Balita

Atake ng 2nd IB sa BHB-Masbate, bigo; 10 sundalo, patay

Sampung sundalo ng 2nd IB ang napatay sa aksyong kontra-kubkob ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) noong Setyembre 15, alas-8 ng umaga sa Sityo Calanay, Barangay Banco, Palanas, Masbate. Pinasabugan ng Pulang hukbo ng command-detonated explosive ang umaatakeng berdugong sundalo.

Ligtas na nakamaniobra ang mga Pulang mandirigma nang walang pinsala sa kanilang hanay sa kabila ng tangkang pagkubkob ng 2nd IB, ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate. Pinasinungalinan ng tagapagsalita ang pahayag ng 9th ID na mayroong kaswalti sa hanay ng hukbong bayan.

“Ayon sa masang nakasaksi, agad kinuha ang mga bangkay ng nasawing mga sundalo sa tangkang ikubli ang kanilang kaswalti,” pahayag ni Ka Luz. Nagbubunyi rin ang mga Masbatenyo, laluna ang nasa kalapit na lugar ng pinangyarihan ng insidente, sa sinapit ng mga mamamatay-taong militar. Marami ang sumisigaw ng “Marise!” (Mabuti nga sa inyo!).

Ang yunit ng 2nd IB na umatake sa hukbong bayan ay mula pa sa hanay nito na nagsasagawa ng Retooled Community Support Program sa Barangay Bigaa. “Inatasan [silang] gumanti matapos ang serye ng matatagumpay na aksyong gerilyang inilunsad ng Hukbo kamakailan,” ayon kay Ka Luz.

“Sa kabila ng pagod sa operasyon at paghahabol sa [Pulang hukbo], nabigo sila at napuruhan pa dahil sa kahandaan ng Hukbo,” dagdag pa ni Ka Luz. Paliwanag pa niya, nakatulong sa kanilang yunit ang impormasyong ibinigay ng mga CAFGU, pulis at Army at kanilang kaanak na dismayado na sa bulok at tiwaling kultura ng kanilang organisasyon.

Dahil sa kahihiyan, nagbuhos ng 200 tauhang militar at pulis ang Philippine Army at Philippine National Police sa mga barangay ng Banco, San Carlos at Bigaa sa bayan ng Palanas. Nangangamba ang masang magsasaka at mga residente na sila ang atakehin ng mga sundalo dahil sa pagkatalo nito sa BHB.

Iniulat ng mga residente na ilang mga kabahayan sa Barangay San Carlos ang tinangkang halughugin ng militar sa pag-aakalang matutunton nila ang umano’y mga sugatang kasapi ng hukbong bayan. Ninakaw din ng mga tumutugis na militar ang mga alagang manok ng isang residente sa naturang baryo.

Nagpaalala naman si Ka Luz sa mga yunit ng BHB-Masbate. “Hamon para sa BHB-Masbate ang naturang depensibang labanan upang patuloy na magpursige sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang parusahan ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen,” aniya.

AB: Atake ng 2nd IB sa BHB-Masbate, bigo; 10 sundalo, patay