Batayang karapatan ng Mansalay 2, patuloy na nilalabag

Binalaan noong Hunyo 29 ng National Union of Peoples Lawyers (NUPL) ang 2nd ID ng Armed Forces of the Philippines laban sa patuloy na pagkakait nito sa batayang mga karapatan nina Arnulfo Aumentado at Mary Joyce Lizada, kilala bilang Mansalay 2, bilang mga indibidwal na pinagkaitan ng kalayaan (persons deprived of liberty.)

Sina Aumentado at Lizada ay dinukot ng mga sundalo noong Abril 26 sa Barangay Sta. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Inilitaw sila noong Abril 28 sa Camp Capinpin, Taytay, Rizal at sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms at explosives.

Makailang beses nang tumanggi ang militar na makausap ng kanilang mga kamag-anak at abugado ang Mansalay 2, taliwas sa karapatan nila para sa ligal na representasyon at bisita ng kanilang mga kapamilya. Noong Hulyo 28, muling tumanggi ang militar na makapasok sa kampo ang mga pamilya ng dalawa, kasama ang dalawang abugadong myembro ng NUPL, para mapag-alaman ang kanilang kalagayan.

“Kailangang paalalahanan ang 2nd ID na garantisado ang karapatan ng mga inaresto at detenidong indibidwal na magkaroon ng abugado sa lahat ng panahon sa ilalim ng Konstitusyong 1987,” ayon sa grupo ng mga abugado. Isinasaad din sa RA 7438 (Rights of Persons Arrested, Detained or Under Custodial Investigation) na may karapatan silang bisitahin o makipagkonsultahan sa kanilang mga pamilya.

Habang nagtatagal, lumalaki ang pangamba ng pamilya na isinasailalim sa tortyur, di maayos na pagtrato o brutal at di makataong pagtrato ang dalawa. Sa harap nito, hindi sila magdadalawang-isip na magsampa sa kaso laban sa militar.

“Ang paglabag sa mga karapatang ito ay krimen na may parusang pagkakabilanggo,” pahayag ng grupo. Iginiit nito na kagyat na pahintulutan ang pagdalaw ng mga abugado at pamilya sa dalawang aktibista at ilipat sila sa sibilyang kulungan.

AB: Batayang karapatan ng Mansalay 2, patuloy na nilalabag