Babaeng kadete ng ROTC sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, biktima ng hazing
Kinundena ng Gabriela Youth at Anakbayan sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang nalantad na kaso ng hazing na naganap sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa pamantasan noon pang Nobyembre 2024. Kasunod ito ng pagsisiwalat ng ama ng biktima noong Mayo 8 ng patuloy na kawalang aksyon ng PLM at pagkakait ng hustisya sa kanyang anak na babae.
Ayon sa ulat, naganap ang marahas na hazing sa isang babaeng kadete noong Nobyembre 28, 2024 sa tinaguriang “Armory” ng upisina ng ROTC sa loob ng unibersidad. Sangkot sa hazing ang mga kadete at upisyal ng PLM ROTC. Sa utos umano ng sinasabing upisyal, piniringan, pinagsasampal, pinag-bridge pose habang pinagmumura at inipit ang daliri ng biktima ng biktima.
Dahil sa insidente, hindi na natapos pa ng biktima ang kanyang unang semestre at nagpasyang lumipat na lamang ng paaralan. Nagdulot rin ito ng matinding troma sa kanya at kinailangan siyang ipasailalim sa pagpapagamot sa Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD).
“Ako po ay isang ama na nananawagan ng katarungan para sa aking anak,” pahayag ng ama ng biktima. Ibinahagi niya na batay sa isinagawang internal na imbestigasyon sa PLM ROTC ay napatunayan na may mga estudyante sa unibersidad na sangkot sa insidente. “Gayunpaman, tila walang konkretong hakbang na ginawa mula sa PLM upang tugunan ang isyung ito at bigyan ng hustisya ang aking anak,” aniya.
Pagdidiin ng ama, ang pananahimik sa kasong ito ng administrasyon ng PLM ay isang uri ng pagtanggap sa pang-aabuso. “Ang bawat estudyante po ay may karapatang mag-aral sa isang ligtas at makatarungang kapaligiran, at hindi po ito dapat balewalain,” aniya. Dagdag pa, hindi lamang ito laban ng isang ama kundi para sa lahat ng magulang at estudyante na nais maging ligtas sa loob ng kanilang paaralan.
Sa harap nito, hinamon ng Gariela Youth PLM ang administrasyon at PLM ROTC na gawin ang tama at panagutin ang mga maysala. “Tigilan na ang pagtatakip sa mga karahasang nangyayari sa loob ng Pamantasan. Kada taon na lamang may mga kasong ipinasasawalang bahala ang administrasyon,” anang grupo.
Kinundena rin ng mga ito ang pagpapatupad ng mala-mandatory na ROTC sa ilalim ng National Service Training Program ng PLM. Ayon sa grupo, malaking bilang ng mga first year ang napipilitang pumasok sa ROTC dahil kulang na ang slot sa Civic Welfare Training Service na pwedeng panghalili sa ROTC. Bunga rin umano ito ng paghahabol ng PLM na maabot ang kota sa programang ROTC.
“Dagdag pa sa mga kaso sa loob ng PLM ROTC ngayong taon ang patuloy na pagpapahiya at diskriminasyon sa mga kadeteng parte ng LGBTQ+, partikular sa mga trans na estudyante. Kitang kita sa mga insidenteng ito, kasama ang hazing na nangyari, na pinapairal ng ROTC ang macho-pyudal o patriyarkal na mga kaisipan at gawain,” ayon sa Gabriela Youth PLM.
Paliwanag ng Gabriela Youth at Anakbayan, kabilang ang mga dahilang ito ng karahasan kung bakit din nila tinututulan ang pagratsada ng rehimeng Marcos na maisabatas ang Mandatory ROTC sa bansa. “Imbis na ilaan ang pondo at atensyon sa Mandatory ROTC, mainam na mas paglaanan ng pondo ang sektor ng edukasyon na siyang kumakaharap sa malalang krisis ng kakulangan sa mga guro, pasilidad at patuloy na pagliit ng badyet,” ayon sa pahayag ng Anakbayan PLM.