'Bomb scare' sa Cavite, pakana ng rehimeng Marcos—NDF Cavite
Kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Cavite ang nangyaring “bomb scare” sa Dasmariñas City noong Disyembre 2 na pinalalabas ng rehimeng Marcos na nagmula sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cavite. Idinaan ang naturang pagbabanta sa isang pekeng Facebook akawnt na nagngangalang “Hukbong Para sa Bayan.”
Kumalat sa syudad ang balita na mayroong itinanim na mga bomba sa loob ng Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmariñas, City of Dasmariñas Arena at City of Dasmariñas Grandstand sa araw na iyon. Nagdulot ito ng pangamba at takot sa mamamayan.
Ayon kay Ka Simeon Magdiwang, tagapagsalita ng NDF-Cavite, peke ang bomb scare. Aniya, malinaw na layunin ng pakanang ito na maghasik ng teror sa mamamayan at siraan ang pangalan ng rebolusyonaryong kilusan.
“Kailanman, ang mga rebolusyonaryo ay hindi magpapakalat ng takot at magpapahamak ng masa,” pahayag ni Ka Simeon. Dagdag niya, ang namumukod-tanging may kakayahang sikmurain ang ganitong pagpapahamak sa mamamayan ay walang iba kundi si Marcos, at ang mga utak-pulbura nitong militar at pulis.
Kaagad ding naglabas ng pahayag ang BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command) para pabulaan ang pagdadawit sa kanilang yunit sa bomb scare. “Malinaw na disimpormasyon at paninira ito sa pangalan ng NPA upang ilihis ang pokus ng mamamayan sa gitna ng kumukulong galit sa napakalalang korapsyon ng reaksyunaryong estado,” pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog.
Aniya, hindi gawain ng BHB ang magpasabog ng paaralan o arena kung saan maraming maaaring madamay na sibilyan. Dagdag niya, ang BHB ay mahigpit na tumatalima tungkuling protektahan ang interes ng mga mamamayang Pilipino at sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma.
Katawa-tawa, aniya, na ginamit ng rehimeng Marcos ang pangalan ng BHB upang pagmukhain itong demonyo gayong ang tunay na demonyo at terorista sa mata ng mamamayang Pilipino ay ang pasista at hari ng korapsyon na si Ferdinand Marcos Jr.
“Ang paggamit ng armas ng BHB ay tiyak na laban sa kaaway ng mamamayan laluna sa reaksyunaryong armadong pwersang AFP-PNP upang igawad ang katarungan at hustisya para sa masang kanyang pinagliliingkuran,” pahayg ni Ka Cleo.