Bato dela Rosa, binatikos sa "pekeng katapangan" kontra ICC
Kasunod ng pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong krimen laban sa sangkatauan, kaagad na umapela si Sen. Bato dela Rosa sa pamunuan ng Senado ng Pilipinas na “huwag siyang kaagad na isusuko” sa International Criminal Court (ICC) kung dumating ang panahong siya naman ang ipaaaresto ng korte. Kabilang si dela Rosa sa mga pangunahing arkitekto at tapagpagpatupad ng madugong gera kontra droga, bilang hepe ng Philippine National Police noong administrasyong Duterte.
Binatikos ni Jose Paolo Echavez, lider-kabataan at ikalawang nominado ng Kabataan Party-list, ang pahayag ni dela Rosa sa harap ng ilang taong pagtatapang-tapangan ng senador laban sa ICC. “Nasaan na ang tapang mo ngayon? Laluna ngayon na mayroon nang aksyon ang ICC, bigla kang naghanap ng ligal na proteksyon?” kutya ni Echavez kay dela Rosa.
Anang lider-kabataan, napakalaking insulto nito sa mga biktima ng gera kontra droga. “Habang ang [mga biktima ng gera kontra droga] ay hindi nabigyan ng pagkakataon na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, ikaw, desperadong iligtas ang sarili,” pahayag ni Echavez. Kahiya-hiya umano ang ginawang ito ni dela Rosa sa harap ng pagdurusa ng mga kaanak ng biktima.
“Ngayong naniningil na ang ICC, lumilitaw na ang tunay mong kulay. Sumuko ka na sa ICC!” hamon ni Echavez sa kapwa niya Bisaya na si dela Rosa. Tinukso pa ng lider-kabataan si dela Rosa sa pagsabi sa kanya ng mga katagang “anong ikatatakot kung walang kasalanan,” na karaniwang ginagamit ni Duterte at kanyang administrasyon laban sa mga “durugista” at aktibista.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, ICC Assistant to Counsel, hindi malabong kasunod na si dela Rosa, dating hepe ng PNP na si Oscar Albayalde at tatlo pang upisyal ng PNP na makatatanggap ng mandamyento de aresto mula sa ICC. Mataas ang kanyang hinala dahil kabilang at binaggit sa mga dokumento ng ICC ang pangalan ng mga ito.
Samantala, tumugon ngayong araw, Marso 17, si Senate President Francis Escudero sa hiling ni dela Rosa. Aniya, maaaring manatili ang senador sa loob ng Senado hanggang sa magamit niya ang lahat ng mga ligal na remedyo. “Ang hangganan siguro no’n ay hanggang makakuha at klaro na kung ano ang magiging pasya ng korte kaugnay sa kanyang pag-avail ng kanyang judicial remedies na karapatan niya hindi lamang bilang senador, kundi bilang isang ordinaryong mamamayan,” pahayag ni Escudero.