Balita

Bayan Muna, nagsampa ng reklamo sa Comelec laban sa Red-tagging at black propaganda sa partido

,

Nagtungo sa pambansang upisina ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros sa Maynila ang mga kinatawan ng Bayan Muna Party-list noong Marso 10 para maghain ng reklamo laban sa “malawakan at laganap na black propaganda” sa kanilang partido sa kasagsagan ng kampanya para sa eleksyong mid-term. Anang partido, dapat papanagutin ng Comelec ang nasa likod ng mga aksyong ito, laluna ang mga ahensya at pwersa ng estadong sangkot.

Kabilang sa humarap sa Comelec si Atty. Neri Colmenares, tagapangulo at unang nominado ng Bayan Muna. Aniya, “salungat sa layunin ng patas na eleksyon ang ginagawang operasyon laban sa Bayan Muna,” dahilan para maghain sila ng reklamo.

Isinalaysay ng Bayan Muna sa kanilang reklamo ang maraming kaso ng paninira at pagtatanggal sa kanilang mga poster at iba pang materyal sa kampanya na kanilang ipinapaskil. Naglipana rin ang mga poster na idinadawit ang Bayan Muna, maging ang iba pang partido at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, sa armadong rebolusyonaryong kilusan o Red-tagging. Hanggang sa social media ay dumadanas ang partido ng Red-tagging.

Ginamit na batayan ng partido sa kanilang reklamo ang resolusyon ng Comelec na Anti-Discrimination at Fair Campaigning Guidelines at ang desisyon ng Korte Suprema (G.R. No. 254753, Deduro v. Maj. Gen. Vinoya). Ayon sa Korte Suprema, ang Red-tagging ay banta sa buhay at kalayaan ng mamamayan, at pinatunayan din nito na may ahensya ng gubyerno na sangkot sa ganoong mga hakbang.

“Naninwala ang Bayan Muna na ang tungkulin ng mga mambabatas ay magsilbing ‘check and balance’ sa gubyerno na nagtutulak ditong hayag na punahin ang nakikita nitong anti-mamamayang mga patakaran ng gubyerno,” ayon sa reklamo ng partido, at hindi umano marapat na tumbasan ito ng Red-tagging ng mga abusadong upisyal ng gubyerno.

Ayon kay Attorney Colmenares, halatang pinopondohan ang operasyong Red-tagging laban sa Bayan Muna dahil malawakan itong isinasagawa sa buong bansa.

Hiniling ng partido sa Comelec na pahigpitin nito ang pagpapatupad sa resolusyon laban sa Red-tagging. Iminungkahi ng partido na isali ng Comelec sa kampanyang edukasyon at impormasyon nito ang usapin ng Red-tagging at ang masamang epekto nito. Dagdag pa ng Bayan Muna, dapat atasan ng Comelec ang Task Force Baklas nito na isadokumento at tanggalin rin ang mga materyal na naglalaman ng black propaganda at Red-tagging sa mga kandidato.

Numero unong pasimuno sa Red-tagging at paninira sa Bayan Muna at Koalisyong Makabayan ang National Task Force-Elcac at mga bayarang ahente nito tulad ng pekeng mga organisasyong pangkapayapaan na Kalinaw-Southeastern Mindanao. Nanguna sila sa pagkwestyon sa resolusyon na inilabas ng Comelec laban sa Red-tagging.

AB: Bayan Muna, nagsampa ng reklamo sa Comelec laban sa Red-tagging at black propaganda sa partido