Arlene Brosas.

“Hawak nila ang milyun-milyong piso nagmula sa users, kailangang ipatupad ang mataas na pamantayan sa seguridad. Kung ganito lang kadali na makapasok ang mga scammers at hackers, madaling manakaw ang perang pinaghirapan ng mga tao,” diin ni Brosas.

Tinuligsa rin nya ang kainutilan ng SimReg Law.

“Patunay ito na walang ibinibigay na katiyakan ang SIM Card Registration Act laban sa data hackers. Napakarami pa ring kaso ng online scamming na madalas gumagamit ng GCash at iba pang finance apps,” puna nya.

Sa kasalukuyan, may mahigit 79 milyong gumagamit ng GCash.

AB: Aberya sa GCash, paiimbestigahan