Bantang pagpapalayas sa isang komunidad sa Pasig City, nilalabanan
Muling nanindigan ang mga residente ng Molave Extension o Leona Compound sa Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City laban sa pagpapalayas sa kanila ng Pasig Action Line (PAL), organisasyon ng lokal na gubyerno ng syudad. Kasisimula pa lamang ng taon ay muling niligalig ang mga residente ng PAL noong Enero 5 para sila ay palayasin.
Ang naturang erya ay naiulat na tatayuan ng ospital at eskwelahan. Nalaman ito ng mga residente mula mismo kay Pasig City Mayo Vico Sotto noong Disyembre 3, 2025. Anang mga residente, walang naipakitang katunayan ang lokal na gubyerno na ang lupang kanilang kinatitirikan ay pag-aari talaga ng gubyerno. Dismayado rin sila dahil walang planong relokasyon para sa mga mapalalayas na residente.
Nagpahayag ng suporta sa laban ng komunidad ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pasig. Nakiisa rin ito sa ikinasang kilos protesta ng mga residente sa Temporary City Hall ng Pasig noong Nobyembre 2025.
Sa protesta, nanawagan sila kay Mayor Sotto na hayaan ang mamamayan na i-okupa ang mga lupang tiwangwang upang mabuo ang kanilang mga komunidad. Panawagan din nila ay makapaglabas ang mismong may-ari ng lupa sa hinaharap ng “Intent to Sell” o kaya ay mapabilang sila sa mga posibleng benepisyaryo ng proyektong pabahay ng gubyerno.
“Hangga’t hindi natutugunan ang usapin ng disenteng pabahay para sa mga maralita at patuloy na ginagamit ang batas para sa iilan, mananatili at lalo pang dadami ang mga komunidad tulad ng Leona Compound,” ayon sa Bayan-Pasig.